Thursday, January 31, 2008

pictorial ni jay

Sa interview ko kay Jay, natuloy din finally ang mala-slumbook Q&A na dapat gagawin ko noon kay Janvier. Simpleng tanong, simpleng sagot, walang drama. Pero makikita n’yo, me lalim ang batang ito.


Isa sa mga tanong ko: Kung may 1 million pesos ka, ano ang una mong bibilhin? Tapos naisip kong idagdag… “Para sa sarili mo.” Kasi baka bigyan ako ng showbiz na sagot. Eh sampu silang magkakapatid, at tatlo pa lang daw ang nakakapagtapos kaya hanggang ngayon tumutulong siya sa pagsuporta sa pamilya. Siyempre puwede niya akong sagutin ng: “Edukasyon. Ibibili ko po ng edukasyon ang mga kapatid ko. Pag-aaralin ko silang lahat. That’s all thank you.”
Kaya diniin ko: “Yung para sa sarili mo lang, Jay. Ano’ng bibilhin mo?”


Ang inaasahan kong sagot, kotse. Kasi hanggang ngayon nagta-taxi pa rin siya. Minus pogi points, di ba? Artista ka nga, pero wala kang kotse. Paano ka na lang poporma sa mga babae?


Pero iba mag-isip si Jay. Kung magkakapera raw siya, gusto niyang bumiyahe nang bumiyahe. At Israel daw ang unang lugar na gusto niyang puntahan. Kasi fascinated siya sa teachings ng Kabbalah. May binanggit siyang tomb na gustong bisitahin doon… tapos nagkuwento tungkol sa red string bracelet (i-google n’yo na lang ate, karir mag-explain)… saka nilinaw na hindi religion ang Kabbalah kundi technology for the soul. O di ba.


Eto pa. Nabasa na rin niya ang halos lahat ng libro ni Paulo Coelho. Lalo na ang The Alchemist. In fact, dahil sobra niyang favorite si Paulo Coelho, ni-research niya ang buhay nito para lalong makilala ang author.


In fairness!

Tuesday, January 29, 2008

and now meet jay

Hindi lang si Janvier ang artista sa Roxxxanne.


Eto si Jay Aquitania. 19 yo. Mas kilala bilang nakababatang kapatid ni Antonio Aquitania.

2 years ago, sinusulat ko pa lang ang Roxxxanne nasa isip ko na siya. Pero nag-alangan akong kunin siya para sa role ng isang nagbibinatang closeta dahil halos sigurado akong hindi papayag ang manager niyang si Tito Dougs (Douglas Quijano). Una, masyadong bata pa noon si Jay (mukha siyang trese anyos noon kahit 17 na siya), at pangalawa, karamihan sa managers iniiwas ang alaga nilang tumanggap ng gay role. At hindi mo sila masisisi. Oras ma-stereotype ka sa role na bakla (o matsismis na closeta) baka wala nang puntahan ang career mo.

Nag-audition ako ng ilang beses. May ilang baguhan artista akong sinubukan pero maraming aberya. Muntik nang ma-shelve ang project, at nung matutuloy na, dalawang linggo bago ang shooting, wala pa rin akong makuhang artista na gaganap kay Marlon, ang nagbibinatang may lihim na pagtingin sa kaibigan niya.

Isang beses napanood ko sa TV si Jay. Nag-mature na ang hitsura niya, at may lalim na siyang umarte. Pakiramdam ko, hinintay lang siya ng project.

Pero hindi pa rin ako sure kung aaprubahan ni Tito Dougs na gumanap ng role na closeta si Jay. Kaya ang ginawa ko, sinulatan ko ng “love letter” si Tito Dougs. Nakiusap ako, nagsumamo, kulang na lang manikluhod. Kasama ng letter pinadala ko ang script ng Roxxxanne.

Nung sumunod na araw, tumawag sa akin si Tito Dougs. Maganda daw ang script, at kelan ang first shooting day? Siyempre tuwang-tuwa ako. Nag-thank nang nag-thank you. Saka nakipagtawaran sa talent fee. Hehe.

(Post ko ibang pics ni Jay sa susunod. Pero hintayin n’yo rin sa Manilagayguy. Salamat pala kay Migs na nagtiyagang manood sa pictorial, at kumain ng cheap kong pa-merienda.

