Sunday, February 18, 2007

suicide

Two months ago habang nakikipag-meeting ako kay Mother Lily, may natanggap akong text. Sabi ng nagtext, magpapakamatay na raw siya. Ganun lang. Siyempre nawindang ako. Lalo na dahil hindi ko talaga kakilala yung nagpadala ng text. Kaibigan siya ng isang nakasama ko sa isang workshop almost 10 years ago. Last December nagkita kami sa isang concert, nag-hi-hello (halos hindi ko nga siya nakilala), medyo na-awkward nung hiningi niya ang number ko, pero binigay ko na rin dahil ayoko namang mapahiya siya. Well eto ngayon, nagti-text siya, at magpapakamatay daw. Ano’ng gagawin ko?


Nung una ayokong pansinin. Kasi nga, hindi naman kami close. Saka baka na-wrong send lang. Pero siyempre kahit anong rason ang gawin ko, hindi ako matahimik. Inisip ko: Anong pinagkaiba nito kung sakaling tumatawid ako sa kalsada at may nakita akong biktima ng hit-and-run? Siguro naman tutulong ako di ba? Pero hindi naman ito aksidente. Saka kung magpapakamatay talaga siya, ba’t pa niya kailangang i-announce sa mundo? Hello, gawin talagang event? Pero ang totoong dahilan kaya hindi ko siya matawagan, kakahiyang aminin, eh kasi konti na lang ang load ko (yes, hindi pa rin ako nagpapalinya hanggang ngayon.)


After 10 minutes, nag-decide akong itext na lang siya. Usual: Whatever it is you’re going through chuva, I’m praying for you tienes, the works! Walang sagot. After 5 minutes, na-guilty ako bigla. Tutulong ka na lang, hindi mo pa itodo. Ano ba naman yung tawagan mo siya Jun, sabi ng konsensiya ko. OK fine. Pero wala na akong load. Alangan namang hiramin ko yung cell ni Mother? Di ba ang awkward? Eh paano kung si Mother naman ang bigla niyang i-text ng suicide messages? Baka ma-haggard lang ang lola, kawawa naman. So nag-excuse muna ako sa meeting, lumabas ng building, at naghanap ng 7-11 o kaya mini-stop o ATM para bumili ng load. Ang toxic di ba? At that point galit na ako sa sarili ko. Ba’t kasi hindi pa ako magpalagay ng linya!


Nung finally may load na ako at tinatawagan ko siya, walang sumasagot. Siyempre lalo akong na-praning. Kung anu-anong pumasok sa isip ko. Paano kung nagpakamatay nga siya? Syet, di ko mapapatawad ang sarili ko. Buong buhay kong dadalhin yun. At pag dumating ang oras ko, at tinanong ako ng Diyos, ba’t naman hindi mo siya tinawagan Jun, di sana nailigtas mo pa ang buhay niya, ano’ng isasagot ko? Kasi wala na po akong load? Letse, magpapalinya na talaga ako!


Mayamaya si Mother na ang tumatawag, nasaan na daw ako. Bumalik ako sa meeting pero di ako makapag-focus. Tinext ko uli siya: Are you alright? Please answer your phone. Walang reply. Nyeta. Tigok na nga ata. Then, finally after 2 hours, nag-text back siya: OK na. Tnx.


Ok na tnx? Siguro kung constipated ang isang tao at inoffer ko ng gamot na pampapurga kung kelan nakaraos na siya, pwede niyang isagot ang ok-na-tnx. OK-na-tnx kung busog ka na pero may nag-aalok pa rin ng rice. OK-na-tnx kung nagpapamasahe ka at hindi kagalingan ang masahista kaya gusto mo na lang umuwi. Pero dito sa senaryong ito, hindi sapat ang ok-na-tnx. Lalo na kung inabala ka at talo mo pa ang nagrollercoaster sa sobrang pag-aalala. Ano ba naman yung tumawag siya at magpasalamat ng maayos di ba?


