Tuesday, August 03, 2010

sosyal

Nung isang weekend nanood ako ng sine sa Rockwell. Karamihan ng pumupunta dun, mga sosyal. Alam mong mga sosyal kasi kahit naka-tsinelas mukha pa ring mamahalin ang mga tao. Ako, bilang social climber, pumapasyal doon paminsan-minsan. Siyempre ayokong magtsinelas. Baka magmukha akong alalay nila.

Pagkabili ko ng ticket, naglibot-libot muna ako. Pumunta ako sa food court sa basement. May fruit stand doon. Mukhang pangsosyal din. Ganda ng arrangement. At mukhang fresh talaga ang mga prutas. May nakita akong atis, galing Bangkok daw, sinlalaki ng melon. Magkano, tanong ko. 900 pesos daw isang kilo. Nabingi ata ako. Magkano, tanong ko uli. 900 pesos nga. Ano ba yun! Mas mahal pa sa promo ng Cebu Pacific, 888 pesos makakapunta ka na sa Hong Kong.

Mayamaya may nadaanan akong kumpulan ng mga sosyal na tao, parang may pinagkakaguluhan na isang food stall. Na-curious ako. Ano kayang sosyal na pagkain ang pinag-aagawan nilang bilhin? Lumapit ako. Tinanong ko yung ale kung anong tinitinda niya. Take note, mukhang sosyal din yung tindera, kamukha nung nanay ni Sharon Cuneta, naka-make up na mukhang magnininang sa kasal. Siguro bored housewife, nakatira sa mansyon, graduate na ang mga anak, naisipang mag-business para aliwin ang sarili. “Oh this is my specialty!,” sabi niya. May malaking kaldero, binuksan niya. Pagtingin ko, sinaing na tulingan. Eto ang pinagkakaguluhan ng mga sosyal? Pinakuluang isda? Eh noong bata ako, pag niluluto ito ng nanay ko, lumalabas ako ng bahay kasi ang lansa ng amoy.

May isa pa akong napansin. Sa gitna ng mall, may naka-display na pampasaherong jeep. Medyo mas magarbo sa ordinaryong jeep na pumapasada sa kalsada, nilagyan ng konting banderitas, pero jeep pa rin siya kahit balibaligtarin ang mundo. Guess what? Pinagkakaguluhan din ng mga sosyal, parang ngayon lang nakahawak ng jeep sa tanang buhay nila. May isang magdyowa (cute yung guy), inabot pa sa akin yung dala nilang camera, nagpa-picture.

In fairness sa mga sosyal, mababaw talaga ang kaligayahan nila. Hindi nga. Nung high school ako may classmate akong super yaman. Isang summer niyaya kaming magbakasyon sa Baguio, sagot ng daddy niya lahat ng gastos. First time kong makapunta sa Baguio, tuwang-tuwa ako, talo ko pa ang nanalo sa sweepstakes! Yung bahay nila sa Baguio, mansyon. In fact yung CR nila, mas malaki pa sa sala ng bahay namin noon sa Sta Mesa. 3 pm na yata nung dumating kami sa Baguio. Sinalubong kami nung maid, inihanda niya raw ang paboritong merienda ng friend ko. Siyempre excited ako, ano kayang sosyal na pagkain ang matitikman ko? Dumating yung merienda. Pandesal na may palamang condensed milk. Mainit naman yung pandesal. Saka masarap din naman. Pero pagkain sa patay yun e. Well sa probinsiya namin ha. Nung bata ako, pag may patay sa Bicol, yun ang sini-serve sa mga tao.

Sagutin ko lang ang itong nag-message sa akin:

Hi Sir Jun,

Finally, nag-blog ka rin ulit. Akala ko nakalimutan mo na kaming mga followers mo dito sa blog mo. Sana palagi kang mag-blog kasi nami-miss ko yung mga blog mo na humahagalpak ako sa tawa, 2 yrs ago pa yata yun

Pwedeng share ko rin yung tanong mo na "What makes you happy?"... Yun ay nang makita ko ulit ang HS crush ko sa Facebook acct nya...di ako nagkamali ng pagpili sa crush ko noon kasi lalo akong naglaway sa looks nya ngayon...sir Jun, sa tingin mo okay lang ba na mag-send ako ng message sa Facebook acct nya at mag-confess ako sa kanya na sobrang crush ko sya noon...hindi kami magkakilala pero di ba ako magmumukhang cheap pag ginawa ko yun? ano bang dapat kong gawin, pls help me...

