Tuesday, November 23, 2010

Congratulations

Wala nang fanfare. Wala nang paliwanag. Matapos ang mahaba at masusing pag-aaral, eto ang tatlong napili ko na sasailalim sa mentorship:

1. Nathaniel Manuzon Arciaga
2. Renei Patricia Esteban Dimla
3. Anna Levita Macapugay

Congratulations sa inyo. Hindi ko pa kayo tinatawagan para naman magkaroon ng silbi ang anunsiyo dito sa blog ko. Surprise!

Dinner tayo next week.

May applicants pa akong pipiliin para sa satellite workshop. Yun ang pinag-iisipan ko pa. Basta tatawagan ko kayo bago matapos ang linggo.

Salamat!

Friday, November 05, 2010

Paalam


May literary contest sa UST na tinuturing na Palanca ng mga Tomasino. Ito yung USTETIKA. Dito nagpapasiklaban sa galing ang lahat ng istudiyanteng nangangarap maging manununulat. Seryosong kumpetisyon ito. Dahil bagama’t contest lang siya sa loob ng campus, bigatin ang mga kinukuhang judges dito--kabilang ang mga National Artist na sina Rio Alma at Bienvenido Lumbera. In short, isa siyang event sa UST--or at least para sa akin. Kaya yung iba, buong school year na nagsusulat, nag-iipon ng entries na isasali dito-- o ako lang ba yun? Napaka-insecure ko dati sa pagsusulat ko, at dahil wala akong bilib sa sarili ko, dinadaan ko na lang sa bilis. Baka kako sa bilis kong magsulat, makatisod ako ng kahit isang magandang materyal.

Well, well,well. Hindi lang isa ang natisod ko. Nung 3rd o 4th year ko, nanalo ako sa Filipino Division bilang Tomasinong Kwentista ng Taon (1st place, Maikling Kwento), at Tomasinong Mandudula ng Taon (1st place, Dulang May isang Yugto). Sa English Division, ako rin ang tinanghal na Thomasian Fictionist of the Year (1st place, Short Story). At dahil truck-truck ang sinali kong entries, sa pagkakaalala ko ako rin ang nag-2nd place sa mga kategoryang ito. At naghihimutok pa ako niyan na hindi ko nakuha ang 3rd place ha.

Pero ang talagang pinakaasam-asam na karangalan at premyo ng sinumang sumasali sa USTETIKA ay ang Rector’s Literary Award. Ito ang rurok ng tagumpay ng sinumang student writer sa UST. Ang Rector mismo ng UST (katumbas ng Presidente ng Pilipinas ang importansiya ng isang Rector sa mga Tomasino) ang pipili mula sa first place winners ng iba’t ibang kategorya kung sino ang karapat-dapat na manalo ng award. May anim na kategorya kung saan pwedeng mag-first place ang isang istudiyante. Dahil 3 doon ang nakuha ko, inakala ng lahat na ako ang mananalo.

Naku pahirapan. Kasi nung una parang ayaw ng Rector. Wala raw deserving.

Pero mabuti na lang at may isang nakipaglaban para sa akin. Si Dr Ophelia Alcantara Dimalanta, dean ng Faculty of Arts and Letters at nagsilbing mentor ko noong college ako. Pinagpilitan, pinagduldulan ako ni Dr Dimalanta hanggang bumigay ang Rector at ipinagkaloob din sa akin ang award. Pero alam mong napilitan lang dahil pagkatapos ng awarding, pinagsabihan akong masyado raw dark ang mga kwento ko. Walang hope. Walang redeeming value.

Translation: Walang kwenta ang pinagsusulat ko. O baka balat-sibuyas lang ako. Baka naman constructive criticism yun. Kasi nakangiti naman si Rector nung kausapin niya ako. Pero yun ang nakuha ko. Hindi ko mawari ang pakiramdam. Nakaranas na ba kayo ng kaligayahan na biglang naudlot? Para kang tahimik at maginhawang umiihi sa isang kanto... nang biglang may dumating na pulis. Parang textmate na akala mo in love sa yo, pero biglang kang hiningan ng load. O para mas simple: para kang Willing Willie na biglang na-TRO.