Di ko alam ang kalalabasan ng pelikulang ito sa takilya, sa totoo lang. Sana kumita kahit paano para makagawa pa kami ng projects sa labas ng mainstream. Para hindi kami nakakahon. Pero ngayon pa lang gusto ko nang pasalamatan lahat ng taong tumutulong sa amin: Ms Cristy Fermin and Jobert Sucaldito, Jojo Gabinete, Dinno Erece, Ogie Diaz at maraming marami pa. Sa susunod na ako maglilitanya ng mga pasasalamatan.

I swear, karir mag-promote ng indie. Para kang nagtayo ng isang sari-sari store sa tabi ng SM Hypermart. May bibili sa yo ng patingi-tingi, may ilang tatambay sa puwesto mo, pero 99% ng mga tao didiretso sa SM. Pero sana sa Feb 2, daan muna kayo sa Galleria.)

Thursday, January 24, 2008

nang maghubad uli si janvier

Kinausap ko si Ihman (manager ni Janvier) at ipinagpaalam ko kung pwedeng ma-interview ang alaga niya para sa promo ng Roxxxanne. Ganito talaga pag indie, writer-director-producer noon, reporter ngayon. Tipidity productions ito kaya ako na rin ang kumakarir sa publicity.

Pero sabi ko magiging brutal ang mga tanong ko. At ayoko ng mga sagot na pa-cute. Kung kumalat na sa internet ang nude pic mo, magpapa-cute ka pa ba? Nakita na ng mga tao ang titi mo. Ano pa ang pwede mong itago?

Pero magugulat kayo, dahil marami pa.

Sa mababasa n’yong interview, makikita n’yo kung paano hinubaran uli ni Janvier ang sarili niya.

At kung ako ang tatanungin n’yo, ito ang pinakamatinding paghuhubad na pwedeng gawin ni Janvier sa buong buhay niya.

JL
Eto Janvier, babasahin ko sa yo ang isang comment na iniwan sa blog ko tungkol sa latest post ko sa yo. Hindi ko ito pinayagang ma-publish, pero tinago ko para makita mo.

Eto ang comment: “Pahada naman yang si Janvier eh. Tsupain ko yan.” Tanggap mo na bang pag nakikita ka ng mga tao, ang unang pumapasok sa isip nila sex?

(Halata kong medyo uneasy si Janvier, ngumiti lang.)

JD
Hindi naman po siguro.

JL
May iba ang tingin sa yo naglalakad na titi. Tanggap mo na ba yun?

JD
Trabaho lang naman para sa akin ang paghuhubad, Direk. Kung ano ang isipin sa akin ng mga tao, wala na akong magagawa.

JL
At siyempre sasabihin mo sa akin, naghuhubad ka para maiahon sa hirap ang pamilya mo.

JD
Para po sa Mama ko. Lahat ng ginagawa ko, para sa kanya. Hindi po biro ang pinagdaanan niya para lang mapalaki kami ng maayos.

JL
Gaya ng?

(Hindi agad sumagot si Janvier, parang naninimbang kung ano ang pwedeng sabihin.)



JD
Nung bata pa po ako, bigla kaming nilusob ng crew ng “Magandang Gabi Bayan”, pinagbintangan nilang bugaw ang nanay ko.

JL
Sino daw ang binubugaw niya?

JD
Kami pong mga anak niya. Ang totoo, naghahanap lang siya ng mag-i-sponsor sa studies namin, pa’no walo kaming magkakapatid, hindi niya kami mapag-aral lahat. Pero akala ng mga tao binubugaw niya kami.

JL
Sino naman ang mga malisyosong taong yan, at nireport pa talaga ang nanay mo sa “Magandang Gabi Bayan”?

JD
Yung mga kasama po namin sa kalye.

JL
Kalye? Anong kalye?

JD
Sa Ermita, Direk. Minsan sa U.N. Avenue… sa Luneta. Kung saan kami abutin ng gabi.

JL
Teka, naguguluhan ako. Tumira kayo sa kalsada?

(Napatingin ako sa manager ni Janvier sa tabi ko. Hindi ito umiimik.)



JL
Seryoso ka ba? Wala kayong bahay? Wala kayong kamag-anak na pwedeng tirhan?