Kinukwento ko ito kasi kanina nakita ko siya mall, pababa ng escalator. Kung nagkataong nasa likod niya lang ako, pramis, itutulak ko siya. Itutulak ko siya, dahil di ba gusto naman niyang magpakamatay? At pag naitulak ko na siya, pag nakita ko na siyang gumugulong pababa ng escalator, dun ko lang ding masasabing ok na. Tnx. Gawin pa nating tnx tnx. Super tnx. Tnx to the max.

deadlines

Wish ko lang walang nagbabasa ng blogspot ko, mawiwindang sila. Kahapon ata nakalimang palit ako ng templates haha. And to think lumang blogger pa gamit ko.

Pero siyempre sa halip na mangarag sa deadlines, eto'ng pinaggagawa ko:



Tapos pinag-aksayahan ko pang manggaya ng banner. Na di ko naman ginamit kasi ampanget.



Pero in fairness, enjoy. Sabi nga ng screensaver ko: Deadma sa Deadline!

Saturday, February 17, 2007

Saturday, February 10, 2007

proposition 3

Choose 1: A) Someone who adores you, or B) Someone who gets you.

Siyempre karamihan sa atin, ang gusto A. Lahat, gusto maging diyosa. Tinatangi. Sinasamba.

In short, ang hanap talaga natin ay hindi isang partner, kundi fan.

Kung hindi naman fan, yaya. Kasi gusto natin, isang taong mag-aalaga sa atin.

Meron namang iba, sa halip na sila ang inilalagay sa pedestal, mas gustong sila ang nasa role ng fan. Nothing wrong with that. Maliban sa isang problema: Ang mga taong may ganitong complex, usually insecure. Dahil mas maganda, o mas successful ang jowa nila. O pareho.

Mahirap maging insecure sa looks ng sariling jowa. Kasi kahit pa mag-M-W-F ka sa kagi-gym, mag-T-Th-S sa pada-diet, at every other month magpa-highlight ng buhok, lalo ka lang magiging desperada. Before you know it, kino-contemplate mo na rin kung ano ang uunahin: lipo, nose job o nakagat-ba-yan-ng-bubuyog lips a la Pie Calayan.

Isa pang problema: Ang insecurity, laging may kakambal na selos. At ang selos kapag hindi na-control, nagiging obsession.

Example: kung pati sa work insecure ka, kakaririn mo ring maging ka-level ang jowa mo. Kaya kahit hindi ka busy, kunwari aligaga ka rin. Text ka na text pag andiyan siya. At konti na lang malapit ka nang magpanggap na may kausap sa cell at may pinapagalitan sa trabaho para lang lalo siyang ma-impress. (Warning! I-silent ang phone kung gagawin nyo to. Wag tumulad sa isang kakilala, nagpasikat sa harap ng barkada ng jowa. Anong nangyari? Eto: “Hello Aleli! What happened na to the documents I told you to photocopy ASAP? You are so kupad! I needed them kahapon pa! You know naman I have a super important meeting with—RIIIIIINGGGGGG!—)

May ilan naman, mas trip ang maging yaya ng jowa nila. Loyal, talo pa ang aso. Handang magsilbi 24/7. At gabi-gabi, bago matulog, kasama sa prayers nila na sana laging gusot ang damit ng jowa nila. Para maipagplantsa nila. Ganun sila ka-devoted magmahal.

Kung isa kang yaya, siguradong matalas din amg mga mata mo, madalas ikaw ang unang nakakapansin pag low batt na ang cell niya, dahil happiness mo rin ang maipag-charge siya.

At tuwing lalabas kayo, secretly lagi kang may dalang ekstrang panyo para sa kanya. Wala lang.

In short, masaya ka pag dependent siya sa yo. Dahil gusto mong isiping helpless siya pag wala ka. Kaso praning ka ring darating ang araw na hindi ka na niya kailangan.

Hindi biro maging isang yaya o fan. Kailangan mo ang walang katulad at pambihirang stamina para magmahal at maging lukaluka at the same time. Para kang pinaghalong Mother Lily (see my other blogs) at Mother Ricky Reyes (stamina ba kamo? pwes walang tatalo sa lola nyong makeover guru, businesswoman, philanthropist, commercial model, tv host, beautician with a cause etc etc)

Kaya sa totoo lang, hindi ako kinikilig sa mga sine—o episodes ng Oprah—kung saan may lalaking biglang mapo-propose sa girlfriend niya, at bukod sa I love you, da-dialogue pa ng I adore you. Ulul. Kung bibitawan nyo ang mga salitang ito, siguraduhin nyo lang na handa kayong maging yaya o fan for life.

