Friday, January 30, 2009

crisis management video

Niloko ka niya. Iniwan. Ilang gabi mo siyang iniyakan. At kahit sinasabi mo sa friends mong naka-move on ka na, sa puso mo alam mong may puwang pa rin siya. Hanggang isang araw, hindi inaasahan, nagkita uli kayo. Sa mall. O kaya sa church. O kung talagang minamalas ka, sa jeep. Guwapo pa rin siya. Nakakatunaw pa rin ang ngiti. Kung pwede lang, gusto mo siyang yakapin uli. In fact, kung magso-sorry lang siya, baka matukso kang makipagbalikan. Kaso... may kasama siyang bagong jowa! At sweet sila sa isa't isa, nagbubulungan, naghahagikgikang parang mga probinsiyanang birhen. Samantalang ikaw, nag-iisa.


Anong gagawin mo? Maghe-hello at magpe-pretend na ok? O magdarasal na sana kainin ka na lang bigla ng lupa?


Walang dapat ipangamba. Narito ang instructional video sakaling dumating nga ang araw na kinatatakutan mo. Panoorin at pag-aralang mabuti ang step-by-step demo ng mga bagay na dapat mong gawin oras na magkita uli kayo ng ex mo. Pramis, siguradong wagi ka dito.


video

Saturday, January 17, 2009

hula

Kung nagkataong may color blue ang pang-itaas na suot mo, at may letrang A o kaya E ang first name mo, para sa yo ang message na ito: Iwanan mo siya. Niloloko ka lang niya.

Joke lang.

Pero kung nagkataong swak sa yo ang description, malamang kinilabutan ka na. Malamang, may maiisip ka talagang nanloloko sa yo. Pwedeng jowa, pwedeng friend, relative, neighbor, at kung talagang praning ka, siguro pati pet nyong aso pagsususpetsahan mo.

Nitong mga nakaraang araw, madalas akong magpahula. May ginagawa kasi akong pelikula, at kailangan kong mag-research tungkol sa hula.

Isa sa mga istilo ng panghuhula na na-encounter ko, ganito:

MANGHUHULA: May nakikita akong letrang E sa buhay mo. Babae siya. Mag-iingat ka.

Sus. Kahit sino siguro, malamang may kaibigang babae na may letter E ang pangalan. Siyempre nagtanong ako.

AKO: Bakit ko po kailangang mag-ingat sa kanya?

MANGHUHULA: Pipikutin ka niya.

Muntik na akong masuka.

May iba namang manghuhula, aura ng isang tao ang binabasa. So nag-experiment ako. Nag-aktres-aktresan. Sa isang manghuhula, humarap akong mukhang problemado. Ang sabi ng manghuhula 1:

MANGHUHULA: May mabigat kang dinadala.

Huwaw.

At dun naman sa isa, nagpaka-Ms Friendship ako. Ngiting-ngiti from start to finish. At ang unang reading ng manghuhula 2:

MANGHUHULA: Magaan ang pasok ng swerte sa yo ngayong taon.

Hahaha.

Nonsense di ba? Hindi talaga ako naniniwala sa hula. Ni horoscope hindi ako nag-aaksaya ng panahong magbasa. Pero naiintindihan ko kung bakit marami ang nahuhumaling. Lalo na yung mga brokenhearted at walang trabaho. Kasi lahat tayo, naghahanap ng assurance. Assurance na may darating ding tamang tao para sa atin. Assurance na bubuti rin ang buhay natin.

Ang nakakaloka pa sa ibang manghuhula, huhulaan ka ng masama, tapos bebentahan ka ng pangontra. Yung isang kaibigan kong sumama sa aking magpahula, nagoyong bumili ng bato. Yes, bato. As in, ding ang bato. Kasi may mga dwende daw sa condo niya. In fairness, sosyal ang dwendeng yun ha, naka-condo.

Pero eto, ngayon ko lang isi-share. Gusto mo ba talagang magka-dyowa? As in gustung-gusto na parang pigsa ka nang puputok sa sobrang pangungulila? Pwes bumili ka ng chocnut, kainin mo, tapos yung balat, drowingan mo ng puso, saka mo hatiin sa gitna. Yung isang piraso ng balat na may kahalating puso, kainin mo. Yes, kainin mo. Tapos yung natitirang piraso, isingit mo nang palihim sa wallet o bag ng taong napupusuan mo. In one week, ma-i-in love sa yo ang taong yun.

Ayaw mong maniwala?

Parang pagpapahula lang yan. Ano naman kung susubukan mo? Walang mawawala. Eh kung magka-dyowa ka nga?

And finally, para sa peace of mind ng lahat ng butihing readers ng blog ko, lumikha ako ng pangontra laban sa lahat ng klase ng malas ngayong 2009 (including global recession). I-click lang ang matatagpuang salita sa ilalim ng post. Ingatan ang larawan. I-print at itago sa ilalim ng unan. At wag kalimutang halikan ng tatlong beses bago matulog para hindi mawalan ng bisa:

PANGONTRA

Monday, January 12, 2009

regalo

Kung hindi ako nagdidirek sa tv at pelikula, siguro nasa teatro pa rin ako, nagsusulat ng plays. O kaya nasa UST o UP, nagtuturo ng creative writing. Posible ring advertising ang kinabagsakan ko, gumagawa ng copy. Kung none of the above, eh malamang nasa Rustan's ako ngayon, isa sa mga tagabalot dun ng regalo.

Hobby ko ang magbalot ng regalo. Dati, nung dukha pa ako, dahil cheap lang ang gifts na afford ko, dinadaan ko na lang sa presentation. Sabi ng isa kong kaibigan, natunugan niya lang na bading ako nung pareho kaming magninong sa binyag at makita niya ang bonggang-bonggang pagkakabalot ko sa regalo ng inaanak namin.