JD
Taga-Surigao po ang Mama ko, wala siyang pamilya dito. Ang Papa ko naman po, taga-Laguna.

JL
O, e ba’t hindi kayo tumira sa Papa mo?

JD
Siya po ang tinatakasan namin. Lagi po kasi kaming binubugbog. Lalo na si Mama. Muntik na niyang mapatay si Mama.


JL
Ilang taon ka nung mapadpad kayo sa Ermita?

JD
4-5 po.

JL
Gaano kayo katagal tumira sa kalsada?

JD
11 na po ako nung kunin ako ng MYRC.

JL
Ano yun?

JD
Juvenile center po.

JL
Teka, 6 years kayong nakatira sa kalsada? Lahat kayo? Paano kayo nabuhay?

JD
Nung nagtagal po nag-squatter kami sa estero sa may U.N. Tapos nag-waitress ang Mama ko sa Ermita. Kaming magkakapatid, kung anu-anong trabaho. Ako po nagbenta ng diyaryo.

JL
Buti hindi kayo nababagansiya?

JD
Maraming beses, Direk. Ang pinakamatindi nung naghahanap kami ng matutulugan sa Ermita Center, umalis sandali si Mama, pagbalik niya isinasakay na kami sa mobile ng mga pulis. Pinagbabato ni Mama yung presinto para pakawalan kami.

(Tumigil sandali sa pagkukuwento si Janvier, parang iiyak.)

JD
Pinakawalan kami ng mga pulis pero si Mama ang pinagtripan nila. Binugbog nila, tapos hinubaran, saka kinulong. Pagkatapos po nun, madalas nang magkaroon ng breakdown si Mama.


JL
Anong klaseng breakdown?

JD
Minsan bigla na lang po siyang iiyak, magwawala, tapos maglalakad nang nakahubad sa Ermita.

JL
Anong ginagawa nyo?

JD
Susundan po namin siya hanggang mapagod siya. Basta makatulog siya, OK na siya paggising niya.

JL
Buti sa kabila ng lahat ng yan, hindi kayo nagkahiwa-hiwalay?

JD
Nung 11 po ako, dun dumating ang MYRC. Ang pakilala sa Mama ko, social worker sila. Pag-aaralin daw kami. Pero Juvenile center pala, ginawa akong katulong, taga-ipon ng kaning baboy. Yung ibang kapatid ko, pinagkukuha ng ibang ampunan. May napunta sa Kapatiran, yung iba sa Asilo.

JL
Ba’t hindi kayo kinuha ng Mama mo?

JD
Wala po siyang trabaho noon. Kung babawiin niya kami, magugutom lang kami. Pero ako, nung isang beses na bumisita si Mama, pagkaalis niya, tumakas ako, hinabol ko siya.

JL
Janvier, hindi ko kaya ang pinagdaanan mo. Talo pa ang episode ng Magpakailanman. Paano nabuo uli ang pamilya mo? Paano kayo nakaahon sa hirap?

JD
Direk… sasabihin ko po sa inyo pero off the record.


Sa mga ikinuwento ni Janvier, eto lang pwede kong i-reveal: Nang magkapera sila, sa kagustuhang makapag-aral, gumamit siya ng fake diplomas (hindi siya nakapag-elementary at high school) para matanggap sa isang university, kung saan hindi lang siya basta nakapasok, naging basketball varsity player din siya. Habang nagkukuwento si Janvier, may isang tanong na hindi maalis-alis sa isip ko:

JL
Janvier… sa dami ng pinagdanan mo… wala bang nang-molestiya sa yo… nang-abuso?

(Matagal bago nakasagot si Janvier. Parang nag-iisip. Kahit ako naging uncomfortable, iniwasan ko ang tingin niya, nagkunwaring busy sa pagtatype sa laptop)

JD
Wala po.

Tuesday, January 22, 2008

why watch on feb 2

Korek. February 2 na ang Roxxxanne. Nagback out ang Endo kaya biglang napaaga ang playdate. OK na rin. 10 days na tatakbo sa Galleria ang pelikula.

Kanina galing akong MTRCB. Dalawang beses akong pinatawag ng panel habang nagpi preview sila. Pakiramdam ko college student uli ako, talo pa thesis defense. Tinanong ako kung bakit dapat nilang bigyan ng R-18 ang Roxxxanne. Gusto kong sumagot: Hello, kasi pag binigyan nyo ng X hindi siya maipapalabas?

