Monday, August 16, 2010

buhok

Naghahanap ako ng pictures ng mga artista sa web para sa keynote presentation na gagawin ko nang makita ko ito.


Na-inspire tuloy akong mag-blog. Kung di ako nagkakamali, ito yung itsura ni Aga Muhlach sa Bagets. Dahil sa pelikulang yun, sumikat siya ng husto. Lalo na yung style niya ng buhok. Wet look. Parang kakaahon mo lang sa swimming.

Isang umaga, pagpasok ko sa UST High School, lahat na lang ata ng lalaking istudiyante ganito ang buhok. Siyempre ayokong magpahuli. Kaso ang problema: 1) Wala akong bangs (dapat mahaba ang bangs mo para ma-achieve ang look na ito) 2) Kahit gaano karaming gel ang ilagay ko, ayaw sumunod ng buhok ko. Tumitikwas, ayaw magdikit. Saka siguro bagay lang ang look na ito pag mestiso ka. Kasi kung payatot ka at maitim na tulad ko, medyo madumi at malagkit siya tingnan sa dami ng gel mo sa buhok.

Minsan inubos ko ang isang buong tube ng gel para lang sumunod ang buhok ko. Pagdating ko sa classroom, tingin nang tingin yung seatmate ko sa akin. Eh cute yun, mestiso. Feeling ko, ang cute ko rin (at mestisa). Nung lunch time, pumunta ako sa CR para i-admire kung gaano kaganda yung buhok ko, at kung bakit nabighani ang seatmate ko. Siyempre pagtingin ko sa salamin saka ko lang nakita yung langaw na na-trap sa buhok ko.

Years later, nauso naman yung one-length. 6 months akong hindi nagpagupit. Parang ganito:


Ganyan din usually yung posters na nakapaskel sa mga parlor. Karamihan mga mestiso. O kaya mga artista ng That’s Entertainment. Lahat naka-one length. Kaya feeling mo, gaguwapo ka rin nang todo-todo pag nagpa-one length ka (o magiging member ng That’s Entertainment). Nakalimutan kong sa totoong buhay eh mukha akong dugyugtin. Napansin ko na lang, habang humahaba ang buhok ko, parang pahirap nang pahirap kumuha ng taxi pag nag-o-overtime ako sa trabaho. Lalo na pag inaabot ako ng madaling-araw. In short nagmumukha akong holdapper sa buhok ko. Iniisip siguro ng driver, anong ipambabayad ko sa taxi, ni hindi ko nga ma-afford magpagupit.

Tapos nauso yung highlights.


May kamahalan magpa-highlights. Kaya nag-ipon ako. At for the first time, pumunta ako sa isang sosyal na pagupitan. Sa Ricky Reyes salon sa SM Centerpoint, kung saan hindi ka lang basta gugupitan, aalukin ka muna ng ice tea. Matagal na proseso ang highlights. Una, kukulayan muna ang buong buhok mo. Then saka kukulayan uli ang ilang hibla ng mas matingkad na kulay. Bilang first time kong magpakulay, matagal bago umepekto yung gamot sa buhok ko. Pabalik pabalik yung stylist every 15 minutes. Hinihintay mag-yellow ang buhok ko. Pagtagal napagod ata sa kakacheck. Naka-limang customer na siyang ginugupitan, hindi pa rin tinitingnan ang buhok ko. Nakalimutan ata. Kumusta naman ang kinalabasan? Nagmukha lang naman akong may hepa. Ang yellow. Sa sobrang yellow, compliment na sa akin nung sabihin ng kapatid kong mukha akong pinya.

PS
Biglang nagdagsaan ang messages na humihingi sa akin ng payo. Susubukan kong sagutin yung iba. Pero feeling n’yo talaga may matino akong maipapayo? Katuwaan lang, pero wag nyo seryosohin. Saka kung pwede, i-limit na lang natin ang katanungan tungkol sa relationship. Yung mga humihingi ng payo tungkol sa negosyo, eto lang ang masasabi ko: Hello.

Tuesday, August 03, 2010

sosyal

Nung isang weekend nanood ako ng sine sa Rockwell. Karamihan ng pumupunta dun, mga sosyal. Alam mong mga sosyal kasi kahit naka-tsinelas mukha pa ring mamahalin ang mga tao. Ako, bilang social climber, pumapasyal doon paminsan-minsan. Siyempre ayokong magtsinelas. Baka magmukha akong alalay nila.