Nung gabing yun gusto kong ibalik yung medal. In fact pumunta ako sa office ni Dr Dimalanta, at naglabas ako ng sama ng loob sa kanya. Kfine, hindi lang siguro basta naglabas ng sama ng loob. Bilang isa na akong drama queen sa murang edad, posibleng nag-moment ako, nag-monologue, nag-self-pity sa harap niya. Moment na mala-Ate Vi epic meltdown, kasing intense ng "Diyos ka ba, Diyos ka ba para diktahan ang buhay ko"?! Pero wait, Noranian ako kaya hayaan n'yong si Ate Guy na lang ang i-quote ko: Walang hindi nakakakilala sa pangalang Magnolia dela Cruz! Aso lang ang hindi nakakakilala sa pangalang ito! Aso lang! Asoooo!

Inglesera si Dr Dimalanta. Rockstar ng mga poet. Isa sa mga superstars sa mundo ng literatura. At ako, isang uhugin, payatot at klosetang istudiyanteng taga-Balic-Balic. (Actually ni hindi ko masabing taga-Balic-Balic ako pag may nagtatanong kasi medyo maantot pakinggan. Sinasabi ko, taga Sta Mesa ako—as if yun ang rurok ng kasosyalan.) Simula’t sapul inakay ako ni Dr Dimalanta, ginabayan, at nung gabing yun na napakaliit ng tingin ko sa sarili ko, at sa mga sumunod pang pagkakataon na nagdalawang-isip ako sa kakayahan ko, tinuruan niya akong magkaroon ng kumpiyansa at maniwala sa sarili ko. Isang gabi yun na tumatak sa isip ko, dahil bagama’t pinagtatawanan at binabalikan ko na lang sa alaala ngayon, malalim ang nilikha niyang sugat, at kung hindi dahil kay Dr Dimalanta, malamang tumigil na ako sa pagusulat. Malamang ni hindi ako nagba-blog ngayon. Malamang ni hindi ako nakapagladlad, ewan ko. Nabanggit ko rin ba na gay icon siya, at nagsilbing fairy godmother sa maraming closetang manunulat? May mata siya para sa talent, oo, pero pagdating sa mga closetang may talent sa pagsusulat, talo niya pa ang may x-ray vision. Maraming kimi at balingkinitang twinks ang bumukadkad, umusbong at nagpakarami ng lahi dahil sa pagpapala niya.

Naniniwala ako sa Diyos. Naniniwala akong may itinalaga Siyang mga anghel sa lupa na darating sa takdang oras na kailangan natin sila. Sa buhay ko, bukod kina Barbra Streisand at Diana Ross, kabilang doon--nangunguna sa kanilang lahat--si Dr Ophelia Alcantara Dimalanta.

Salamat, Ma’am. Maraming maraming salamat.

Sunday, October 31, 2010

Pasasalamat

May romance novelist. May Palanca Awardee. May nurse. May cinematographer. May istudyante. At marami pang iba. Gusto kong magpasalamat sa lahat ng sumali sa inaalok kong mentorsip program. Last week, nagbakasyon ako para salain ang 525 entries na natanggap ko mula October 1 hanggang October 15, 2010. Mahirap, matagal ang proseso. Paulit-ulit kong binasa ang bawat CV, bawat essay na ipinadala ninyo.

Gaya ng nasabi ko, 3 lang ang mapipili para sa mentorship.

Pero dahil sa dami ng nag-apply at nagpamalas ng potensyal at talento sa pagsusulat, nagdesisyon akong bumuo rin ng isang satellite workshop (sa tulong ng ibang kaibigan kong manunulat) para mas marami ang mabigyan ng oportunidad. Bagama’t hindi ako ang nakatutok dito, nakasubaybay pa rin ako sa paggawa ng modules, at paminsan-minsan magbibigay din ng lectures sa grupong ito.

25 ang napili kong dadadaan sa interview, ito ang mga aplikanteng hindi lang may matagal nang background sa pagsusulat ayon sa CV nila, kundi klarong-klaro rin ang tinig at istilo sa mga sanaysay na sinulat nila. Para sa gaganaping interview, bawat isa sa kanila ay hiniling kong magdala ng kopya ng anumang script na naisulat na nila.