Pero siyempre behave ako. Nagpaka Miss Universe sa sagot. In fairnez na-convince naman sila. Approved without cuts ang pelikula.

Gumawa ako ng 2nd version ng trailer--actually partner ko ang may idea nito at siya ang nagtiyagang mag-edit. Nandito ang ilan sa rave reviews ng Roxxxanne nung mag-special screening ito sa U.P. last year. Plano ko sanang irepost lahat ng reviews dito, eh kaso karir, ate.

Saka tribute ko na rin ito sa fellow bloggers ko na nanood talaga at nag-abalang mag-comment/gumawa ng post tungkol sa pelikula. Sa totoo lang, dahil sa blogging community kaya umingay ang Roxxxanne. Doon sa mga hindi nakasama dito sa trailer, pasensiya na. Pag may time, gagawa uli kami ng isa pa.

Watch n'yo ang bagong trailer at watch n'yo ang Roxxxanne sa Feb 2!

pictorial

Nagpictorial si Janvier para sa promo ng Roxxxanne. Kuha ito ni Jay Javier. In fairnez, may sakit pa niyan si Janvier. Post ko ibang pics sa mga susunod na araw.

May permiso kayo mga kafatid na gamitin ang litratong ito, pero i-link n'yo ang website ng lola n'yo ha? At i-mention n'yo rin na sa February 2 na ang Roxxxanne sa Robinson's Galleria.

Sunday, January 13, 2008

buntis

So buntis si Jennylyn. Siyempre ang daming nanghihinayang. Kasi alam n’yo naman ang kalakaran sa showbiz, pagdating sa mga babaeng artista, oras na mabuntis ka, para ka na ring nag-goodbye sa career mo. Well di naman talaga goodbye. Pero maraming magsasabi sa yo, wag ka nang umasang maging bida. From time to time pwede kang bigyan ng “very important supporting role”… na sa kahit anong anggulo mo tingnan eh supporting role pa rin. Sabagay, maraming magagaling at premyadong artista ngayon, nagsimula sa supporting roles AKA: bestfriend roles. O bestfriend ng bestfriend roles. Gaya ni Ms Cherry Pie Picache. O, tingnan n’yo ang lola n’yo ngayon. Wagi. Pero sa isang banda, andiyan din ang mga tulad ni Mutya Crisostomo- naaalala n’yo siya? Sad to say, hindi naging tapat na kaibigan ang showbiz sa kanya.

Palagay ko iisa ang iniisip ng lahat tuwing may artistang mabubuntis tulad ni Jennylyn, lalo na’t bata pa: ba’t hindi sila nag-condom? Malay ba natin, baka napunit? Eh di sana nag-pills! Kaso baka diet pills ang nainom? Iniisip ko tuloy, bukod sa personality training at acting workshops, dapat siguro isama rin ang sex education sa paghahasa ng mga batang artista. Seriously.

At kung ako ang masusunod, kasama sa sex education ng mga batang yan, ikukulong ko sila sa isang kuwarto at itatali sa upuan para panoorin lahat ng celebrity episodes ng Magpakailanman (kung taga GMA sila siyempre). Manood sila 24/7 hanggang magmakaawa silang kanselin na ang show! Please! Well, na-cancell na nga, pero marami-raming episodes pa rin ang papanoorin nila, simulan natin sa life story ng bawat miyembro ng Sexbomb dancers hanggang sa lahat ng naging bold star ng pelikulang Pilipino! Ewan ko na lang kung hindi sila matuto. Siguro paglabas ng kuwarto, masuka-suka na sila sa moral lessons. I swear, iisa ang kwento ng mga babaeng artistang nalaos. Nagpakagaga sa pag-ibig, iniwan ang career. O ngayon, karamihan sa mga dating artistang na-feature namin sa show, ni hindi mapag-aral ang mga anak nila.

