Friday, November 05, 2010

Paalam


May literary contest sa UST na tinuturing na Palanca ng mga Tomasino. Ito yung USTETIKA. Dito nagpapasiklaban sa galing ang lahat ng istudiyanteng nangangarap maging manununulat. Seryosong kumpetisyon ito. Dahil bagama’t contest lang siya sa loob ng campus, bigatin ang mga kinukuhang judges dito--kabilang ang mga National Artist na sina Rio Alma at Bienvenido Lumbera. In short, isa siyang event sa UST--or at least para sa akin. Kaya yung iba, buong school year na nagsusulat, nag-iipon ng entries na isasali dito-- o ako lang ba yun? Napaka-insecure ko dati sa pagsusulat ko, at dahil wala akong bilib sa sarili ko, dinadaan ko na lang sa bilis. Baka kako sa bilis kong magsulat, makatisod ako ng kahit isang magandang materyal.

Well, well,well. Hindi lang isa ang natisod ko. Nung 3rd o 4th year ko, nanalo ako sa Filipino Division bilang Tomasinong Kwentista ng Taon (1st place, Maikling Kwento), at Tomasinong Mandudula ng Taon (1st place, Dulang May isang Yugto). Sa English Division, ako rin ang tinanghal na Thomasian Fictionist of the Year (1st place, Short Story). At dahil truck-truck ang sinali kong entries, sa pagkakaalala ko ako rin ang nag-2nd place sa mga kategoryang ito. At naghihimutok pa ako niyan na hindi ko nakuha ang 3rd place ha.

Pero ang talagang pinakaasam-asam na karangalan at premyo ng sinumang sumasali sa USTETIKA ay ang Rector’s Literary Award. Ito ang rurok ng tagumpay ng sinumang student writer sa UST. Ang Rector mismo ng UST (katumbas ng Presidente ng Pilipinas ang importansiya ng isang Rector sa mga Tomasino) ang pipili mula sa first place winners ng iba’t ibang kategorya kung sino ang karapat-dapat na manalo ng award. May anim na kategorya kung saan pwedeng mag-first place ang isang istudiyante. Dahil 3 doon ang nakuha ko, inakala ng lahat na ako ang mananalo.

Naku pahirapan. Kasi nung una parang ayaw ng Rector. Wala raw deserving.

Pero mabuti na lang at may isang nakipaglaban para sa akin. Si Dr Ophelia Alcantara Dimalanta, dean ng Faculty of Arts and Letters at nagsilbing mentor ko noong college ako. Pinagpilitan, pinagduldulan ako ni Dr Dimalanta hanggang bumigay ang Rector at ipinagkaloob din sa akin ang award. Pero alam mong napilitan lang dahil pagkatapos ng awarding, pinagsabihan akong masyado raw dark ang mga kwento ko. Walang hope. Walang redeeming value.

Translation: Walang kwenta ang pinagsusulat ko. O baka balat-sibuyas lang ako. Baka naman constructive criticism yun. Kasi nakangiti naman si Rector nung kausapin niya ako. Pero yun ang nakuha ko. Hindi ko mawari ang pakiramdam. Nakaranas na ba kayo ng kaligayahan na biglang naudlot? Para kang tahimik at maginhawang umiihi sa isang kanto... nang biglang may dumating na pulis. Parang textmate na akala mo in love sa yo, pero biglang kang hiningan ng load. O para mas simple: para kang Willing Willie na biglang na-TRO.

Nung gabing yun gusto kong ibalik yung medal. In fact pumunta ako sa office ni Dr Dimalanta, at naglabas ako ng sama ng loob sa kanya. Kfine, hindi lang siguro basta naglabas ng sama ng loob. Bilang isa na akong drama queen sa murang edad, posibleng nag-moment ako, nag-monologue, nag-self-pity sa harap niya. Moment na mala-Ate Vi epic meltdown, kasing intense ng "Diyos ka ba, Diyos ka ba para diktahan ang buhay ko"?! Pero wait, Noranian ako kaya hayaan n'yong si Ate Guy na lang ang i-quote ko: Walang hindi nakakakilala sa pangalang Magnolia dela Cruz! Aso lang ang hindi nakakakilala sa pangalang ito! Aso lang! Asoooo!