1. Andrew Camandang
2. Anna Karenina Ramos
3. Anna Levita Macapugay
4. Christina Pangan
5. Dan Villegas
6. Darwin Empeno
7. Dennis Raymund
8. Janis Narvas
9. Jay Quintos
10. Jed Patron
11. Joie Cortina
12. Juan Antonio Luna
13. Kristoffer Brugada
14. Liberty Trinidad
15. Louise Lamsuyan
16. Maria Poquita
17. Michelle Ramos
18. Nataniel Arciaga
19. Natividad de Leon
20. Ronniel Niko Halos
21. Rafael Canete
22. Renei Dimla
23. Ria Gonzales
24. Richard Faller
25. Robby Roxas

Bukod dito, may isang batch pa ng mga aplikante (25 din sila) na sa halip na magdala ng script ay inimbitahan kong kumuha ng diagnostic test para subukan at lalo kong makilala ang kakayahan nila sa iba’t ibang creative exercises.

1. Aldwin Bonggao
2. Anna Margaret Patagnan
3. Antonio Pelon
4. Biancaresse Mendoza
5. Carmina Mones
6. Charina Marcelino
7. Charina Nola
8. Dominique Ng
9. Don Santella
10. Doods Maglaqui
11. Erica Ngui
12. Jasper Obillo
13. Jaylord Langbayan
14. Jessehyro Aguinaldo
15. Loren Marcojos
16. Lukas Pascual
17. Mark Sayat
18. Marvin Corachea
19. Nika Layson
20. Norbet Natano
21. Omar Arsenal
22. Ritchie Ysulat
23. Roderick Frago
24. Ronrick Alegre
25. Roxanne Tobias

Magkita-kita tayong lahat sa November 7, 2010. Salamat uli.

Saturday, October 16, 2010

Announcement of Finalists


Sa October 30, 2010, doon ko ipo post dito ang lahat ng mapipiling finalists (siyempre tatawagan ko rin kayo) para dumaan sa interview, kung saan hihilingin kong magdala ang applicant ng anumang script (teleplay o screenplay--kahit sequence treatment kung walang full script, produced man o hindi) na naisulat niya. Mula doon, pipili ako ng 3.

Paensiya na kung sa October 30 pa. Akala ko nasa 300 lang ang entries. Gabi-gabi dina-download ko agad lahat ng nasa inbox para hindi maipon. Pero 2 nights ago, doon ko lang napansin na may 300 na laman yung spam folder ko. Medyo weird dahil bago lang ang junlana@rocketmail.com (ginawa ko lang para sa contest na ito). Siyempre pag-open ko sa spam folder, nawindang ako. Doon pala pumasok yung ibang applications para sa mentorship.

Pero gaya ng pangako ko, isa-isa kong babasahin lahat. Alam ko kung gaano kahalaga para sa karamihan ang oportunidad na ito. Ganyang-ganyan din ako noong nagsisimula ako kaya pag-aaralan kong mabuti ang lahat ng entries. Kahit yung mga nagpadala past midnight (ewan ko ba naman kasi kung bakit kung kelan deadline saka nagdagsaan ang entries) at nakiusap nang todo-todo na i-consider pa rin sila, sige pinagbigyan ko na, pero mula ngayon, sarado na talaga ang pagtanggap ng application.

Yun muna. At salamat sa lahat ng sumali. Salamat din sa Eat Bulaga, Juicy, Paparazzi, Philippine Daily Inquirer, pep.ph, Journal online, pinoyfilm.com at sa lahat ng kaibigan ko sa press na libre at kusang isinulat ang tungkol sa mentorship program ko. Hindi ko sasayangin ang tulong ninyo.

Monday, October 11, 2010

UPDATE


Para sa lahat ng nagtatanong: Bago mag-first week ng November, ilalagay ko dito sa blog (at tatawagan isa-isa) lahat ng mapipili kong applicants na dadaan sa interview. Mula sa interview, doon ako pipili ng tatlong ime-mentor ko.

Alam n'yo, naisip kong gawin ito kasi 1) tumatanda na ako. bilang 28 na ako (hehe), naisip kong ibalik lahat ng tulong at paggabay na nakuha ko noong nagsisimula ako at 2) gaya ng nabanggit ko sa unang blog, hilig ko talaga ang magturo.