Naisip ko tuloy ang tungkol sa pagkakaroon ng anak. Siyempre iba ang usapin kapag bakla ka at gusto mong bumuo ng pamilya. Meron ding social implications. Ngayon pa lang kailangan mo nang isipin ang stigma na pwedeng harapin ng bata, at kung kaya mong ibigay ang oras mo bilang magulang para siguraduhing handa siya, at magiging matatag. O di ba. Mother role na mother role, kulang na lang magsuot ka ng apron at mag-bake ng cookies. Kaya ako, nasa level pa lang ako kung bibili ng aso o hindi. Dahil natuto na ako noon. Bawat relasyon meron akong aso, parang baby namin ng partner ko. Kaso tuwing magtatapos ang relasyon, nawawalan na rin ako ng panahon sa aso, at iniiwan ko sa mommy ko.

Isipin n’yo na lang kung gaano na karami ang aso ng mommy ko ngayon.

Friday, January 04, 2008

february 6 (UPDATE: FEB 2 NA ANG OPENING!)

Windang. Kanina ko lang nalaman. Sa February 6 na pala ipapalabas ang Roxxxanne sa Indiesine ng Robinson's Galleria (eh sabi sa akin dati, 3rd week daw ng Feb).

(AS OF 21 JAN 2008: Nagback out ang Endo sa February playdate nila. Kaya mapapaaga ang Roxxxanne. Feb 2 na!)

Siyempre kailangang mangampanya. Kaya isa-isa kong ilalabas dito ang lahat ng reviews na lumabas sa mga diyaryo at siyempre sa iba't ibang blog matapos ang special screening noong October 10, 2007.

Unahin ko na ang kaibigan kong critic/playwright/screenwriter at Palanca award winner na si Elmer Gatchalian. Siyempre friend ko kaya pwedeng may bias. Eh weno naman. Kaya nga friend siya no?

O eto na ang review, ninakaw ko sa blog niya nang walang paalam. Lumabas ito noong November 4, 2007. Siningitan ko na rin ng ilang stills galing sa pelikula.


ANG SUMPA NG CELLPHONE

Noong October 10, dumalo ako sa premiere ng pelikula ng kaibigan kong si Jun Lana. Ito ang "Roxxxanne". Incidentally, birthday din pala ni Jun noong araw na iyon kaya naging doble tuloy ang selebrasyon.

Nasabi ko na kay Jun sa email na nagustuhan ko ang pelikula niya at natutuwa ako dahil nagawa niya ang pelikulang gusto niya talagang gawin. Sa ilang okasyong nagkakuwentuhan kami ni Jun tungkol sa pelikulang ito at sa iba pa niyang proyekto, alam kong hindi biro ang pinagdaanan niya para mabuo ang "Roxxxanne". Kaya gusto kong magbigay-pugay kay Jun dahil sa wakas, naisapubliko na rin niya ang kanyang pelikula. Para sa akin kasi, ang pagsasapubliko ng isang personal na obra ay maikukumpara rin sa paghuhubo't hubad sa harap ng maraming tao. Nangangailangan ito ng kakaibang tapang at lakas ng loob. Inaasahan mong kalulugdan ng mga tao ang kanilang makikita. Pero siyempre, kailangan mo ring maghanda sa kanilang mga puna.

Matagal ko nang kaibigan si Jun at marami-rami na ring iskrip niya ang nabasa ko (na ang iba'y para sa tanghalan). Noon pa man, ang abilidad ni Jun sa pagsusulat ay hindi na matatawaran. May kakaiba siyang tainga para sa diyalogo at may matalas na obserbasyon sa ugali ng tao--na pawang mahahalagang armas sa pagbuo ng isang mahusay na iskrip. Dito sa "Roxxxanne" ay kitang-kita ang ganap na pagkahinog ng mga talento ni Jun hindi lang bilang isang manunulat kundi isa ring direktor.


Mas nais ko sanang bigyang-pansin ang pailalim na komentaryo ng pelikula ni Jun ukol sa epekto ng teknolohiya sa buhay at pag-iisip ng mga kabataan. Para sa akin, ito ang mas kapuri-puri sa "Roxxxanne".

Bagamat hindi naman ibinebenta ang "Roxxxanne" bilang isang teen-oriented movie, mahalagang tingnan pa rin ang pelikulang ito bilang isa sa mga napaka-realistikong depiksyon ng pagkalitong pinagdaraanan ng maraming kabataan ngayon ukol sa isyu ng seks, media, at ang moralidad o imoralidad ng teknolohiya. Bibihira na ang ganitong pelikula na pumupuna sa henerasyon at pamumuhay ng modernong kabataan.

