Monday, August 16, 2010

buhok

Naghahanap ako ng pictures ng mga artista sa web para sa keynote presentation na gagawin ko nang makita ko ito.


Na-inspire tuloy akong mag-blog. Kung di ako nagkakamali, ito yung itsura ni Aga Muhlach sa Bagets. Dahil sa pelikulang yun, sumikat siya ng husto. Lalo na yung style niya ng buhok. Wet look. Parang kakaahon mo lang sa swimming.

Isang umaga, pagpasok ko sa UST High School, lahat na lang ata ng lalaking istudiyante ganito ang buhok. Siyempre ayokong magpahuli. Kaso ang problema: 1) Wala akong bangs (dapat mahaba ang bangs mo para ma-achieve ang look na ito) 2) Kahit gaano karaming gel ang ilagay ko, ayaw sumunod ng buhok ko. Tumitikwas, ayaw magdikit. Saka siguro bagay lang ang look na ito pag mestiso ka. Kasi kung payatot ka at maitim na tulad ko, medyo madumi at malagkit siya tingnan sa dami ng gel mo sa buhok.

Minsan inubos ko ang isang buong tube ng gel para lang sumunod ang buhok ko. Pagdating ko sa classroom, tingin nang tingin yung seatmate ko sa akin. Eh cute yun, mestiso. Feeling ko, ang cute ko rin (at mestisa). Nung lunch time, pumunta ako sa CR para i-admire kung gaano kaganda yung buhok ko, at kung bakit nabighani ang seatmate ko. Siyempre pagtingin ko sa salamin saka ko lang nakita yung langaw na na-trap sa buhok ko.

Years later, nauso naman yung one-length. 6 months akong hindi nagpagupit. Parang ganito:


Ganyan din usually yung posters na nakapaskel sa mga parlor. Karamihan mga mestiso. O kaya mga artista ng That’s Entertainment. Lahat naka-one length. Kaya feeling mo, gaguwapo ka rin nang todo-todo pag nagpa-one length ka (o magiging member ng That’s Entertainment). Nakalimutan kong sa totoong buhay eh mukha akong dugyugtin. Napansin ko na lang, habang humahaba ang buhok ko, parang pahirap nang pahirap kumuha ng taxi pag nag-o-overtime ako sa trabaho. Lalo na pag inaabot ako ng madaling-araw. In short nagmumukha akong holdapper sa buhok ko. Iniisip siguro ng driver, anong ipambabayad ko sa taxi, ni hindi ko nga ma-afford magpagupit.

Tapos nauso yung highlights.


May kamahalan magpa-highlights. Kaya nag-ipon ako. At for the first time, pumunta ako sa isang sosyal na pagupitan. Sa Ricky Reyes salon sa SM Centerpoint, kung saan hindi ka lang basta gugupitan, aalukin ka muna ng ice tea. Matagal na proseso ang highlights. Una, kukulayan muna ang buong buhok mo. Then saka kukulayan uli ang ilang hibla ng mas matingkad na kulay. Bilang first time kong magpakulay, matagal bago umepekto yung gamot sa buhok ko. Pabalik pabalik yung stylist every 15 minutes. Hinihintay mag-yellow ang buhok ko. Pagtagal napagod ata sa kakacheck. Naka-limang customer na siyang ginugupitan, hindi pa rin tinitingnan ang buhok ko. Nakalimutan ata. Kumusta naman ang kinalabasan? Nagmukha lang naman akong may hepa. Ang yellow. Sa sobrang yellow, compliment na sa akin nung sabihin ng kapatid kong mukha akong pinya.

PS
Biglang nagdagsaan ang messages na humihingi sa akin ng payo. Susubukan kong sagutin yung iba. Pero feeling n’yo talaga may matino akong maipapayo? Katuwaan lang, pero wag nyo seryosohin. Saka kung pwede, i-limit na lang natin ang katanungan tungkol sa relationship. Yung mga humihingi ng payo tungkol sa negosyo, eto lang ang masasabi ko: Hello.

14 comments:

Rachel said...

As usual, napatawa mo na naman ako Jun. at kelangan ko talaga tumawa dahil hindi ako makapag-sulat. Ang mahirap magsulat tungkol sa isang lugar na hindi ko pa napupuntahan! haaay!

Anonymous said...

thank you for making me laugh

Ate Sienna said...

hellers talaga. hehehehehe

john chen said...

LOL! as a former fashion victim, naka-relate ako. thanks!

libidoatlikido said...

ginoong jun lana, lagi kong binabasa ang blog mo. lagi akong natatawa at natutuea, malalim kang magsulat -- may puso kumbaga.hindi ako magsasawang basahin ang mga gawa mo.

salamat..

Anonymous said...

Awesome web site, I had not come across junlana.blogspot.com before in my searches!
Keep up the superb work!

alice said...

jun sana magsulat at magdirek ka uli ng pelikula. nakakapanghinayang na sa blog na lang namin nakikita ang talento mo sa pagkukuwento.

♥ LaDy_mYx ♥ said...

cool page! :) ankyut naman dito :D

PoMeLo said...

i'm glad i discovered your blog. me bago na naman akong babasahin. madami akong ibaback read pero ayos lang. :)

libidoatlikido said...

ginoong lana, nadidismaya ako kapag wala kang bagong post. hindi kasi pilit na nagpapatawa ang 'yong mga salita. Normal, nagpapakatotoo lang.

saka nga pala.. kilala mo daw pala si Mary Anne Yutadco? Hindi naman kami magkadugo, pero tiyahin siya ng kasintahan ko.

sana balang araw, mabasa ko ang 'yong mga personal na trabaho -- lalo na yung mga Palanca Winner at ang mga nasa baul pa.

Sana magkaroon ka din ng script writing workshop tulad ni Sir Ricky lee. kaso di ko alam kung papaano makakakuha ng updates doon..


taga-hanga,

maraming salamat!

an_indecent_mind said...

bagong padpad ako dito sa kuta mo.. makikibasa, makikiusyuso ho...

Anonymous said...

Top web site, I had not come across junlana.blogspot.com earlier in my searches!
Carry on the excellent work!

Anonymous said...

dear sir jun, scriptwriting is one of my passion please prioritize me coz icame from the province of cam.sur,im now here in manila just to take your good offer for a biggener like me in a line of scriptwriting. may i know your office address and your tel.no. i wish to met you personally pls? with more respect, DHON REPUESTO

hoshi said...

H! sir Jun! ngayon ko lang nalaman na may blog kayo. and jackpot nasa Tagalog! hehehe

natawa naman ako sa journey ng inyong buhok. naalala ko lang din na "keempee" ata ang isa sa tawag doon sa one-length.

ako tanggap ko na bago ako magpapa-ayos ng buhok, ayusin ko muna ang unmanageable and curly hair ko.

mabuhay!