Eh idagdag pa natin sa proposition ang C) Someone who completes you. Kasi feeling mo jigsaw puzzle kang naghahanap ng missing piece. Parang Yin, Yang. Pido, Dida. Piolo, Sam. Happy lang kung together.

Nung Grade 1 pa lang ako sa pakikipag-relasyon (ngayon siguro pa-graduate na ako ng High School), nagkaroon ako ng boyfriend na walang pamilya dahil ulila, walang kaibigan dahil bagong salta sa Manila, at may kotse. Kaya nung binitawan niya ang mga salitang You complete me, without bashing an eyelash (sabi nga ni Melanie Marquez) I seconded the motion. I thought, how perfect: Ako ang buhay niya. Siya ang transpo ko. We complete each other. (Sabi ko nga, ang maturity ko nun, pang-Grade 1 talaga).

Pero hindi lang talaga transpo ang habol ko sa guy (hello di naman ako ganun kababaw, saka ako ang nagbabayad ng gasolina no!) I guess ang hanap ko talaga noon, someone to help me heal. Nakikipagrelasyon ako dahil malungkot ako. Dahil marami akong dalang bagahe, mga alaala ng mga taong iniwan ako mula nung bata ako, at lahat ng nawala sa akin, gusto ko ngayong matagpuan sa isang taong ito na nagsabi sa akin at sinabihan ko rin ng You complete me. OA di ba? Ayun, after one month, naghiwalay kami. At masaklap, balik ako sa pagsakay ng jeep at taxi.

Sabi ng isang commercial, kung gusto mong maging complete, uminom ka na lang ng vitamins. Kung ganun nga lang kadali ang sagot, why not? Pero totoo, minsan sobra tayong nadadala sa moment, sa pagiging romantic, sa kilig at HHWWPSSPAMPI (holding hands while walking pa-smile smile pa ang mga putang ina), minsan nakakalimutan nating tingnang mabuti ang relasyong pinapasok natin.

Obviously, biased ako sa proposition B. Romantic pero grounded. Isang relasyong sapat na kung sino ka. Hindi fan, hindi yaya, hindi other half. Pero pinagdaanan ko rin ang lahat ng yan. At ngayon natutunan ko na, mas masarap pala talaga ang may sariling transpo.

straightacting


ELEMENTS OF A (STRAIGHT-ACTING) GAY RELATIONSHIP

1. EFFORT

Single ka, lungkut-lungkutan, naghahanap ng jowa, kaya yayayain ka ng friends mong mag-Government o Bed, ang ultimate singles bar ng mga bading kung saan mas marami ang straight-looking kesa straight-acting. Mag-u-umeffort ka, gusto mong fabulous ang outfit but not too gay, pero di mo pa rin maiwasang i-match ang belt sa kulay ng sintas ng sapatos mo.

Kung desperate kang magka-jowa, probably the night before dadagdagan mo ang oil of olay na ipinapapahid mo sa mukha. Kung talagang tigang ka, a week before magka-Calayan ka o Belo o Ellen’s. O kung tight ang budget, Forever Flawless. Facial with diamond peel. Plus vitamin c for that extra glow.

Sa gabi ng gimik, kahit gising na gising ka pipilitin mo ang sarili mong mag-power nap bago umalis ng bahay, para mukha kang fresh, at siyempre pag may pumuna at sinabing “mukha kang fresh, in fairness” ang isasagot mo, “wala pa nga akong tulog eh”.

Pagdating sa bar, pa-grand entrance ka with perfect posture, you are sweetness and regalness combined, talo mo pa si Audrey Hepburn, pero actually wala namang pumapansin sa yo dahil tumutugtog ang “It’s Raining Men" at parang inaatake ng epilepsy sa pagsos-showdown ang mga bakla sa dance floor. So go ka lang sa isang tabi, pa-sway-sway habang pa-sip-sip sa hawak na bote ng san mig light. At ang beauty secret mo: pag walang nakatingin, pasimple mong idadampi ang ice-cold beer sa pisngi para mag-close ang pores.