Konting film history muna. Noong 1980s, isang pelikula ang sa tingin ko'y nagbigay ng depinisyon sa angst na nararamdaman ng mga kabataan ng panahong iyon. Ito ay ang "Bagets" ni Maryo J. Delos Reyes. Noong 1990s naman, tanging ang pelikulang "Pare Ko" ni Jose Javier Reyes ang naaalala ko na maaaring kumatawan sa henerasyon ng mga kabataan noon.

Ngayong nasa 21st century na tayo, masasabi kong pwede nang ibilang ang "Roxxxanne" sa iilan pa lang pelikula na tumatalakay sa mga isyu ng mga kabataan ngayon. Pwede ring mapasama rito ang "Endo" ni Jade Castro na nagpakita ng larawan ng mga kabataang tila nawalan na ng ambisyon dulot ng panaka-nakang trabaho. Sa "Roxxxanne" naman, ipinakita ni Jun ang larawan ng mga kabataang tila nawalan ng kontrol sa napakabilis na pag-unlad ng teknolohiya.

(Kapuna-puna na si Jade Castro rin ang sumulat ng pelikulang "First Day High" na ibinenta noon na modern version daw ng "Bagets". Ikinalulungkot ko pero bigo ang mga gumawa ng pelikulang ito na maipakita ang tunay na damdamin at kulay ng mga kabataan ngayon. Teka lang, naliligaw na ako. Ibang usapan na pala 'yon.)


Ang pagkalitong sinasabi ko ay masasalamin sa pangunahing tauhang si Marlon (Jay Aquitania). Sa kanyang mga magulang, si Marlon ay isang mapagmahal at masunuring anak. Pero gaya ng ibang kabataan, tila walang pasensya si Marlon. Sanay siya sa mabilisan, sa short cut, sa agad-agad na gratipikasyon, sa panandaliang aliw. Kaya kaswal lang sa kanya ang pagpatol sa mga bading para kumita ng perang pambili niya ng rubber shoes at iba pang materyal na bagay.

Habol rin ni Marlon sa mga bading na pinapatulan niya ang panandaliang aliw na nakukuha mula sa mga sex video ng mga artista na ipinapasa sa kanyang cellphone. Ito ang ipinagmamalaki niya sa kanyang mga kabarkada. At ito rin ang naisip niyang daan para mapalapit sa matalik niyang kaibigang si Jonas (Janvier Daily) na lihim pala niyang pinagnanasaan. Kaya nang minsang makitulog si Jonas sa kuwarto ni Marlon, kinunan niya ng sex video ang walang malay na kaibigan bilang "souvenir".

Matapos mabuking ng isang ka-date na babae ang kanyang sikreto, mas lalo pang nalito si Marlon. Kaya nag-imbento siya ng kuwento na magtatakip sa nagawa niyang kasalanan. Wala siyang kaalam-alam na ito ang magiging mitsa ng isang malagim na trahedya na sisingil sa buhay ng taong pinakamamahal niya.


Bagamat hindi hayagan, malinaw din sa pelikula ni Jun ang pagkuwestiyon sa kung hanggang saan nga ba natin hahayaang makapasok ang teknolohiya sa buhay natin--isang napakahalagang isyu lalo na sa henerasyon ng mga kabataan ngayon na lubhang babad sa internet, media, texting, computer at iba pang anyo ng modern technology.

Sa huling eksena ng pelikula, ipinakita sa atin sa wakas ang sex video ni "Roxxxanne" --umiiyak siya, humihingi ng awa. Sa puntong ito'y naging voyeur na rin tayong mga manonood gaya ni Marlon at ng iba pang gaya niya. Gusto na rin nating malaman kung sino nga ba ang babae sa video, kung ito nga ba ang babaeng tinutukoy ni Marlon at ng mga kabarkada niya, kung siya nga ba at ang babaeng kapitbahay ni Marlon ay iisa. Pero bakit nga ba natin gusto pa itong malaman? Kailangan ba natin talaga itong malaman? At kapag nalaman natin ang totoo, ano ang gagawin natin sa kaalamang ito? Ano ang pakinabang nito sa atin?