May isang balikbayan box ako ng gift wrappers. Saka ribbons at iba't ibang burloloy.






Isa sa mga binalot ko.




Kinarir ko pati tag, in fairnez.


Eto pa:






Parang ang dami kong free time diba. Minsan kahit wala akong reregaluhan nagbabalot ako haha. Minsan nga pag napapagod ako sa pagusulat, ilalabas ko yung balikbayan box ko ng gift wrappers at bigla na lang akong magbabalot para ma-relax. Sabagay kanya-kanyang trip lang yan. Saka ang ikli ng buhay. Kaya dapat gawin lang natin kung anong makakapagpaligaya sa atin. Eh nagkataon, isa ito sa happiness ko.

Ultimate dream ko: Magkapag-gift wrap ng grand piano. Hindi nga. Todong happiness na yun!

Tuesday, January 06, 2009

pirata

Buti na lang may blog ako. Dito ko na lang kaklaruhin ang kumakalat na tsismis. 2 days ago nagtext ang isang kaibigan kong nagbabakasyon sa Hong Kong. Nabasa daw niya online na lilipat na ako sa ABS CBN. Huwaw. Di ko na lang pinansin. Pero kanina, tumawag na yung kaibigan ko. May thread daw ako sa pinoyexchange.com. Basahin ko raw. Eh di siyempre na-curious na ako. Eto ang naka-post:

JUN LANA - LILIPAT NA sa ABS CBN 2?
Jun Nardo

Pinipirata raw ng ABS-CBN si Jun Lana na bahagi ng creative team ng GMA 7, na biglang naging box-office director sa movie ni Judy Ann Santos na Mag-ingat Ka Sa…Kulam! Eh, sa TV lang naman daw exclusive ang kontrata ni Jun pero pagdating sa movies, non-exclusive siya.

Kaya ang balita namin, thinking over daw si Jun sa offer ng Dos kung papatulan niya ito lalo na’t wala pa namang offer sa kanya ang Regal Films na bagong project.


Apparently lumabas pala ito sa tabloid. Abante ata. Ang kamangha-mangha, may mga pumatol at nag-react sa post.

Eto ang isa:

Baka nagpapa-presyo at nagpapansin sa Star Cinema si Jun Lana. Star Cinema has a lot of homegrown directors already, they should give them a chance. Tapos yung mga new directors naman na iba is usually galing sa mga advertising/commercial directors and even indie.

One hit pa lang naman siya from Kulam. I think he is the creative overseeing Obra and that show is definitely not on the same level as MMK.
ALthough, I dont doubt his talent, but ABS/Star Cinema has their own pool of writers and directors.

Pang Regal/GMA muna siya.


Eto pa:

^If he moves, it's obviously because ayaw na niya sa GMA, It takes two to tango ;]

At eto pa:

jusko sino ba naman ang makakatiis sa mga movies ng GME Felms na laging FLOP!!!

Kakawindang. Wala akong kamalay-malay, nahusgahan na ang pagkatao ko, nalait pa ako, pati GMA Films.

Hindi ko alam kung sino ang source ng balitang ito.

Kaya lilinawin ko na:

1)Sa December 31, 2009 pa mag-e-expire ang tv contract ko sa GMA. Kaya imposibleng lumipat ako anytime soon sa dos. Ang tanging project na nagagawa ko sa labas ng GMA, yung “Incredible Tales” na isang TV show sa Singapore. Dahil international yun, at hindi sakop ng kontrata ko.

2)Hindi totoong walang offer sa akin ang Regal pagkatapos ng Kulam. May exclusive 3-picture contract ako sa Regal na noong 1999 ko pa pinirmahan. Pangalawang pelikula ko pa lang ang Kulam. Kaya gustung-gusto ko nang gawin yung pangatlo para maging freelancer na ako. May dalawang project na binigay sa akin si Mother. In fact, bukas, may meeting uli kami para i-finalize ang cast nung isang pelikula.

3)Last December 29, sa isang meeting namin ni Mother, nagpaalam ako kung pwedeng simulan ko na ring i-consider ang ibang projects na ino-offer sa akin sa labas ng Regal. Tutal naman, patapos na rin ang kontrata ko sa kanila. Naintindihan naman yun ni Mother at pumayag siya. Actually last year pa, nakikipag-meeting na ako sa Viva. Medyo itinago ko muna yun kay Mother dahil baka hindi ako payagan. May indie rin akong gustong iproduce ng isa sa dating producers ng Jose Rizal. Pero lahat ito hindi ko masimulan dahil hinihintay kong matapos muna yung 3rd movie ko sa Regal. Kaso naisip ko, eh paano kung 1 year in the making din ito gaya ng Kulam? Sayang naman yung oportunidad na makagawa ng ibang proyekto. Kaya minabuti kong magpaalam na. Baka ito yung balitang na-pick up ng tabloid, at napalaki na lang.

Sa totoo lang, sabik akong sumubok ng kahit ano, ke indie o mainstream, basta bagong experience. Buong buhay ko sa industriyang ito, nakatali na ako sa isang istasyon. Kaya pagdating sa pelikula, gusto ko namang maging freelancer na. Dahil sa totoo lang, minsan sa halip na maging security, nakakasakal ang kontrata. Lalo na kung artist ka. Marami kang gustong gawin pero nalilimit ang outlet mo. Kaya eto, kinakarir ko talagang makipag usap sa ibang producers. Bukas na bukas na po ang tindahan 24/7. At hindi ko kailangang magpapresyo dahil wala namang lipatang mangyayari. Gusto ko lang sumubok ng bago.

Yun lang.