Friday, March 28, 2008

top gun



Gay film ni Tom Cruise. Hehe.

Wednesday, March 26, 2008

TV

Nung bata ako, siguro kinder ako nun, ganito ako magdasal: “In the name of the father, the son and the holy spirit, amen. Jesus, ang idadasal ko po ngayon ay yung dinasal ko kahapon. Thank you po. Amen.” Medyo madugas pero iisa lang naman kasi ang dinadasal ko pag hindi ako inaantok: “Jesus, sana magka-TV na kami. Saka pridyeder (frigidaire, sikat na brand noon ng ref). Saka game-and-watch.” Etong tatlong bagay lang talaga ang pinagdarasal ko dati. Eh mahirap kasi kami, kaya rurok na ito ng kaligayahan para sa akin. Lalo na ang magkaroon ng TV!

Grade 1 na ata ako nung nagka-TV kami. Bago yun, nakikinood lang ako sa kapitbahay namin, si Aling Melba. Lagi ko ring ipinagdarasal noon na sana maganda ang mood ni Aling Melba. Para bukas ang bintana ng bahay niya. Dun ka lang kasi pwedeng manood, makikipagsiksikan ka pa sa ibang bata na sumisilip din sa bintana.

Bata pa ako alam kong bading na ako kasi ang favorite TV shows ko noon “Charlie’s Angels” saka siyempre “Wonder Woman”. Favorite ko rin pala yung “Man from Atlantis” kasi cute yung bida. Lagi kong inaabangan kung kelan siya matitilamsikan ng tubig. Anladi kong bata di ba.

Eto ang totoo: nakapunta na ako sa kung saan-saang bansa, nakakain ng masasarap, nanalo ng kung ano-anong awards, pero wala pa ring papantay sa happiness na naramdaman ko nung araw na i-deliver sa bahay namin ang una naming TV.

Tumagal din siguro yun ng 5 years, tapos isang araw, bigla siyang namatay mag-isa. Nung binubuksan namin, ayaw nang gumana. Hindi pa uso ang El Shaddai noon, ni wala pang mga Born Again, pero may konsepto na ako ng pray-over: Hinawakan ko yung TV at dinasalan ko. As in dasal na mangiyak-ngiyak. Dasal na humihingi ng miracle.In fairness, nung binuksan uli namin, bigla siyang gumana! Pero audio lang.

Dun ata ako unang nadisappoint sa Diyos (turo sa atin wala tayong karapatang madisappoint sa Diyos, pero hello wag na tayong maglokohan, mga tao lang tayo). Hindi ko maintindihan kung bakit ibibigay na lang niya ang hiling ko, hindi pa niya tinodo. Imagine, naririnig ko ang boses ni Wonder Woman pero hindi ko siya nakikita! Ano’ng point di ba?

Maraming beses sa buhay natin, sa pag-ibig, sa career, sa pamilya, o kung bata ka at ang gusto mo lang naman ay mapanood ang favorite TV show mo, may mangyayari at mangyayari na hindi kakayanin ng powers mo, at maitatanong mo na lang: Ano’ng point?

Wednesday, March 19, 2008

gucci gang

Alam n’yo yung feeling ng pagiging makasalanan? Para kang bumili ng chocolate truffles sa Shangri La. Pagkamahal-mahal pero pagkasarap-sarap. Ilalagay mo sa freezer tapos susubukan mong kalimutan kasi nakakasira ng diet. Pero siyempre hindi mo makakalimutan. Kaya titikim ka. Isa lang. Pero sinong niloko mo? Dahil nakatikim ka na, wala ka nang pigil. Kukuha ka ng isa pa. Hanggang mamaya, nilalantakan mo na yung buong kahon ng tsokolate.

Ganyan ang pakiramdam ko pag binibisita ko ang blog ni Brian Gorell.

Sa halip na nagsusulat ako ng script, hala binabasa ko ultimo comments sa blog. Adik di ba. Eh kasi naman, lahat na ata ng bonggang elements na hahanapin mo sa isang soap, andito: may melodrama, suspense, cliffhangers, unlikely coincidences, excessive lifestyle, love triangles, evil characters, deep dark secrets, pati overheard conversations meron! Ang kulang na lang, isang character na magkaka-amnesia.