Dear Anonymous,
I guess bading ka. Walang totoong babaeng magsasabing “di ako nagkamali ng pagpili sa crush ko noon kasi lalo akong naglaway sa looks nya ngayon”. Ini-imagine ko tuloy, ano kayang “looks” nitong crush mo at naglaway ka. Naka-brief ba siya nang makita mo sa facebook? Ok lang naman na sabihin mong crush mo siya, lalo na kung kailangan mo talagang ihinga ang feelings mo dahil para kang sasabog pag hindi mo sinabi sa kanya. Parang nagdadalaga lang ang concerns mo diba. Ilang taon ka na ba? 16? Gawin mo ang magpapaligaya sa yo, ate. Pero konting pigil lang, baka magmukha kang stalker at ipapulis ka niya.
Happiness!
Jun

11 comments:

Ms. Chuniverse said...

Nice post! Social climber din aketch kaya i can relate. pag nagba bazaar nga kami, mas shocking tumawad ang mga rich. Ako ang nahihiya sa tindera.

Btw, im a fan.

Mico said...

Hahaha! We always end up frustrated lalo na pag we expect too much. Siguro nga, sa mga hindi mayaman at sa mga laking probinsya kagaya ko, simpleng bagay lang ang nagpapasaya sa akin.

Pasosyal sosyal, pangprobinsya din naman pala. LOL!

I love your post! Nice to be back here.

Rachel said...

Winner! Blog pa, Jun! :)

Roberta said...

Langya ka pare, di ako bakla, pero tawang-tawa ako sa pagiging tapat ng iyong salita at sa kung paano mo ito binitawan. Nakakatawa ang blog mo, at ang pangalan mo, lagi kong naririrnig sa TV, sa mga tsismisan na palabas.

Lasherations said...

Haha! Nakakatawa naman ang post na to! Keep it up, sir! Blog ka naman regularly!

Fickle Cattle said...

I thought the actual blog entry was funny, but the letter-reply was LOL. Made my day, thanks!

http://ficklecattle.blogspot.com/

Ate Sienna said...

Direk, I lab yu talaga... tuwang-tuwa ako lagi sa mga entries mo.

O diba, nakaka-aliw kami? welcome to my sosyal world! CHARRRRRR!!!!!

(hehehehe)

Anonymous said...

Hi Sir Jun, thanks sa reply mo na sobrang na-appreciate ko. nakakatuwa ka talaga...

Hindi kita masisi kung mapagkamalan mo akong bading. Anong magagawa ko eh minsan eh may pagka-bading talaga ako magsalita at mag-isip. Pero totoong babae ako. At marunong ding maglaway ang mga babae, kaya nga palagi kaming may dalang handkerchief eh. Sir Jun, di ako sigurado kung nakasuot siya ng brief sa profile pic nya sa Facebook, basta ang suot nya nakamaong na pants at white na long sleeves...di ko alam kung naka-brief sya sa loob ayoko namang mag-assume ng di ko nakikita. Kaya ko sinabing "naglaway" kasi after so many years pagka-graduate namin ng HS, ang gwapo pa rin nya. Marami na akong naging crush pero sya lang ang tumatak sa isipan ko. Bukas na bukas, magse-send na talaga ako ng message sa kanya sa Facebook. Oras na para malaman nya ang katotohanan. First time kong gagawin ito. Ninenerbyos ako Sir Jun, magkahalong kaba at excitement, para akong kokoranahan. Bahala na kung ano ang magiging reaction nya.

pat said...

@anonymous, you've come to the right blogger to ask for advice. nang-hingi na rin ako ng advice kay jun lana pero under more formal and more serious circumstances. it was a super random decision to ask for his advice since we didn't know each other and it was my fault, the thing that I asked advice for hehe.

anyway, di ko alam kung nasa ganung mood pa rin sya, at sinasabe ko 'to as if si God ang inaaddress natin samantalang sya naman may ari ng blog. natuwa lang ako sa statement mo na marunong din kayo maglaway.

thanks for the advice, jun. sa friendster pa 'ko nag-ask nun, naalala ko. i'm sure matutulungan mo itong si girl sa problema nya.

potty said...

oh, convert nako. mahal na kita.

hitokirihoshi_kawaii said...

hahaha natawa daw ako sa post ninyong ito. eh tama naman talaga e, simple-simple pero amazing sa kanila. at least may ganyan kasi yung iba naman kasi akala mo eh bukod tangi sa earth.

one time, yung pinsan kong bagger sa isang mall nagreklamo. sabi niya kung sino pa raw yung mayaman mapagpasensya pero yung akala mo mukha lang mamalengke sa talipapa e, akala mo kung sino raw donya.