Tuesday, November 23, 2010

Congratulations

Wala nang fanfare. Wala nang paliwanag. Matapos ang mahaba at masusing pag-aaral, eto ang tatlong napili ko na sasailalim sa mentorship:

1. Nathaniel Manuzon Arciaga
2. Renei Patricia Esteban Dimla
3. Anna Levita Macapugay

Congratulations sa inyo. Hindi ko pa kayo tinatawagan para naman magkaroon ng silbi ang anunsiyo dito sa blog ko. Surprise!

Dinner tayo next week.

May applicants pa akong pipiliin para sa satellite workshop. Yun ang pinag-iisipan ko pa. Basta tatawagan ko kayo bago matapos ang linggo.

Salamat!

Friday, November 05, 2010

Paalam


May literary contest sa UST na tinuturing na Palanca ng mga Tomasino. Ito yung USTETIKA. Dito nagpapasiklaban sa galing ang lahat ng istudiyanteng nangangarap maging manununulat. Seryosong kumpetisyon ito. Dahil bagama’t contest lang siya sa loob ng campus, bigatin ang mga kinukuhang judges dito--kabilang ang mga National Artist na sina Rio Alma at Bienvenido Lumbera. In short, isa siyang event sa UST--or at least para sa akin. Kaya yung iba, buong school year na nagsusulat, nag-iipon ng entries na isasali dito-- o ako lang ba yun? Napaka-insecure ko dati sa pagsusulat ko, at dahil wala akong bilib sa sarili ko, dinadaan ko na lang sa bilis. Baka kako sa bilis kong magsulat, makatisod ako ng kahit isang magandang materyal.

Well, well,well. Hindi lang isa ang natisod ko. Nung 3rd o 4th year ko, nanalo ako sa Filipino Division bilang Tomasinong Kwentista ng Taon (1st place, Maikling Kwento), at Tomasinong Mandudula ng Taon (1st place, Dulang May isang Yugto). Sa English Division, ako rin ang tinanghal na Thomasian Fictionist of the Year (1st place, Short Story). At dahil truck-truck ang sinali kong entries, sa pagkakaalala ko ako rin ang nag-2nd place sa mga kategoryang ito. At naghihimutok pa ako niyan na hindi ko nakuha ang 3rd place ha.

Pero ang talagang pinakaasam-asam na karangalan at premyo ng sinumang sumasali sa USTETIKA ay ang Rector’s Literary Award. Ito ang rurok ng tagumpay ng sinumang student writer sa UST. Ang Rector mismo ng UST (katumbas ng Presidente ng Pilipinas ang importansiya ng isang Rector sa mga Tomasino) ang pipili mula sa first place winners ng iba’t ibang kategorya kung sino ang karapat-dapat na manalo ng award. May anim na kategorya kung saan pwedeng mag-first place ang isang istudiyante. Dahil 3 doon ang nakuha ko, inakala ng lahat na ako ang mananalo.

Naku pahirapan. Kasi nung una parang ayaw ng Rector. Wala raw deserving.

Pero mabuti na lang at may isang nakipaglaban para sa akin. Si Dr Ophelia Alcantara Dimalanta, dean ng Faculty of Arts and Letters at nagsilbing mentor ko noong college ako. Pinagpilitan, pinagduldulan ako ni Dr Dimalanta hanggang bumigay ang Rector at ipinagkaloob din sa akin ang award. Pero alam mong napilitan lang dahil pagkatapos ng awarding, pinagsabihan akong masyado raw dark ang mga kwento ko. Walang hope. Walang redeeming value.

Translation: Walang kwenta ang pinagsusulat ko. O baka balat-sibuyas lang ako. Baka naman constructive criticism yun. Kasi nakangiti naman si Rector nung kausapin niya ako. Pero yun ang nakuha ko. Hindi ko mawari ang pakiramdam. Nakaranas na ba kayo ng kaligayahan na biglang naudlot? Para kang tahimik at maginhawang umiihi sa isang kanto... nang biglang may dumating na pulis. Parang textmate na akala mo in love sa yo, pero biglang kang hiningan ng load. O para mas simple: para kang Willing Willie na biglang na-TRO.

Nung gabing yun gusto kong ibalik yung medal. In fact pumunta ako sa office ni Dr Dimalanta, at naglabas ako ng sama ng loob sa kanya. Kfine, hindi lang siguro basta naglabas ng sama ng loob. Bilang isa na akong drama queen sa murang edad, posibleng nag-moment ako, nag-monologue, nag-self-pity sa harap niya. Moment na mala-Ate Vi epic meltdown, kasing intense ng "Diyos ka ba, Diyos ka ba para diktahan ang buhay ko"?! Pero wait, Noranian ako kaya hayaan n'yong si Ate Guy na lang ang i-quote ko: Walang hindi nakakakilala sa pangalang Magnolia dela Cruz! Aso lang ang hindi nakakakilala sa pangalang ito! Aso lang! Asoooo!

Inglesera si Dr Dimalanta. Rockstar ng mga poet. Isa sa mga superstars sa mundo ng literatura. At ako, isang uhugin, payatot at klosetang istudiyanteng taga-Balic-Balic. (Actually ni hindi ko masabing taga-Balic-Balic ako pag may nagtatanong kasi medyo maantot pakinggan. Sinasabi ko, taga Sta Mesa ako—as if yun ang rurok ng kasosyalan.) Simula’t sapul inakay ako ni Dr Dimalanta, ginabayan, at nung gabing yun na napakaliit ng tingin ko sa sarili ko, at sa mga sumunod pang pagkakataon na nagdalawang-isip ako sa kakayahan ko, tinuruan niya akong magkaroon ng kumpiyansa at maniwala sa sarili ko. Isang gabi yun na tumatak sa isip ko, dahil bagama’t pinagtatawanan at binabalikan ko na lang sa alaala ngayon, malalim ang nilikha niyang sugat, at kung hindi dahil kay Dr Dimalanta, malamang tumigil na ako sa pagusulat. Malamang ni hindi ako nagba-blog ngayon. Malamang ni hindi ako nakapagladlad, ewan ko. Nabanggit ko rin ba na gay icon siya, at nagsilbing fairy godmother sa maraming closetang manunulat? May mata siya para sa talent, oo, pero pagdating sa mga closetang may talent sa pagsusulat, talo niya pa ang may x-ray vision. Maraming kimi at balingkinitang twinks ang bumukadkad, umusbong at nagpakarami ng lahi dahil sa pagpapala niya.

Naniniwala ako sa Diyos. Naniniwala akong may itinalaga Siyang mga anghel sa lupa na darating sa takdang oras na kailangan natin sila. Sa buhay ko, bukod kina Barbra Streisand at Diana Ross, kabilang doon--nangunguna sa kanilang lahat--si Dr Ophelia Alcantara Dimalanta.

Salamat, Ma’am. Maraming maraming salamat.