Bago ako naging Palanca hall of famer, mas matagal akong naging Palanca-losing writer. Para maging isang hall of famer, kailangang limang beses kang manalo ng first place sa Palanca. Hindi mo makukuha lahat yan sa loob ng isang taon, o kahit isang dekada. 15 years old ako nung una akong sumali sa Palanca. By the time mapanalunan ko ang una kong Palanca nung 19 years old ako, ang laki-laki na ng insecurity ko sa pagsusulat. Mas masakit ma-reject sa Palanca kesa sa pag-ibig. Chaaar. Maybe this is not for me, I told myself.
Siyempre tuwang tuwa ako nung una kong matanggap ang sulat galing sa Palanca na nagsasabing nanalo ako. Pero short lived lang ang happiness. Kasi honorable mention lang pala ako. At hindi basta honorable mention, kundi isa sa tatlong honorable mention sa one-act play in Filipino. Walang honorable sa honorable mention, ka-level yan ng Miss Friendship sa mga beauty contest. Imagine kung Miss Friendship lang ang napanalunan mo, pero 3-way tie pa kayo. Yun ang pakiramdam ko. Maliit na nga yung cash prize, tatlo pa kaming naghati. Mas mahal pa yung barong na binili sa akin ng nanay ko para suutin ko sa awards night.
Lahat ng writing contest sinasalihan ko nung bata ako. Minsan, nagpa-playwriting contest ang Meralco. Ewan ko kung ilan kaming nagtiyagang magsulat ng play tungkol sa magandang naidudulot ng kuryente sa lipunan, pero talo ako (kasi ang topic ko tungkol sa madalas na brownouts sa Manila hahaha.)
Nung nag-masters ako sa UP Diliman, nagpa-screenwriting contest ang Viva Films para sa mga istudiyante. Sabi ko, eto na ang pagkakataon para ma-discover ako ng isang major film studio. Ginalingan ko. Nag-absent ako ng ilang linggo sa classes ko para lang isulat ang screenplay. Ang title, Blue. Tungkol sa isolation at malungkot na buhay ng isang mid-30s na lalaking nagtataglay ng blue eyes. Inspired siya ng pelikulang Soltero ng paborito kong writer noon na si Bienvenido Noriega. In fairness, nanalo ako. 50K yata ang premyo. Pero higit sa cash prize, hinihintay akong ipatawag ako ni Boss Vic para sabihing ipo-produce niya ang masterpiece ko. Cut to: lumipas ang mga taon. Nagtuturo na ako sa UP, at may ilang screenplays na rin akong na-produce, kabilang ang “Sa Pusod Ng Dagat” at “Jose Rizal.” Nakalimutan ko na ang panghihinayang na walang nangyari sa “Blue” dahil medyo busy na rin ako sa pagsusulat. Isang araw may tumawag sa akin, taga-Seiko Films. Sa mga hindi inabot ang Seiko Films, sikat ito sa pag-produce ng bold films dati gaya ng “Itlog,” “Anakan Mo Ako,” “Patikim ng Pinya,” “Talong,” at “Walang Dayaan Akin Ang Malaki.” In short, soft porn. Hindi ko alam kung paano napunta sa kanila ang screenplay ko pero gusto raw nilang iproduce. Siyempre pumayag ako. Lalo dahil sabi sa akin ng director, gandang ganda siya sa script ko and he thinks it’s going to be an important film. Super excited ako. Iniisip ko baka makabalik uli ako sa Berlin Film Festival (kung saan pinalabas ang mga nauna kong pelikulang “Sa Pusod Ng Dagat” at “Jose Rizal”). Wow, I’m on a roll. Months later, pinalabas ang “Blue”, pero binago ang title: “Tatlong Hiwa Ng Pag-ibig.” Pinanood ko ang sine, walang natira sa dati kong kwento, walang ginawa yung bidang lalaki kundi kantutin nang kantutin yung tatlong leading ladies niya. Moral lesson: wag masyadong bilib sa sarili. Isang araw pwedeng nasa Berlinale ka, hobnobbing with international filmmakers, and then the next day nasa isang sinehan ka sa Cubao, wishing na lamunin ka na lang sana ng lupa.
No comments:
Post a Comment