Ito rin marahil ang kailangan nating itanong sa ating mga sarili sa susunod na may magpasa sa atin ng sex video sa cellphone. At sa kaibuturan ng "Roxxxanne", ito rin ang mga tanong na kailangan nating sagutin ngayong dinadaluhong tayo ng di mapigilang teknolohiya.



Winner ang review di ba? Mga ate, Feb 6 na. Indiesine, Robinson's Galleria. Manood kayo ha.

Wednesday, January 02, 2008

new year

1 pm ng January 1 paggising ko, nag-uumapaw sa text ang cellphone ko. Halos lahat new year greetings. Eh deadma ako pag forwarded message. Lalo na pag pa-cute. Sample: “To all my friends and family who wished me love, luck and good wishes for 2007, it didn’t work! Please send cash for 2008! Haha! Happy New Year!” Sana wala nang haha. Pag puma-punchline ka, wag kang tatawa sa sarili mong joke. Jologs.

Pero may tatlong text akong di ko ma-deadma. Galing kasi sa close friends. At hindi greetings. May bored at nagyayayang uminom (kahit alam niyang di ako umiinom), may gustong mag-clubbing, at yung huli gustong magpakamatay.

Sa totoo lang, haggard na ang lola nyo ng araw na yun. Bukod sa alas otso na ako ng umaga natulog, may tinatapos pa akong script. Pero dahil marami akong friends na kung hindi inaatake ng lungkot ay nagiging drama queens pag Christmas o New Year, hinanda ko na ang sarili ko na magiging yaya ako ng isa sa kanila.

Personally, sobra kong na-enjoy ang bagong taon. Sa memory ko, eto na yata ang pinakasamaya. Nagsimula ang celebration sa bahay ng mommy ko, kung saan nag-media noche halos lahat ng paborito kong relatives. May exchange gift, pa-raffle, parlor games, fireworks, confetti, song and dance etc. Kulang na nga lang clowns at commercial gap papasa na kaming episode ng SIS.

Nung 1 am sinundo ako ng partner ko. Fly kami sa Warehouse 135 sa Makati. In fairness maraming cute ng gabing yun. Dance-dance lang, project-project, pa-sip-sip sa ewan-ko-kung-anong-drink. Kaso nung nagpalit ng DJ medyo naging chaka rin yung music. Kaya lumipat na lang kami ng bar sa Bonifacio High Street. Ang daming babaeng naka-shining-shimmering-splendor. Ang kikintab ng suot. Para mga naglalakad na mirror ball.

Gigimik sana kami sa Ascend, kaso ang sikip. Sabi ng partner ko mag-Embassy na lang kami. Eh di ko talaga feel kahit kelan ang lugar na yun. Parang laging may gulo, talo pa ang beerhouse. Saka 3 am na. Kaya nag-decide kaming umuwi na lang.

Nung pauwi na kami, nadaanan namin ang Alchemy sa Ortigas at parang maraming tao. So sabi ko, lika tingnan natin. Engot ko talaga, dapat natuto na ako taon-taon sa filmfest. Gaya ng mga pelikula, hindi lahat ng tinatao, maganda. Sobrang boring ng Alchemy, I swear. Ka-level niya ang Decades, nung year 2000 ha. Teka ate, kung di ka pamilyar sa kahit isang lugar na binabanggit ko, either taga ibang bansa ka o kulang ka sa social life. Tandaan, maigsi lang ang buhay, kapatid.

Anyway, sa sobrang boring ng Alchemy, mas na-excite ako nang sabihin ng partner kong gusto niyang mag-Mini Stop para bumili ng siopao. So buy kami ng siopao, eh biglang naisip ng partner ko: daan daw kami ng Bed. Oo nga naman. Bagong taon, dapat magbigay-pugay sa templo ng mga bading. Good thinking, wonder boy! Kaya go kami sa Malate. Ayun, 6 am nasa Café Adriatico pa rin kami nagbi-breakfast ng tapsilog.

Last time na gumimik ako ng ganito ka-todo 5 years ago ata. Pero mas grabe yun. Alas nuwebe na ng umaga nasa bar pa rin ako. Pero ibang kwento na yun hehe. Saka censored. Hihi.