Masuwerte ako dahil napakagagaling ng naging mentors ko. Sa larangan ng pagsusulat, si Rene O Villanueva ang talagang gumabay sa akin. I-google n'yo kung sino si Rene kung hindi n'yo siya kilala. Pero sigurado akong milyon-milyun sa inyo ang nakarinig, nakapanood ng mga gawa niya sa telebisyon, hindi n'yo lang namalayan, bilang siya ang Creative Director ng Batibot noon. At eto lang naman ang ilan sa mga naging istudiyante niya: writer-filmmaker Chris Martinez, tv and film director Mark Reyes, TV 5 Creative Consultant Elmer Gatchalian (screenwriter din ng "Rosario" na sigurado kong hahakot ng maraming awards sa Manila Film Festival ngayong December), Palanca hall of famer Nick Pichay, at maraming marami pang iba. Bukod sa pagiging TOYM awardee, si Rene rin ang isa sa kauna-unahang Pinoy na naparangalan ng Ten Outstanding Young Persons of the World. World! Pero kahit napakaraming achievements ni Rene, hindi siya nawalan ng oras para magturo sa mga baguhan na gaya ko noon.

Sa larangan ng pelikula, napakapalad kong maging mentor si Marilou Diaz-Abaya. Kung may isang taong nagsilibing fairy godmother ko at binago ang takbo ng buhay ko, siya yun. Lahat ng pinto, pati bintana ng industriya, pelikula man o telebisyon, nagbukas para sa akin dahil sa tulong niya. Sa 4 pelikulang ginawa namin (Sa Pusod Ng Dagat, Jose Rizal, Muro-Ami, Bagong Buwan), talo ko pa ang dumaan sa film school. Walang oras, walang sandali na wala akong natutunan sa kanya.

Hindi ko alam kung matutumbasan ko ang paggabay na ginawa nila sa akin sa 3 aplikanteng mapipili ko, pero susubukan ko. Hindi ko lang babasahing mabuti ang lahat ng ipapadala ninyong CV at essays, kundi ipagdadasal ko ring mabuti na karapat-dapat talaga ang mapipili ko. Sa totoo lang, hindi ko kasi alam kung magagawa ko pa uli ito, karir e, kaya isasagad ko na ang pagtulong na pwede kong gawin.

Good luck sa inyo! :-)

Wednesday, September 29, 2010

mentorship


LAST CALL FOR ENTRIES!!! CLOSING DATE: 12 MIDNIGHT, OCTOBER 15, 2010!!!

Jun Lana Writing Mentorship for TV and Film

Award-winning writer and youngest Palanca Hall of Famer Jun Lana is offering a FREE writing mentorship program for aspiring screenwriters. Interested applicants must submit their CV and a one-page essay (in Filipino) on why they want to pursue a career in screenwriting to junlana@rocketmail.com. Only 3 applicants will be chosen to participate in an intensive 3-month individualized mentorship aimed to refine their craft and expose them to career opportunities within the entertainment field. Deadline for submission is on October 15, 2010. For more details log on to www.junlana.blogspot.com.




Nami-miss ko na talaga ang pagtuturo. Kung maluwag-luwag lang ang schedule ko, matagal ko na sanang tinanggap ang alok na magturo uli ako sa UP. O kaya sa UST.

Dati nakakapagbigay pa ako ng libreng workshop. Kaso ang problema sa workshop, kahit libre, karamihan sa participants hindi nagtatagal, wala ring maibigay na oras dahil may iba pa silang trabaho. O di kaya hobby lang ang pagsusulat para sa kanila. Yung iba namang naka-graduate sa workshop, wala namang makuha oportunidad para makapagsulat talaga sa industriya. Alam ko kung gaano ka-frustrating yun.

Kaya eto ang naisip ko.

Sa halip na workshop, writing mentorship ang gagawin ko.

3 months ang itatakbo ng writing mentorship na ito. Pagsusulat para sa pelikula at telebisyon. Ang hanap ko, mga taong hindi lang basta may talento kundi may passion talaga sa pagsusulat.

May 1 requirement lang: Dahil passion n’yo ang pagsusulat, kailangang may nagawa na kayong teleplay o screenplay- maaaring na-produce na o sinulat n’yo lang para sa sarili ninyo. Hindi importante kung graduate kayo o out of school, o kung semi-professional writer kayo o nangangarap lang makapagsulat sa TV at pelikula. Ang mahalaga, may nasulat na kayong script na pwede kong basahin para makita ko ang kakayahan ninyo sa pagsusulat.

3 hanggang 5 participants lang ang pipiliin ko para matutukan at masubaybayan ko sila nang husto. Ang objective ng mentorship na ito ay hindi lang ang turuan sila ng pagsusulat, kundi magabayan sila hanggang sa pagpasok nila sa industriya.