Inglesera si Dr Dimalanta. Rockstar ng mga poet. Isa sa mga superstars sa mundo ng literatura. At ako, isang uhugin, payatot at klosetang istudiyanteng taga-Balic-Balic. (Actually ni hindi ko masabing taga-Balic-Balic ako pag may nagtatanong kasi medyo maantot pakinggan. Sinasabi ko, taga Sta Mesa ako—as if yun ang rurok ng kasosyalan.) Simula’t sapul inakay ako ni Dr Dimalanta, ginabayan, at nung gabing yun na napakaliit ng tingin ko sa sarili ko, at sa mga sumunod pang pagkakataon na nagdalawang-isip ako sa kakayahan ko, tinuruan niya akong magkaroon ng kumpiyansa at maniwala sa sarili ko. Isang gabi yun na tumatak sa isip ko, dahil bagama’t pinagtatawanan at binabalikan ko na lang sa alaala ngayon, malalim ang nilikha niyang sugat, at kung hindi dahil kay Dr Dimalanta, malamang tumigil na ako sa pagusulat. Malamang ni hindi ako nagba-blog ngayon. Malamang ni hindi ako nakapagladlad, ewan ko. Nabanggit ko rin ba na gay icon siya, at nagsilbing fairy godmother sa maraming closetang manunulat? May mata siya para sa talent, oo, pero pagdating sa mga closetang may talent sa pagsusulat, talo niya pa ang may x-ray vision. Maraming kimi at balingkinitang twinks ang bumukadkad, umusbong at nagpakarami ng lahi dahil sa pagpapala niya.

Naniniwala ako sa Diyos. Naniniwala akong may itinalaga Siyang mga anghel sa lupa na darating sa takdang oras na kailangan natin sila. Sa buhay ko, bukod kina Barbra Streisand at Diana Ross, kabilang doon--nangunguna sa kanilang lahat--si Dr Ophelia Alcantara Dimalanta.

Salamat, Ma’am. Maraming maraming salamat.

11 comments:

Rachel said...

Jun, this is so beautiful! She's such a great lost to the literary scene. :(

anteros' dominion said...

nalungkot ako ng mabalitaan ko ito sir jun. magiging guro ko siya dapat ngayong 2nd sem sa ust ma creative writing...

gayunman, batid kong duon na siya naghahabi ng mahuhusay na berso sa piling ng Lumikha

libidoatlikido said...

ser jun, sasaludo ako ulit sayo, a.

ang galing mong dumiga sa emosyon.saludo.

Ate Sienna said...

Bakit wala kang "like" button??

Wala namang akong pwedeng idagdag na comment na makakadagdag sa entry na ito pero nasarapan akong basahin sya. kaya ang suggestion ko, sana parang facebook, may "like"...

Jun Lana said...

Ayan, Ate Sienna. Nilagyan ko na ng "like" button. :-D

michelle said...

sarap naman tumawa kahit sa totoo lang naiiyak ako sa blog na'to hehehe
wala lang parang baliw lang..nakeke epal lang with a big a smile : )

Nitoy Chan Jr said...

Hanep ka talaga Jun, sapol na sapol mo ang emosyon at linaw sa emosyon ng bawat blog mo!
Most specially this tribute to your Teacher/Mentor- Paalam.

I am currently living in Australia, but I always make it a point to hop into your site to "make my day" ika nga. Kasi with your blogs, it takes me to places na maaring na miss ko, o hindi pa napupuntahan bagamat sa blogs mo lang nakararating na rin ako; kumpleto kasi ang pagdescribe at paliwanag mo sa lahat, sa amoy , sa pananaw at iba pa!
I'm sure we (used to be closet gays), can really relate so much to your experience and mentor. Mabuhay sila at Ikaw rin-Jun, please keeping us inspired! G'Day Mate!

julius a. comia said...

Jun, nakakaantig ang mga sinulat mo,nakapagbabalik ng mga alaala. kung hindi siguro kay Dean Dimalanta hindi ako nakagraduate ... 2 incomplete tapos 1 failing grade sa finals,tapos uuwi pa nanay ko galing HK para umatend ng graduation(di nya lam wala ako sa graduation list)pero yun nakapagtapos din kasama pa sa ceremony kahit wala ang pangalan sa listahan ..Maraming Salamat Dean Dimalanta, jun salamat din sa alaala...

nadia camit upton said...

Haha! Kaloka. Naalala ko tuloy ang UST days ko.
Nagalit sa akin yang si Ma'am Ophie dahil pinatono ko ang piano niya na nasa AV room. Nagdala ako ng sarili kong pinao tuner, at natalakan akez ng over.

Katakot palang magalit yang si Maam mala-Celia Rodriguez ang dating, parang kukulog at kikidlat pag tumaas ang kilay.

Sydney said...

Thanks, Jun.
I admire Dr. Dimalanta, too. Hey, pls accept me as friend on FB. I'm Sydney Gonzales-Villegas. Graduate ako ng MA Theater Arts sa UP at naging classmate kita sa Creative Writing under Dr Al Santos (if I still get it right). Kasama mo akong kumain sa UP Beach house;petite ako before (hindi na ngayon).
Currently, Im in Hawaii at GMA Pinoy TV subscriber (thanks sa MIL na 24 hours nanonood). Nakakatuwa lang na makita na Creative Director ka ng halos lahat ng teleserye sa GMA.
Thanks and hope maging FB friends tayo. Pag umuwi ako sa Pinas, gusto uli kitang makita.
Salamat,

Sydney
Maui, HI

Frederick said...

Thanks for this tribute to one mentor I dearly love, OAD.