Wednesday, July 13, 2011

97/96/95

Hello blog, kumusta ka na, magsasara ka na lang wala pa rin akong maisusulat na ni isang entry. Wala masyadong interesting na nangyayari kaya sige ikukuwento ko na lang ang shoot kahapon ng My Neighbor's Wife.

Isa sa dramatic highlights nina Jake Cuenca at Carla Abellana ang kinunan namin sa Makati Med. Iyakan ang eksena. Sa unang take, humingi ako ng tahimik na iyak. Ang gagaling! Tapos sabi ko, subukan naman natin yung iyak na puno ng galit pero pilit na nagtitimpi. Aba, mas lalong magaling! Eh yung iyak na tulala lang? Iyak na pagod na pagod at gusto mo nang sumuko sa buhay? Iyak na sa isang mata lang tutulo ang luha, at dapat slow motion ang bagsak (palakpakan kay Carla, na-achieve niya talaga ito!)? After 3 hours, nung sinabi kong "close!" ang sequence, nagpalakpakan ang crew. Nagpalakpakan dahil 1) ang gagaling talaga ng mga artista 2) pagod na pagod na ang lahat at sa wakas makakakain na sila ng dinner.

Much later, sa basement ng Makati Med, kinunan namin ang simpleng eksena kung saan maglalakad lang si Lovi Poe papunta sa kotse niya. Medyo malayo ang lalakarin niya, pero gusto ko, may kwento sa paglalakad niya. Pero bukod sa kanya, maraming maliliit na elements ang eksenang ito: 1) may isang van na tatakbo sa likuran niya 2) masasalubong niya ang ilang kaopisina na babatiin siya pero halos hindi niya mapansin 3) haharangin siya ng isang kaibigan para kausapin 4) sasakay siya sa kotse only to realize na ayaw nitong mag-start. Lahat ito, dapat ma-accomplish in less than a minute of screen time. Siyempre, kung gaano kadami ang klase ng pag-iyak, ganun din kadami ang klase ng paglalakad. Lahat yun, ipinagawa ko kay Lovi, habang naka-high heels, may bitbit na dalawang bag habang nagtitext, at habang init na init at pinagpapawisan ang lahat ng crew dahil kulob na kulob kami sa basement ng Makati Med. Nung sa wakas, natapos din ang sequence, parang sumasalubong ng New Year ang palakpakan ng mga tao, kulang na lang magpaputok sila sa sobrang saya.

Nagiging sadista ata ako habang tumatagal.

Friday, July 08, 2011

99/98



Gusto ko nito! Sana may mag regalo! :D

Noong nasa Grade 6 ako, wala akong ibang pangarap kundi ang magkaroon ng typewriter. Grade 6 kasi ako nang madiskubre kong mahilig akong mag-imbento ng kwento. Araw-araw wala akong ginawa kundi kulitin ang nanay ko na ibili ako ng typewriter. Eh mahirap lang kami. Kaya 3rd year high school na ako nung makabili kami ng 2nd hand na typewriter. Dahil second hand, hindi rumehehistro yung period, kaya tinutuldukan ko na lang ng ballpen pagkatapos. Pero ok lang, ang saya saya ko! Araw-araw wala akong ginawa kundi mag type! Wala akong kalaro sa neighborhood namin, kaya madalas nagkukulong lang ako sa kwarto para mag-type! Yun na ang laro ko, ang bumuo ng kwento. Masaya na ako! Imagine, balang araw pagkakakitaan ko pala ang pagsusulat. Kahit ang pagdidirek ko, extension lang ng pagiging storyteller ko. Ang swerte swerte ko. Hindi lahat ng tao masasabing parang naglalaro lang sila sa trabaho nila. Hindi laging madali, pero dahil passion ko ang pagkukuwento, nakakaya ko lahat. Salamat sa Diyos. :D

Pero di nga, sana may magregalo sa akin ng 27" na imac! Swerteng swerteng swerte ko na talaga pag nangyari yun! :D

Wednesday, July 06, 2011

Goodbye

Susubukan kong mag-blog araw-araw for the next 100 days. Tingnan natin kung makakarir. Pero todo na yun, dahil after 100 days, isasara ko na ang Kuwan. Wala nang point.

Samantala... andito ang teaser ng pelikula ko. Sa totoo lang, nakaka-5 shooting days pa lang kami. 13 more to go. Sa isang indie production, 2 o 3 pelikula na ang magagawa mo in 18 days. Dapat nga 22 days e. Kaso sa sobrang busy ng mga artista, baka hindi kami matapos kung hihingi pa ako ng additional shooting days.



Samantala... medyo madedelay po ang free workshop ko. Ayusin ko muna ang schedule ko ha. Malay ko ba namang may pelikula rin pala akong ididirek sa MMFF. Sa totoo lang, sa laki ng mga artista ng ibang entries, parang kakailanganin naming i-cast si Justin Bieber para lang makalaban kami for the number 7 spot. Hahaha number 7 lang talaga ang pinangarap. Siyempre nagbibiro lang ako. Baka mabasa ito ng mga producer ko, mabwisit sa akin. Serious masyado?

Anyway kagabi nanood ako ng concert ni Kylie Minogue. Siyempre andaming beki. Beki dito, beki dun, beki everywhere! Parang grand registration lang ng mga bading. Naawa nga ako sa mga closetang gustong manood kay Kylie pero hindi tumuloy dahil sa takot na ma-out sila nang walang sa oras. (Sa mga nakatira sa bundok, si Kylie po ang poon ng mga beki). Siyempre kung beki ka at tumugtog ang "can't get you out of my head", imposible namang hindi ka mapakembot. Eh di huli ka! Aminin, walang straight na lalaking ever kekembot kay Kylie. In fact, walang straight na lalaking ever kekembot. Period.