Pagkabili ko ng ticket, naglibot-libot muna ako. Pumunta ako sa food court sa basement. May fruit stand doon. Mukhang pangsosyal din. Ganda ng arrangement. At mukhang fresh talaga ang mga prutas. May nakita akong atis, galing Bangkok daw, sinlalaki ng melon. Magkano, tanong ko. 900 pesos daw isang kilo. Nabingi ata ako. Magkano, tanong ko uli. 900 pesos nga. Ano ba yun! Mas mahal pa sa promo ng Cebu Pacific, 888 pesos makakapunta ka na sa Hong Kong.

Mayamaya may nadaanan akong kumpulan ng mga sosyal na tao, parang may pinagkakaguluhan na isang food stall. Na-curious ako. Ano kayang sosyal na pagkain ang pinag-aagawan nilang bilhin? Lumapit ako. Tinanong ko yung ale kung anong tinitinda niya. Take note, mukhang sosyal din yung tindera, kamukha nung nanay ni Sharon Cuneta, naka-make up na mukhang magnininang sa kasal. Siguro bored housewife, nakatira sa mansyon, graduate na ang mga anak, naisipang mag-business para aliwin ang sarili. “Oh this is my specialty!,” sabi niya. May malaking kaldero, binuksan niya. Pagtingin ko, sinaing na tulingan. Eto ang pinagkakaguluhan ng mga sosyal? Pinakuluang isda? Eh noong bata ako, pag niluluto ito ng nanay ko, lumalabas ako ng bahay kasi ang lansa ng amoy.

May isa pa akong napansin. Sa gitna ng mall, may naka-display na pampasaherong jeep. Medyo mas magarbo sa ordinaryong jeep na pumapasada sa kalsada, nilagyan ng konting banderitas, pero jeep pa rin siya kahit balibaligtarin ang mundo. Guess what? Pinagkakaguluhan din ng mga sosyal, parang ngayon lang nakahawak ng jeep sa tanang buhay nila. May isang magdyowa (cute yung guy), inabot pa sa akin yung dala nilang camera, nagpa-picture.

In fairness sa mga sosyal, mababaw talaga ang kaligayahan nila. Hindi nga. Nung high school ako may classmate akong super yaman. Isang summer niyaya kaming magbakasyon sa Baguio, sagot ng daddy niya lahat ng gastos. First time kong makapunta sa Baguio, tuwang-tuwa ako, talo ko pa ang nanalo sa sweepstakes! Yung bahay nila sa Baguio, mansyon. In fact yung CR nila, mas malaki pa sa sala ng bahay namin noon sa Sta Mesa. 3 pm na yata nung dumating kami sa Baguio. Sinalubong kami nung maid, inihanda niya raw ang paboritong merienda ng friend ko. Siyempre excited ako, ano kayang sosyal na pagkain ang matitikman ko? Dumating yung merienda. Pandesal na may palamang condensed milk. Mainit naman yung pandesal. Saka masarap din naman. Pero pagkain sa patay yun e. Well sa probinsiya namin ha. Nung bata ako, pag may patay sa Bicol, yun ang sini-serve sa mga tao.

Sagutin ko lang ang itong nag-message sa akin:

Hi Sir Jun,

Finally, nag-blog ka rin ulit. Akala ko nakalimutan mo na kaming mga followers mo dito sa blog mo. Sana palagi kang mag-blog kasi nami-miss ko yung mga blog mo na humahagalpak ako sa tawa, 2 yrs ago pa yata yun

Pwedeng share ko rin yung tanong mo na "What makes you happy?"... Yun ay nang makita ko ulit ang HS crush ko sa Facebook acct nya...di ako nagkamali ng pagpili sa crush ko noon kasi lalo akong naglaway sa looks nya ngayon...sir Jun, sa tingin mo okay lang ba na mag-send ako ng message sa Facebook acct nya at mag-confess ako sa kanya na sobrang crush ko sya noon...hindi kami magkakilala pero di ba ako magmumukhang cheap pag ginawa ko yun? ano bang dapat kong gawin, pls help me...

Dear Anonymous,
I guess bading ka. Walang totoong babaeng magsasabing “di ako nagkamali ng pagpili sa crush ko noon kasi lalo akong naglaway sa looks nya ngayon”. Ini-imagine ko tuloy, ano kayang “looks” nitong crush mo at naglaway ka. Naka-brief ba siya nang makita mo sa facebook? Ok lang naman na sabihin mong crush mo siya, lalo na kung kailangan mo talagang ihinga ang feelings mo dahil para kang sasabog pag hindi mo sinabi sa kanya. Parang nagdadalaga lang ang concerns mo diba. Ilang taon ka na ba? 16? Gawin mo ang magpapaligaya sa yo, ate. Pero konting pigil lang, baka magmukha kang stalker at ipapulis ka niya.
Happiness!
Jun