Sunday, August 28, 2011

MNW MUSIC VIDEO

My Neighbor's Wife Music Video

Please repost/retweet/spread the love! :D

Thursday, August 25, 2011

50 days to go

50 days to go bago magsara ang blog ko. In the meantime, sa September 14 na ang showing ng movie ko! Sana manood kayo! :D


Thursday, August 11, 2011

65 days

65 days to go bago magsara ang blog ko. Siyempre hindi ko talaga nakarir gumawa ng entry araw-araw. Subukan ko pa rin. Samantala, eto ang poster ng movie ko. Wala lang. :D


Wednesday, July 13, 2011

97/96/95

Hello blog, kumusta ka na, magsasara ka na lang wala pa rin akong maisusulat na ni isang entry. Wala masyadong interesting na nangyayari kaya sige ikukuwento ko na lang ang shoot kahapon ng My Neighbor's Wife.

Isa sa dramatic highlights nina Jake Cuenca at Carla Abellana ang kinunan namin sa Makati Med. Iyakan ang eksena. Sa unang take, humingi ako ng tahimik na iyak. Ang gagaling! Tapos sabi ko, subukan naman natin yung iyak na puno ng galit pero pilit na nagtitimpi. Aba, mas lalong magaling! Eh yung iyak na tulala lang? Iyak na pagod na pagod at gusto mo nang sumuko sa buhay? Iyak na sa isang mata lang tutulo ang luha, at dapat slow motion ang bagsak (palakpakan kay Carla, na-achieve niya talaga ito!)? After 3 hours, nung sinabi kong "close!" ang sequence, nagpalakpakan ang crew. Nagpalakpakan dahil 1) ang gagaling talaga ng mga artista 2) pagod na pagod na ang lahat at sa wakas makakakain na sila ng dinner.

Much later, sa basement ng Makati Med, kinunan namin ang simpleng eksena kung saan maglalakad lang si Lovi Poe papunta sa kotse niya. Medyo malayo ang lalakarin niya, pero gusto ko, may kwento sa paglalakad niya. Pero bukod sa kanya, maraming maliliit na elements ang eksenang ito: 1) may isang van na tatakbo sa likuran niya 2) masasalubong niya ang ilang kaopisina na babatiin siya pero halos hindi niya mapansin 3) haharangin siya ng isang kaibigan para kausapin 4) sasakay siya sa kotse only to realize na ayaw nitong mag-start. Lahat ito, dapat ma-accomplish in less than a minute of screen time. Siyempre, kung gaano kadami ang klase ng pag-iyak, ganun din kadami ang klase ng paglalakad. Lahat yun, ipinagawa ko kay Lovi, habang naka-high heels, may bitbit na dalawang bag habang nagtitext, at habang init na init at pinagpapawisan ang lahat ng crew dahil kulob na kulob kami sa basement ng Makati Med. Nung sa wakas, natapos din ang sequence, parang sumasalubong ng New Year ang palakpakan ng mga tao, kulang na lang magpaputok sila sa sobrang saya.

Nagiging sadista ata ako habang tumatagal.

Friday, July 08, 2011

99/98



Gusto ko nito! Sana may mag regalo! :D

Noong nasa Grade 6 ako, wala akong ibang pangarap kundi ang magkaroon ng typewriter. Grade 6 kasi ako nang madiskubre kong mahilig akong mag-imbento ng kwento. Araw-araw wala akong ginawa kundi kulitin ang nanay ko na ibili ako ng typewriter. Eh mahirap lang kami. Kaya 3rd year high school na ako nung makabili kami ng 2nd hand na typewriter. Dahil second hand, hindi rumehehistro yung period, kaya tinutuldukan ko na lang ng ballpen pagkatapos. Pero ok lang, ang saya saya ko! Araw-araw wala akong ginawa kundi mag type! Wala akong kalaro sa neighborhood namin, kaya madalas nagkukulong lang ako sa kwarto para mag-type! Yun na ang laro ko, ang bumuo ng kwento. Masaya na ako! Imagine, balang araw pagkakakitaan ko pala ang pagsusulat. Kahit ang pagdidirek ko, extension lang ng pagiging storyteller ko. Ang swerte swerte ko. Hindi lahat ng tao masasabing parang naglalaro lang sila sa trabaho nila. Hindi laging madali, pero dahil passion ko ang pagkukuwento, nakakaya ko lahat. Salamat sa Diyos. :D

Pero di nga, sana may magregalo sa akin ng 27" na imac! Swerteng swerteng swerte ko na talaga pag nangyari yun! :D

Wednesday, July 06, 2011

Goodbye

Susubukan kong mag-blog araw-araw for the next 100 days. Tingnan natin kung makakarir. Pero todo na yun, dahil after 100 days, isasara ko na ang Kuwan. Wala nang point.

Samantala... andito ang teaser ng pelikula ko. Sa totoo lang, nakaka-5 shooting days pa lang kami. 13 more to go. Sa isang indie production, 2 o 3 pelikula na ang magagawa mo in 18 days. Dapat nga 22 days e. Kaso sa sobrang busy ng mga artista, baka hindi kami matapos kung hihingi pa ako ng additional shooting days.