Libre ang buong mentorship program. Pero kung makakasagabal lang ito sa trabaho o pag-aaral ninyo, o kung hobby lang ito para sa inyo, wag na kayong mag-apply. Malaking oras ang iguguol ko para dito kaya hihilingin ko ring magsakripisyo ng oras ang sinumang mapipili.

Para sa lahat ng interesadong sumali, mag-submit muna ng 1) curriculum vitae na may ID photo at 2) 1-page essay kung bakit gusto n’yong maging screenwriter. I-email ang mga ito sa junlana@rocketmail.com. Curriculum vitae at essay lang ang ipadala ha, wag muna ang script n’yo.

October 15, 2010 ang deadline ng submission.

Monday, August 16, 2010

buhok

Naghahanap ako ng pictures ng mga artista sa web para sa keynote presentation na gagawin ko nang makita ko ito.


Na-inspire tuloy akong mag-blog. Kung di ako nagkakamali, ito yung itsura ni Aga Muhlach sa Bagets. Dahil sa pelikulang yun, sumikat siya ng husto. Lalo na yung style niya ng buhok. Wet look. Parang kakaahon mo lang sa swimming.

Isang umaga, pagpasok ko sa UST High School, lahat na lang ata ng lalaking istudiyante ganito ang buhok. Siyempre ayokong magpahuli. Kaso ang problema: 1) Wala akong bangs (dapat mahaba ang bangs mo para ma-achieve ang look na ito) 2) Kahit gaano karaming gel ang ilagay ko, ayaw sumunod ng buhok ko. Tumitikwas, ayaw magdikit. Saka siguro bagay lang ang look na ito pag mestiso ka. Kasi kung payatot ka at maitim na tulad ko, medyo madumi at malagkit siya tingnan sa dami ng gel mo sa buhok.

Minsan inubos ko ang isang buong tube ng gel para lang sumunod ang buhok ko. Pagdating ko sa classroom, tingin nang tingin yung seatmate ko sa akin. Eh cute yun, mestiso. Feeling ko, ang cute ko rin (at mestisa). Nung lunch time, pumunta ako sa CR para i-admire kung gaano kaganda yung buhok ko, at kung bakit nabighani ang seatmate ko. Siyempre pagtingin ko sa salamin saka ko lang nakita yung langaw na na-trap sa buhok ko.

Years later, nauso naman yung one-length. 6 months akong hindi nagpagupit. Parang ganito:


Ganyan din usually yung posters na nakapaskel sa mga parlor. Karamihan mga mestiso. O kaya mga artista ng That’s Entertainment. Lahat naka-one length. Kaya feeling mo, gaguwapo ka rin nang todo-todo pag nagpa-one length ka (o magiging member ng That’s Entertainment). Nakalimutan kong sa totoong buhay eh mukha akong dugyugtin. Napansin ko na lang, habang humahaba ang buhok ko, parang pahirap nang pahirap kumuha ng taxi pag nag-o-overtime ako sa trabaho. Lalo na pag inaabot ako ng madaling-araw. In short nagmumukha akong holdapper sa buhok ko. Iniisip siguro ng driver, anong ipambabayad ko sa taxi, ni hindi ko nga ma-afford magpagupit.

Tapos nauso yung highlights.


May kamahalan magpa-highlights. Kaya nag-ipon ako. At for the first time, pumunta ako sa isang sosyal na pagupitan. Sa Ricky Reyes salon sa SM Centerpoint, kung saan hindi ka lang basta gugupitan, aalukin ka muna ng ice tea. Matagal na proseso ang highlights. Una, kukulayan muna ang buong buhok mo. Then saka kukulayan uli ang ilang hibla ng mas matingkad na kulay. Bilang first time kong magpakulay, matagal bago umepekto yung gamot sa buhok ko. Pabalik pabalik yung stylist every 15 minutes. Hinihintay mag-yellow ang buhok ko. Pagtagal napagod ata sa kakacheck. Naka-limang customer na siyang ginugupitan, hindi pa rin tinitingnan ang buhok ko. Nakalimutan ata. Kumusta naman ang kinalabasan? Nagmukha lang naman akong may hepa. Ang yellow. Sa sobrang yellow, compliment na sa akin nung sabihin ng kapatid kong mukha akong pinya.

PS
Biglang nagdagsaan ang messages na humihingi sa akin ng payo. Susubukan kong sagutin yung iba. Pero feeling n’yo talaga may matino akong maipapayo? Katuwaan lang, pero wag nyo seryosohin. Saka kung pwede, i-limit na lang natin ang katanungan tungkol sa relationship. Yung mga humihingi ng payo tungkol sa negosyo, eto lang ang masasabi ko: Hello.

