Sunday, June 15, 2008

the ring

Sabi ng friends ko magpalit na raw ako ng cellphone. Bakit kaya?


Hahaha. Cellphone ko yan 5 years ago. Sobrang favorite ko kaya tago-tago ko pa. Yung gamit ko ngayon, medyo jurassic na rin.

Hindi talaga ako mahilig magpalit ng model. Hindi rin ako mahilig mag text. O mag-check ng text. Bilib nga ako sa mga taong pag tinext mo, nakakasagot agad. Eh ako madalas nasa bag ang cellphone, naka-silent pa.

Dati, gigil na gigil sa akin si Mother Lily pag hindi ko nasasagot agad ang tawag niya. Eto yung panahon na lima-lima ata ang cellphones ni Mother. Minsan sa gitna ng meeting namin, sabay-sabay na magri-ring lahat. Sabay-sabay niya ring kakausapin. Yung isang kausap, maririnig mo, minumura niya. Yung isa, kinakantahan ng happy birthday. Siyempre meron din siyang ini-Instik. Tapos minsan magri-ring din yung landline, at sasagutin niya rin yun. Mamaya gulung-gulo na siya kung sino ang kausap niya. Yung may birthday minumura na niya, at yung kaaway kanina bigla na niyang kinakantahan.

Nung bata ako, sobrang traumatic sa akin ang paggamit ng telephono. Hiwalay ang parents ko, at araw-araw pag bakasyon, Lunes hanggang Biyernes, ako ang inuutusan ng mommy kong tawagan ang daddy ko sa office para humingi ng pera.

Sasabihin ng daddy ko, walang pera. Pagbalik ko sa mommy ko, magagalit siya. Tawagan mo uli ang daddy mo at sabihin mo sa kanya, ang dami niyang kotse tapos wala siyang pera? Gago siya, gago, gago! At para eksakto ang sasabihin ko, isusulat pa ng mommy ko sa papel lahat ng pagmumura niya sa daddy ko para basahin ko sa telepono.

Alangan namang hindi ka sumunod. Eh di babasahin ko yun sa daddy ko. Papa, sabi ni mama gago ka raw. Gago, gago, gago… po. At least magalang di ba? Saka walang emotion para maintindihan ng daddy ko na hindi ako ang kaaway niya. Kaya isa sa favorite actresses ko si Jacklyn Jose. Nakaka-relate ako sa underacting technique niya. 8 years old pa lang ako na-master ko na yun. Pa, hayup ka raw. Magsama daw kayo ng kabit n’yo sa impiyerno… po.

Siyempre kahit anong galang ko, magagalit din ang daddy ko. At mumurahin niya rin ang mommy ko. Ma, sabi ni Papa gaga ka rin daw. Gaga, gaga, gaga… po. Eh di lalong titindi ang away. Talo pa nila ang nagpi-pingpong. Ako yung bola.

Buti sana kung may sarili kaming telepono. Kinse minutos ang nilalakad ko papuntang palengke para lang makitawag. Hindi ako pwedeng mag-tricycle kasi sakto lang sa pambayad sa telepono ang dala kong pera. Imagine, trenta minutos ang roundtrip. Nakakailang balik ako, at minsan tinatakbo ko pa pag tanghali para maabutan ang daddy ko bago mag-lunch break. Minsan gusto ko nang mag-collapse sa sobrang pagod at ngarag. Kaya hate ko ang bakasyon nung elementary ako. Pero in fairness, dahil sa training na yun, tuwing may sportsfest sa school, ako ang laging pambato pag may marathon.

Ambilis ko kayang tumakbo.

