Wednesday, March 26, 2008

TV

Nung bata ako, siguro kinder ako nun, ganito ako magdasal: “In the name of the father, the son and the holy spirit, amen. Jesus, ang idadasal ko po ngayon ay yung dinasal ko kahapon. Thank you po. Amen.” Medyo madugas pero iisa lang naman kasi ang dinadasal ko pag hindi ako inaantok: “Jesus, sana magka-TV na kami. Saka pridyeder (frigidaire, sikat na brand noon ng ref). Saka game-and-watch.” Etong tatlong bagay lang talaga ang pinagdarasal ko dati. Eh mahirap kasi kami, kaya rurok na ito ng kaligayahan para sa akin. Lalo na ang magkaroon ng TV!

Grade 1 na ata ako nung nagka-TV kami. Bago yun, nakikinood lang ako sa kapitbahay namin, si Aling Melba. Lagi ko ring ipinagdarasal noon na sana maganda ang mood ni Aling Melba. Para bukas ang bintana ng bahay niya. Dun ka lang kasi pwedeng manood, makikipagsiksikan ka pa sa ibang bata na sumisilip din sa bintana.

Bata pa ako alam kong bading na ako kasi ang favorite TV shows ko noon “Charlie’s Angels” saka siyempre “Wonder Woman”. Favorite ko rin pala yung “Man from Atlantis” kasi cute yung bida. Lagi kong inaabangan kung kelan siya matitilamsikan ng tubig. Anladi kong bata di ba.

Eto ang totoo: nakapunta na ako sa kung saan-saang bansa, nakakain ng masasarap, nanalo ng kung ano-anong awards, pero wala pa ring papantay sa happiness na naramdaman ko nung araw na i-deliver sa bahay namin ang una naming TV.

Tumagal din siguro yun ng 5 years, tapos isang araw, bigla siyang namatay mag-isa. Nung binubuksan namin, ayaw nang gumana. Hindi pa uso ang El Shaddai noon, ni wala pang mga Born Again, pero may konsepto na ako ng pray-over: Hinawakan ko yung TV at dinasalan ko. As in dasal na mangiyak-ngiyak. Dasal na humihingi ng miracle.In fairness, nung binuksan uli namin, bigla siyang gumana! Pero audio lang.

Dun ata ako unang nadisappoint sa Diyos (turo sa atin wala tayong karapatang madisappoint sa Diyos, pero hello wag na tayong maglokohan, mga tao lang tayo). Hindi ko maintindihan kung bakit ibibigay na lang niya ang hiling ko, hindi pa niya tinodo. Imagine, naririnig ko ang boses ni Wonder Woman pero hindi ko siya nakikita! Ano’ng point di ba?

Maraming beses sa buhay natin, sa pag-ibig, sa career, sa pamilya, o kung bata ka at ang gusto mo lang naman ay mapanood ang favorite TV show mo, may mangyayari at mangyayari na hindi kakayanin ng powers mo, at maitatanong mo na lang: Ano’ng point?

11 comments:

Anonymous said...

sobrang nakaka relate ako. Napaka 70's - idagdag pa ang Bionic Woman, Hardy Boys/Nancy Drew Mysteries at The Six Million Dollar Man. Pero teka, ano kasalanan ng Diyos nung masira ang TV set?

Ate Sienna said...

anovah! tinapos kong basahin lahat ng entries ng blog mo, lukring ako! nandito pa ako sa office nyan ha... in-between pagra-run ng mga programs ko at pagtingin ng mga results at kung anik-anik pa.

sana mapanood ko ang mga pelikula mong nagawa. sana nga madistribute sya dito sa US. di pa ako nakakapanood ng indie film na gawa ng pinoy and i'm sure magugustuhan ko ang mga gawa mo. (ay, may napanood na pala akong indi-indie-han, pero di ko tipis, yung The Debut, sa tutuo lang, okray!)

link kita sa blog ko ha... (atesienna.pansitan.net) babalik-balikan kita :)

Clark Can't said...

Haha! Sobrang nakaka-relate ako sa kwentong eto. God knows how much sweat and tears I shed for our 14" Toshiba TV circa 1990. We still kept the boobtube kahit di na gumagana. Sa tabi ng maliit naming HITACHI sa living room! Hehe.

Anonymous said...

nakakarelate ako.
but not my favorite post.
love pa rin kita syempre.

burrito said...

madalas naman walang point talaga. katulad ng comment ko ngayon. chos!

Anonymous said...

Mahirap din kami, at para gumana ang lumang tv, kailangan ng patpat na nakusuksok sa isang knob para gumana at makapanood. Palitan kami ng ate ko sa paghawak ng patpat habang nanonood ng mga tagalog movies kapag hapon.

At nang magka-betamax ang mga pinsan ko, sa kanila kami nakikinood kahit na super sungit na sila sa amin.

Ang buhay nga naman!

Anonymous said...

idagdag nyo pa yung de-pukpok (sabi nga ni Big Brother)... pero sa TV yung kelangan mung pukpukin sa ibabaw, sa magkabilang gild... para magkarun ng taong mapapanuod hehehehe....

hayy... relate na relate!

pat said...

bata pa lang ako, straight-straightan na. dragon ball z, wwf at nba ang tv shows na like ko.

i bet marame ka ng tv ngayon.

Cebu Homes Marketing said...

Hehehe....

Kakatawa naman... Galing!

You're the best!

First Comment ko to. :-)

More Power!

Shalaidah said...

Good words.

victormanalo said...

naranasan ko ring ma disaapoint sa prayers ko sa Diyos...hu hu hu...