Tuesday, August 03, 2010

sosyal

Nung isang weekend nanood ako ng sine sa Rockwell. Karamihan ng pumupunta dun, mga sosyal. Alam mong mga sosyal kasi kahit naka-tsinelas mukha pa ring mamahalin ang mga tao. Ako, bilang social climber, pumapasyal doon paminsan-minsan. Siyempre ayokong magtsinelas. Baka magmukha akong alalay nila.

Pagkabili ko ng ticket, naglibot-libot muna ako. Pumunta ako sa food court sa basement. May fruit stand doon. Mukhang pangsosyal din. Ganda ng arrangement. At mukhang fresh talaga ang mga prutas. May nakita akong atis, galing Bangkok daw, sinlalaki ng melon. Magkano, tanong ko. 900 pesos daw isang kilo. Nabingi ata ako. Magkano, tanong ko uli. 900 pesos nga. Ano ba yun! Mas mahal pa sa promo ng Cebu Pacific, 888 pesos makakapunta ka na sa Hong Kong.

Mayamaya may nadaanan akong kumpulan ng mga sosyal na tao, parang may pinagkakaguluhan na isang food stall. Na-curious ako. Ano kayang sosyal na pagkain ang pinag-aagawan nilang bilhin? Lumapit ako. Tinanong ko yung ale kung anong tinitinda niya. Take note, mukhang sosyal din yung tindera, kamukha nung nanay ni Sharon Cuneta, naka-make up na mukhang magnininang sa kasal. Siguro bored housewife, nakatira sa mansyon, graduate na ang mga anak, naisipang mag-business para aliwin ang sarili. “Oh this is my specialty!,” sabi niya. May malaking kaldero, binuksan niya. Pagtingin ko, sinaing na tulingan. Eto ang pinagkakaguluhan ng mga sosyal? Pinakuluang isda? Eh noong bata ako, pag niluluto ito ng nanay ko, lumalabas ako ng bahay kasi ang lansa ng amoy.

May isa pa akong napansin. Sa gitna ng mall, may naka-display na pampasaherong jeep. Medyo mas magarbo sa ordinaryong jeep na pumapasada sa kalsada, nilagyan ng konting banderitas, pero jeep pa rin siya kahit balibaligtarin ang mundo. Guess what? Pinagkakaguluhan din ng mga sosyal, parang ngayon lang nakahawak ng jeep sa tanang buhay nila. May isang magdyowa (cute yung guy), inabot pa sa akin yung dala nilang camera, nagpa-picture.

In fairness sa mga sosyal, mababaw talaga ang kaligayahan nila. Hindi nga. Nung high school ako may classmate akong super yaman. Isang summer niyaya kaming magbakasyon sa Baguio, sagot ng daddy niya lahat ng gastos. First time kong makapunta sa Baguio, tuwang-tuwa ako, talo ko pa ang nanalo sa sweepstakes! Yung bahay nila sa Baguio, mansyon. In fact yung CR nila, mas malaki pa sa sala ng bahay namin noon sa Sta Mesa. 3 pm na yata nung dumating kami sa Baguio. Sinalubong kami nung maid, inihanda niya raw ang paboritong merienda ng friend ko. Siyempre excited ako, ano kayang sosyal na pagkain ang matitikman ko? Dumating yung merienda. Pandesal na may palamang condensed milk. Mainit naman yung pandesal. Saka masarap din naman. Pero pagkain sa patay yun e. Well sa probinsiya namin ha. Nung bata ako, pag may patay sa Bicol, yun ang sini-serve sa mga tao.

Sagutin ko lang ang itong nag-message sa akin:

Hi Sir Jun,

Finally, nag-blog ka rin ulit. Akala ko nakalimutan mo na kaming mga followers mo dito sa blog mo. Sana palagi kang mag-blog kasi nami-miss ko yung mga blog mo na humahagalpak ako sa tawa, 2 yrs ago pa yata yun

Pwedeng share ko rin yung tanong mo na "What makes you happy?"... Yun ay nang makita ko ulit ang HS crush ko sa Facebook acct nya...di ako nagkamali ng pagpili sa crush ko noon kasi lalo akong naglaway sa looks nya ngayon...sir Jun, sa tingin mo okay lang ba na mag-send ako ng message sa Facebook acct nya at mag-confess ako sa kanya na sobrang crush ko sya noon...hindi kami magkakilala pero di ba ako magmumukhang cheap pag ginawa ko yun? ano bang dapat kong gawin, pls help me...