Wednesday, June 11, 2008

the happening


Inabangan ko talaga ang pelikulang ito. Feeling ko dito babawi si Shyamalan pagkatapos siyang laitin ng buong universe sa Lady in the Water. 11 am pa lang nasa Shangri La na ako para manood. Eh 12:45 pa pala ang 1st screening. OA. Huling beses na inabangan kong magbukas ang sinehan, may career pa si Nora Aunor. Nahila ako ng mommy kong manood ng Ang Totoong Buhay ni Pacita M. Siyempre panay Noranians ang kasabay namin. Tuwing may dramatic moment si Ate Guy, nagpapalakpakan ang fans. At may mga taong pumupwesto sa harap ng screen pag may close up si Ate Guy at nagpapapiktyur. How bakya, sabi ko sa sarili ko. Siyempre feeling ko sosyal ako. Naloka ako nung biglang maglabas ng camera ang mommy ko at gustong magpapiktyur din.

Pero aamin ko, pagdating kay Shyamalan, kasing diehard ako ng mga Noranian. Nilagay ko siya sa google alert ko. Kaya linggo-linggo may chika ako tungkol sa kanya. At inorder ko pa sa Amazon yung The Man Who Heard Voices kung saan ikinuwento niya lahat ng kalbaryong pinagdaanan niya para lang maproduce ang Lady in the Water. At dahil dun lalo akong bumilib sa kanya.

Kaya eto depressed ako. Dahil mahirap tanggapin pag pumapalpak ang idol mo. Katulad ito ng depression ng mommy ko nang manood kami ng ’Merika ni Ate Guy. Tatatlo lang kami sa loob ng sinehan. At yung pangatlo eh usher pa. Pero kahit papano may angking ganda naman ang ‘Merika. Eh etong The Happening? Hay. Di ko alam kung saan magsisimula.

Ang unang-unang mapapansin mo eh kung gaano kasama ang acting. Diba na-nominate dati itong si Mark Wahlberg para sa The Departed? Anong nangyari? Aba eh talo pa niya ang nag-workshop sa Batibot kasabay nina Pong Pagong at Kiko Matsing. Panay boses, yung mukha hindi nagbabago. Buti sana kung puppet siya. Sana nagbuhad na lang siya. Baka mas naging effective ang portrayal niya.

Ilang beses daw ni-rewrite ni Shyamalan ang script nito. Suspetsa ko, nung mga panahong yun, tumigil din siya sa panonood ng pelikula. Kaya hindi niya siguro napanood ang Right at Your Door na naka-sentro din sa isang lalaki, at yung paranoia niya tungkol sa mga nangyayari sa paligid niya. Kasi kung nasilip man lang niya ito, baka hindi na niya itinuloy ang The Happening. Although tungkol sa terorrism ang Right At Your Door pareho sila ng tone at motiff. Parehong tumatalakay sa ecological disaster at paranoia. Yun nga lang, di hamak na mas pulido at entertaining ang Right At Your Door. At gaya ng mga pelikula ni Shyamalan, meron din siyang twist sa dulo. Yun ang wala sa The Happening. Siguro nagsawa na si Shyamalan. Pero sana nag-isip siya ng matinong ending. Kasi wala ring ending ang pelikula. Kung saan-saan ka dinala, tapos parang naisip na lang niya, hmmm 1 hour and 20 minutes na, kailangang tapusin ko na ‘to.


Sobra akong disappointed kay Shyamalan gusto kong i-quote si Melanie Marquez nung interbyuhin siya ni Inday Badiday at tanungin kung ano ang message niya sa kaaway niyang mother-in-law: "Ate Luds, I have to say this in English because I want her to understand what I'm saying. This is what I want to say... Mommy- (breathes deeply) Ang labo mo!"

Mr. Shyamalan, labo mo.

Tuesday, June 03, 2008

congratulations

Palakpakan para kay mygulch@gmail.com. Sa kanya mapupunta ang mga libro ko. Para sa ibang sumali, ni-raffle ko ang mga pangalan n'yo at eto ang dalawang nabunot ko para sa consolation prizes: amityville_24@yahoo.com (Powerbooks GCs worth 3K) at hastydevil (Powerbooks GCs worth 2K).

O siya yun na muna at ngarag ang lola. Sa mga nanalo texttext na lang tayo. Salamat sa lahat ng sumali. In fairness masaya palang magpa-contest!