Wednesday, June 11, 2008

the happening


Inabangan ko talaga ang pelikulang ito. Feeling ko dito babawi si Shyamalan pagkatapos siyang laitin ng buong universe sa Lady in the Water. 11 am pa lang nasa Shangri La na ako para manood. Eh 12:45 pa pala ang 1st screening. OA. Huling beses na inabangan kong magbukas ang sinehan, may career pa si Nora Aunor. Nahila ako ng mommy kong manood ng Ang Totoong Buhay ni Pacita M. Siyempre panay Noranians ang kasabay namin. Tuwing may dramatic moment si Ate Guy, nagpapalakpakan ang fans. At may mga taong pumupwesto sa harap ng screen pag may close up si Ate Guy at nagpapapiktyur. How bakya, sabi ko sa sarili ko. Siyempre feeling ko sosyal ako. Naloka ako nung biglang maglabas ng camera ang mommy ko at gustong magpapiktyur din.

Pero aamin ko, pagdating kay Shyamalan, kasing diehard ako ng mga Noranian. Nilagay ko siya sa google alert ko. Kaya linggo-linggo may chika ako tungkol sa kanya. At inorder ko pa sa Amazon yung The Man Who Heard Voices kung saan ikinuwento niya lahat ng kalbaryong pinagdaanan niya para lang maproduce ang Lady in the Water. At dahil dun lalo akong bumilib sa kanya.

Kaya eto depressed ako. Dahil mahirap tanggapin pag pumapalpak ang idol mo. Katulad ito ng depression ng mommy ko nang manood kami ng ’Merika ni Ate Guy. Tatatlo lang kami sa loob ng sinehan. At yung pangatlo eh usher pa. Pero kahit papano may angking ganda naman ang ‘Merika. Eh etong The Happening? Hay. Di ko alam kung saan magsisimula.

Ang unang-unang mapapansin mo eh kung gaano kasama ang acting. Diba na-nominate dati itong si Mark Wahlberg para sa The Departed? Anong nangyari? Aba eh talo pa niya ang nag-workshop sa Batibot kasabay nina Pong Pagong at Kiko Matsing. Panay boses, yung mukha hindi nagbabago. Buti sana kung puppet siya. Sana nagbuhad na lang siya. Baka mas naging effective ang portrayal niya.

Ilang beses daw ni-rewrite ni Shyamalan ang script nito. Suspetsa ko, nung mga panahong yun, tumigil din siya sa panonood ng pelikula. Kaya hindi niya siguro napanood ang Right at Your Door na naka-sentro din sa isang lalaki, at yung paranoia niya tungkol sa mga nangyayari sa paligid niya. Kasi kung nasilip man lang niya ito, baka hindi na niya itinuloy ang The Happening. Although tungkol sa terorrism ang Right At Your Door pareho sila ng tone at motiff. Parehong tumatalakay sa ecological disaster at paranoia. Yun nga lang, di hamak na mas pulido at entertaining ang Right At Your Door. At gaya ng mga pelikula ni Shyamalan, meron din siyang twist sa dulo. Yun ang wala sa The Happening. Siguro nagsawa na si Shyamalan. Pero sana nag-isip siya ng matinong ending. Kasi wala ring ending ang pelikula. Kung saan-saan ka dinala, tapos parang naisip na lang niya, hmmm 1 hour and 20 minutes na, kailangang tapusin ko na ‘to.


Sobra akong disappointed kay Shyamalan gusto kong i-quote si Melanie Marquez nung interbyuhin siya ni Inday Badiday at tanungin kung ano ang message niya sa kaaway niyang mother-in-law: "Ate Luds, I have to say this in English because I want her to understand what I'm saying. This is what I want to say... Mommy- (breathes deeply) Ang labo mo!"

Mr. Shyamalan, labo mo.

18 comments:

Anonymous said...