Pero tayo na pala yun. Kasi tayong mga Pinoy, sa dinami-dami ng expose at scandal na binalandra sa atin mula Edsa Dos hanggang Hello Garci, eh talaga namang talo pa ang bidang character sa soap na laging nakaka-amnesia. Ambilis natin makalimot. Kaya sigurado ako, next month, wala na to. Next month, baka binibili na natin ang relo na ine-endorse ng isa sa Gucci Gang. Next month, baka nililibing na natin si Lozada.

May eksena sa volume 8 ng Ultimate Spiderman na favorite ko. Tinanong ni Peter Parker ang teacher niya sa klase kung bakit hindi pa rin nakukulong si Kingpin kahit may malakas na ebidensiyang pumatay ito. Sagot ng teacher: “I think that our judicial system has its flaws, but it does serve us well, you have to look at the bigger picture… I guess, well, he does a lot of good for the city as well.”

Eto ang pam-Famas na dialogue ni Peter Parker: “When does it happen exactly? During college? After college? When you turn thirty? When do you just give up? To the point where you can actually look me in the eye and say ‘sure he murders, but he’s got good qualities too.”

Sunday, March 16, 2008

Saturday, March 08, 2008

deadma

Sa tinagal-tagal ko sa showbiz, may isang bagay akong natutunan bukod sa pagtataray. Yan ay ang art ng pandedeadma.

Basic ang pagtataray. Lahat tayo pwedeng magtaray.

Pero hindi lahat kayang mandeadma. Kasi marami sa atin mapagpatol.

Eh sa karanasan ko, madalas mas effective ang pandedeadma.

Wag mong pansinin ang tao. Pabayaan mo siyang mamatay sa ngitngit.

Eto ang ilang exercises para ma-perfect n’yo ang art ng pandedeadma:

1) Magpunta sa Amsterdam kung saan may pinakaraming cute guys per square meter. Kung hindi afford ang Amsterdam, pwede na rin ang Boracay kung saan maraming artista at artistahin tuwing Holy Week. Simple lang ang dapat mong gawin. Maglakad-lakad. Siguradong hindi magtatagal, may masasalubong kang cute. Eto ang challenge: Wag mo siyang lilingunin o hahabulin ng tingin! Kahit nginingitian ka na, kahit nakalabas pa ang dila! Para mandeadma ng isang tao, dapat kaya mong i-resist na mag-react sa kahit anong paraan. Kung kaya mong pigilan makipag-eyeball sa isang super cute guy, chances are kaya mo ring mandeadma.

2) Magsimba. Magsimba nang naka-corset at belong pula. Siguradong pagtitinginan ka ng mga tao, pero bakit ba? Basta taimtim ang iyong pagdarasal at wagas ang iyong pananampalataya, sino sila para husgahan ka? Tapusin ang buong misa sa outfit na suot. Pag nagawa ito sa kabila ng bulung-bulungan, panlilibak at tinginan ng mga tao, ateng panalo ka. Narating mo na ang rurok ng pandedeadma!

3) Pag-ipunan at bilhin ang pinakaaasam na Prada leather bag. O Gucci belt. O kahit anong mamahaling branded item. Tapos ipagkalat mong fake siya at binili mo lang sa Greenhills. Ang tawag dito ay self-denial. Pagpipigil kahit gigil na gigil ka nang ipagyabang na na-afford mong bumili ng sosyal na bagay. Pag nalagpasan mo ang desire na magyabang, siguradong kaya mo ring mandeadma. In short, hindi importante sa yo ang makipagpatalbuhan kahit kanino. Sa sarili mo, alam mo, alam mo ate, alam mooo na totoo ang Gucci bag mo. At yun ang importante syet.

At siyempre, ang pinakamahalagang aspeto ng pandedeadma: Be happy. Magtrabaho ka kung kelan mo gusto. Magbakasyon ka kelan mo rin gusto. Be in total, complete control of your life. Tingnan lang natin kung hindi sila lalong mamatay sa inggit.

One word: Belat.

Thursday, March 06, 2008

pagod


Pagod ako. As in. Sa sobrang pagod, hindi ako umaalis ngayon nang walang unan sa sasakyan. Minsan late na ako papuntang set, bumalik pa ako sa condo. Kasi nakalimutan ko ang unan ko. Eto yung pagod na pag naglalakad ka ang iniisip mo: konting hakbang na lang nasa van ka na, pwede ka nang matulog. Sa sobrang pagod eto lang ang kaya kong ipost.