Dear Anonymous,
I guess bading ka. Walang totoong babaeng magsasabing “di ako nagkamali ng pagpili sa crush ko noon kasi lalo akong naglaway sa looks nya ngayon”. Ini-imagine ko tuloy, ano kayang “looks” nitong crush mo at naglaway ka. Naka-brief ba siya nang makita mo sa facebook? Ok lang naman na sabihin mong crush mo siya, lalo na kung kailangan mo talagang ihinga ang feelings mo dahil para kang sasabog pag hindi mo sinabi sa kanya. Parang nagdadalaga lang ang concerns mo diba. Ilang taon ka na ba? 16? Gawin mo ang magpapaligaya sa yo, ate. Pero konting pigil lang, baka magmukha kang stalker at ipapulis ka niya.
Happiness!
Jun

Tuesday, June 29, 2010

hello

Nyek. Ngayon lang uli ako ng nag-blog. Ang dami palang nag-iwan ng messages dito. Kumusta na kayo- kung sino man kayo, at kung may nagbabasa pa ng blog ko. Sana masaya kayo, kung ano man ang nakakapagpaligaya sa inyo, basta hindi ilegal at wala kayong sinasaktang tao. Tanong nga sa Q&A ng isang gay beaucon na napanood ko: What makes you happy? Sa totoo lang para na-shock yung mga bakla sa tanong. Walang nakasagot nang maayos. Palagay ko, maraming tao, kasama na ako dun, hindi talaga alam kung ano ang makakapagpaligaya sa kanila. Nung bata ako, ang pangarap ko lang, magkaroon kami ng ref. Yes, ref. Para makagawa ako ng ice candy. Mahirap lang kami e. Para makainom ng malamig na tubig, bumibili pa kami ng yelo sa kapitbahay namin- si Aling Nora. Sa pagkakaalala ko, tanod din yata sa lugar namin si Aling Nora. May anak siyang nag-madre. Pero lumabas din agad ng kumbento kasi na-in love sa tomboy. Hindi ko alam kung nakilala niya yung tomboy sa loob din ng kumbento. Basta dumating na lang siya sa bahay nila kasama yung tomboy. Siyempre na-iskandalo si Aling Nora. Saka ang buong Salvatierra compound ng Sta Mesa. Araw-araw nagsisigawan sila ng anak niya. Tuwing bumibili na lang ako ng ice candy sa kanila, may pinagtatalunan sila ng anak niya. Minsan hinabol pa niya ng kutsilyo yung tomboy palabas ng bahay. Ako hindi ko maintindihan kung bakit sila nang-aaway, bakit hindi sila masaya, eh may ref sila! Nakakagawa sila ng ice candy! Siyempre bata ako, iniisip ko na basta may ice candy, masaya ang buhay. Ice candy ang rurok ng kaligayahan ko. Kaso Grade 4 na ata ako nung nagka-ref kami. Nung time na yun, iba na ang pangarap ko: game-and-watch. Yun ang PSP ng generation ko. Lahat ata ng kaklase ko, may game-and-watch. Ako, nakikilaro lang. So anong natutunan ko tungkol sa happiness bukod sa pagiging fleeting nito? Hmmm... Wala masyado. Naku wag kayong mag-expect ng life lessons sa blog ko. Trip ko lang mag blog ngayon. Sa dami ng ginagawa ko, naisingit ko pa talaga ang mag-blog di ba? Eh kasi, happiness ko rin ito.

Saturday, March 13, 2010

Sunday, March 07, 2010

italy

Lake Como


Breakfast in Venice with my new friend


Verona, where Romeo and Juliet lived and loved. Entrance to Juliet's house covered with love notes


Statue of Juliet in the courtyard of her home. Legend has it that if you rub Juliet's breast, you will be lucky in love.


Lost in Milan

Thursday, February 25, 2010

lake como

The view from my hotel room in Lake Como, Italy:



Andito ako hanggang March 3. Naghahanap ng kwento para sa isang movie.



May bahay din daw dito si George Clooney. Hahanapin ko rin hehe. Pero sana yung kwento muna!

Sunday, February 14, 2010

wherever you go...


...go with all your heart.