So balik tayo sa tatlong text na natanggap ko. Yung gustong mag-suicide, alas nuwebe pa ng umaga pumasok ang message. Tinawagan ko agad. Kamamatay lang ng mentor ko di ba? Kaya habang tinatawagan ko yung friend ko, worried talaga ako. Di ko ma-imagine na pupunta na naman ako sa lamay. Eh sumagot ang puta. Siyempre ang tanong ko, eh ba’t buhay ka pa? Saka ko pinatayan ng cellphone. Pero na-guilty ako, kaya mayamaya tumawag uli ako. Aba, nireject ang call ko. Gusto ko sanang tarayan pero deadly ako magtaray. Baka mag-suicide na talaga ang bakla. Di bale na.

Next, tinawagan ko yung gustong mag-clubbing para sabihing naunang mag-text yung friend kong gustong uminom. Ayoko naman silang pagsamahin dahil natutunan ko nang di mo dapat pinaghahalo ang circle of friends mo, hindi sila mag-eenjoy sa isa't isa. Dati pinilit kong gumimik kasama ang friends ko sa teatro at showbiz. Sobrang disaster!

Siyempre nagtampo ang friend kong gustong mag-clubbing. Minsan lang daw siyang magyaya. Saka hindi ka naman umiinom! Eh wala akong favoritism sa mga kaibigan. Walang seniority kahit college friend ko pa siya. Hindi naman yung pag-inom ang point, sabi ko. Dadamayan ko lang kasi baka malungkot. Para ma-pacify ang bakla, pumayag akong samahan na lang siyang mag-shopping ng isusuot na outfit sa gimik. Magkita daw kami sa Powerplant. In 30 minutes! Demanding di ba. Pagdating ko sa powerplant, isang oras na wala pa rin ang bakla.

In the meantime, yung friend kong gustong uminom, nag-text brigade sa lahat ng friends namin sa GMA. Nung una, OK lahat. Pero hindi magkasundo sa lugar. May gustong mag-Metrowalk. May gustong mag-Tomas Morato. At merong umaapilang mag-Serendra. At merong din kaming friends na gustong uminom pero isasama daw nila ang mga anak nila dahil walang yaya. Ang gandang role models diba?

So eto ako sa Powerplant, sa sobrang inip sa friend kong gustong mag-clubbing, ending ako ang namili. Mayamaya tumawag ang puta, humagikgik, hindi na raw niya ako mapupuntahan sa Poweplant kasi dumating bigla sa condo ang jowa niya. Actually, fb niya. Close your eyes kung virgin ka: fb = fuck buddy. Kasi nasa ibang bansa ang totoong jowa niya. In short, nagsex ang dalawa, at ipagpiprito pa raw niya ng spam ang fb. Gusto kong ipaalala sa kanya na para lang makarating ng Powerplant, kailangan kong makiusap sa driver ko na iwanan ang pamilya niya sa araw ng bagong taon. Pero siyempre di ko na isinumbat yun. New year, dapat happy thoughts. At may dadamayan pa naman akong isang friend na gustong uminom. Inaayos lang ang venue. Kaya OK pa rin.

Kaso 9:30 pm nagtext, nagkatamaran daw, next time na lang, thanks thanks, at happy new year. Ganun. Eh wala pa ang partner ko sa condo. Nasa wedding anniversary dinner ng parents niya. Na hindi ko pinuntahan, take note. Dahil akala ko mas kailangan ako ng friends ko. So anong gagawin ko? Eh di nanood na muna ako ng sine dahil film fest di ba?

Wag na nating banggitin kung ano ang pinanood ko dahil taga-industriya din ako. Hindi ko masabing maganda, di ko rin masabing pangit. Pero isa ang sigurado ko: kinopya siya. Sa napakaraming pelikula. Unbelievable.

Pero in fairness, hindi pa rin nasira ang mood ko. Puno ata ako ng sweetness ng araw na yun. At pag uwi ko, nung mag-internet ako, nakita ko may nag-message sa akin sa friendster. Yung bestfriend ko nung high school na ang tagal ko nang hinahanap. As in bestfriend talaga na walang halong showbiz. Super mega successful doctor na siya sa Amerika.

Inindian nga ako ng mga kaibigan, pero may isang long lost friend namang nagbalik. Bongga na rin.

Happy New Year.