Samantala... medyo madedelay po ang free workshop ko. Ayusin ko muna ang schedule ko ha. Malay ko ba namang may pelikula rin pala akong ididirek sa MMFF. Sa totoo lang, sa laki ng mga artista ng ibang entries, parang kakailanganin naming i-cast si Justin Bieber para lang makalaban kami for the number 7 spot. Hahaha number 7 lang talaga ang pinangarap. Siyempre nagbibiro lang ako. Baka mabasa ito ng mga producer ko, mabwisit sa akin. Serious masyado?

Anyway kagabi nanood ako ng concert ni Kylie Minogue. Siyempre andaming beki. Beki dito, beki dun, beki everywhere! Parang grand registration lang ng mga bading. Naawa nga ako sa mga closetang gustong manood kay Kylie pero hindi tumuloy dahil sa takot na ma-out sila nang walang sa oras. (Sa mga nakatira sa bundok, si Kylie po ang poon ng mga beki). Siyempre kung beki ka at tumugtog ang "can't get you out of my head", imposible namang hindi ka mapakembot. Eh di huli ka! Aminin, walang straight na lalaking ever kekembot kay Kylie. In fact, walang straight na lalaking ever kekembot. Period.

Monday, April 25, 2011

Blockbuster Writing Workshop

Jun Lana Blockbuster Writing Workshop

As his first batch of students graduate this May, award-winning writer and youngest Palanca Hall of Famer Jun Lana is again oferring a FREE writing mentorship program for aspiring screenwriters. Three applicants will be chosen to participate in an intensive 3-month, individualized mentorship aimed to refine their craft and expose them to career opportunities within the mainstream entertainment field.

The success of the first group lends a new dimension to what the upcoming class will experience – now writing for TV and soon for film, the first batch will actively take part as “buddies” who would help guide the next batch of mentees.

Interested applicants must submit their CV and a one-page essay (in Filipino) on why they want to pursue a career in screenwriting to junlana@rocketmail.com.

Deadline for submission is on June 15, 2011. For more details log on to www.junlana.blogspot.com.

Tuesday, April 12, 2011

Gusto Mong Maging Writer?

Bakit? Kasi passion mo. Kasi pakiramdam mo, may talent ka talaga sa pagsusulat. OK. Pero hindi sapat yun. Dapat matibay din ang sikmura mo. Kailangang matiyaga ka. Dahil sa totoo lang, hindi laging mabait ang lokal na industriya ng pelikula at telebisyon sa writers, lalo na sa mga baguhan.

Kung gusto mo talagang maging writer, eto ang ilang payo ko:

1. Magsulat ka. At tapusin mo ang sinimulan mo. Kung ikaw yung tipo ng taong hanggang set up lang ng kuwento ang kayang isulat, at tinatamad nang tapusin ang script, wala kang lugar sa industriyang ito. Malamang sa hindi, sasabit ka sa deadlines, at magkakaroon ka ng maraming kaaway. Kaya wag mo nang pahirapan ang sarili mo. Magsulat ka na lang para sa sarili mo.

2. Manood ka at matuto. Kung gusto mong magsulat sa TV, manood ka ng mga soap opera. Wag kang mag-inarte na nababaduyan ka o nalulumaan sa mga soap operang Pinoy. Believe it or not, may sining ang pagsusulat ng soap. May conventions na dapat sundin, pwede mong baguhin paminsan-minsan, pero kailangang mag-ingat ka, dahil oras na mawala ang mga elementong nagbibigay tatak sa kanya bilang isang soap, iiwanan ka ng audience mo. Ngayon, kung feeling mo mas magaling ka kina Ricky Lee, Roy Iglesias, Jake Tordesillas, Gina Tagasa, RJ Nuevas, at maraming pang multi-awarded writers na sumasabak ngayon sa pagsusulat ng soaps, pwes wag kang mag-TV. Ganun din ang kaso kung gusto mong magsulat ng pelikula. Dapat bihasa ka sa film language. Higit sa pagbabasa ng mga teorya, kailangang panoorin mo ang gawa ng mga master filmmakers na tulad nina Manuel Conde, Eddie Romero, Mike De Leon, Lino Brocka, Ismael Bernal, Marilou Diaz-Abaya, Chito Rono, Brillante Mendoza, at kung sino sino pa, mula mainstream hanggang indie, mula Pilipinas hanggang kasuluksulukan ng ibang mundo, i-google mo na lang. Karir? Ganun talaga. Bago ka magmalaki na babaguhin mo ang industriya sa script na binubuo mo, siguraduhin mo munang wala pang nakagawa niyan.

3. Mag-out ka. Serious. Kung closeta ka at gusto mong magsulat, mahihirapan ka. Lagi kang magpipigil. Napakahalaga ng honesty sa pagsusulat. Paano ka makakabuo ng mga totoo at relatable na characters, kung ikaw mismo hindi mo kayang magpakatotoo sa sarili mo?

Yan muna. Itutuloy ko na lang pag may break uli sa meetings ko. Good luck.

Wednesday, April 06, 2011

Mentorship Project



Isa sa mga unang writing assignments ng mga istudiyante ko mula sa mentorship program. Sinulat nina Renei Dimla at Nathaniel Arciaga. Kasama si Evi Macapugay, nagtatrabaho na sila ngayon sa TV 5 bilang bahagi ng creative development group ng network. Nakapagsulat na rin si Renei para sa Star Confessions, at magsusulat din para sa Babaeng Hampaslupa. Plano naming mag-Palawan ngayong May para sa pagtatapos ng mentorship.

Ngayong June, sisimulan ko ang bagong batch ng mentorship, sa tulong nina Renei, Nathan at Evi.