After "The Sixth Sense" may career pa ba ang Kuya mo? I should be proud of him being an Asian-American just like me, but it all seemed to have been a fluke. I was snoring half-way through "Lady in the..." When a movie doesn't give me the zzzzzz, you can bet your bottom $ that it's that good - I make sure I keep my gaze on the screen. I wouldn't want to miss a shot, a transition, a flash back or flash forward. But Mr. MNS seems to need to find a new muse to get his testosterone going again. He should ask Ridley Scott or Francois Ozon or Kieslowski (if he were alive) for advice.

kengkeng said...

sana ganito kasaya magreview si nestor torre! wala ka bang column?

superpaurong said...

sayang. inaabangan ko pa man din itong pelikulang ito. last month pa. hay. nakaka-disappoint.

mink said...

napahagalpak ako sa dahil kay melanie marquez... hehe

peace

aimiff said...

alam mo direk, super favorite kita. basta natutuwa ako sa mga posts mo, mapa-personal, review sa movie o mga kathang-isip na kabaklaan at nakatatawang pangyayari.

nakakatawang may sense. after mong tumawa, mapapaisip ka. =)

Anonymous said...

kakainis.. now I have to watch this movie and see if I will agree with you or not...la lang galing kasi ng mga ng pag kaka analyze mo sa movie, by the way hi-way, any news regarding roxxxane? is it available already sa mga videos stores? update naman po please... thanks and more power to you...

JUN LANA said...

hello sa inyo. 1) kengkeng> ok na ako sa blog. baka ma-censor lang ako lagi pag nagka column ako. 2) superpaurong, panoorin mo pa rin. opinyon ko lang naman 'to. 3) anonymous, matatagalan pa siguro ang video ng roxxxanne. ilalako ko muna sa festivals simula ngayong agosto. siyempre magpopost ako dito.4) aimiff salamat!

hastydevil said...

haay, dissapointing naman itong produkto ng lolo mo.

Ate Sienna said...

naku, lola, alam mo ang analysis ko kay M. Night? hindi kaya he got too full of himself too fast?

actually ang "unbreakable" atsaka ang "the sign", mga type ko pa rin yun. pero pagdating ng "the village", parang tinamad na ako sa kanya. ewan ko, nawala ang magic nya. sayans, diba? labs na labs ko pa naman ang sixth sense kasi yun ang una kong "horror" film na pinanood ko ng hindi ako natakot even after watching it.

hopefully, maka-ahon pa sya.

Anonymous said...

dun pa lang sa The Village, katakut-takot na panlalait na tinanggap ni Night, ito din ang last movie nya na pinanood ko. pero bilib ako kay Night, kahit sunod sunod na flop ang movies nya, nakakabola pa rin siya ng studios para i-finance ang movies nya.

kalansay said...

sixth sense lang talaga ang pinakapanalo niyang pelikula.

f i l l i b u s t e r o said...

ay ganun, imbey naman.
manonood pa rin ako.
pero haaaayyyy. naiiinis na ko kay shyamalan ha.

Anonymous said...

sir jun, sana po palagi kayong magsulat ng movie review dito sa blog nyo, local and foreign movies. kasi nakakatuwang basahin ang review mo, napaka-down-to-earth at straightforward, walang kaek-ekan at higit sa lahat punong-puno ng humor.

houseonthebeach said...

jun! favorite movie ko of all time ay Unbreakable, sobra syang winner in my eyes! pero di na ako manonood ng the happening dahil mahal ko si mark wahlberg at di ko kakayanin ang seemingly botoxed acting :(

MANDAYA MOORE: Ang bayot sa bukid said...

sir jun,

re melanie marquez: di po si inday badiday ang naginterview sa kanya non, si butch francisco po. napanood ko po yon.

hehehe

nawawala said...

ang galing ng review mo! lalo na yung mga huling sentences!!! solb! =)

The Zen Bitch said...

hay, luv ko rin yan si m. night shyamalan. pero true ka, kaka-disappoint nga itong bago nyang pelikula. parang after ng 'signs' ay downhill na ang kalidad ng kanyang mga pelikula.

wish ko lang, makabawi sya...

Toto said...

I had the same experience with The Happening. Just like Lady in the Water, I watched it during its first weekend (which I never usually do. ) And for the first time, the theater was full (which is rare here. Sometimes, there would only be about 15-20 viewers even for a blockbuster film.When I watched Eternal Sunshine of the Spotless Mind, there were even fewer people. The middle-aged Pinoy couple at the back even walked out after about 20 minutes. Poor guys. They were probably expecting a slapstick comedy.) I almost had to sit on the aisle. For the first time, I was disappointed with a Shyamalan film. I wonder how he is going to recover from this. There were already big cracks in his film career as could be gleaned from the book, The Man Who Heard Voices (Yes, I also have his book). But I still remain a big Shyamalan fan. I thoroughly enjoyed this post. Truly funny!