Walang nakakaalam kung gaano mo pinaghandaan ang gimik na ito. Dahil in truth, hindi ka lang naghahanap ng jowa. Gusto mo ring makita ka ng ex mo, gusto mong ma-mesmerize uli siya sa yo at sabihing, “you look good ha?” At siyempre hindi mo ibabalik ang compliment, dahil asshole siya, asshole na bottom pa.

Weno naman kung bottom? Basahin ang susunod.

2. ROLE-PLAYING

Single ka, lungkut-lungkutan, naghahanap ng jowa, kaya kahit bottom ka, sasabihin mo top ka. Dahil for some reason, sa mundo ng mga straightacting, pag sinabing bottom, pag sinabing ikaw ang nasa receiving end ng pakikipagtalik, ikaw ang effeminate. At sa singles market, minus points ang pagiging effeminate. Para mo na ring inaming mahilig kang manood ng beauty contest at memoryado mo ang abc ng Ms Universe title holders. A- Margareta Arvidsson, 1966 Miss Sweden, na nanalo rin bilang Ms Photogenic that year. B- Karen Dianne Baldwin, 1982 Miss Canada etc etc.

At para ka ring sinasapian pag nakikipag-date ka. Suddenly, nagiging inglesero ka. Talo mo pa si Kris Aquino, lahat ng sentences mo punctuated ng “really?” o para may variation “oh really?”, o kung nauubusan ka na ng sasabihin eh di “oh” na lang. At one-octave lower ang boses mo, kaya pati yung tawa mong hihihi naging hahaha. At kung may dimple ka, kahit iisa, lagi kang nakangiti. In fact, bago ka makipag-date tinusok-tusok mo pa siya ng lapis sa bahay para maging mas prominent. At nagpractice ka ng ngiti sa harap ng salamin, yung ngiting pa-straight pare-dude, hindi ngiting para kang dalaginding na naglalaba sa batis.

3. IMAGE

Single ka, lungkut-lungkutan, naghahanap ng jowa, finally may na-meet ka sa isang bathhouse. Nagsex kayo, at pagkatapos magsex nag-Chowking, at habang kumakain ng beef noodles at special halo-halo nadiscover nyong pareho kayong hindi mahilig sa nata de coco, pareho kayong middle child, parehong kaliwete, at hindi nyo namalayan sumisikat na ang araw, the next day magkasama uli kayo, and the next, hanggang isang araw nag-iwan na siya ng toothbrush sa place mo.

Pero pag tinatanong kayo kung pano kayo nagkakilala, sasabihin nyo, through friends. Kasi ano na lang ang sasabihin nila pag inamin mong sa steam room kayo unang nag-holding hands habang kinakapa nyo ang isa’t isa?

Eh hindi pala siya out sa pamilya. Kaya sa tinagal-tagal ng pagsasama nyo, isang beses ka lang niyang naisama sa bahay niya, at hindi ka pa ipinakilala sa magulang dahil nasa kotse ka lang, naghihintay. At me usapan kayo, pag me lumabas ng bahay at nagtanong kung sino ka, simple lang ang sagot, “friend po hihi”. Pero sana walang hihi.

4. SPACE

Single ka, lungkut-lungkutan, naghahanap ng jowa, finally may mamimeet ka, magdi-date kayo, o sex depende sa morality/prinsipyo/new year’s resolution mo, tapos date uli (o sex), and before you know it araw-araw na kayong nagkikita, oras-oras na nagti-text, labyu, misyu, tinkin f u, at siyempre may smiley, hindi pwedeng walang smiley, kulang na lang i-stapler nyo ang sarili sa isa’t isa,

tapos isang araw, pag nakasanayan mo na ang mga tigyawat niya sa likod, o pangungulangot pag nanonood kayo ng tv, pagkatapos mong magpanggap na interesado ka rin sa mga collection niya ng comics o toy figures o patawarin cds ni regine, pagkatapos mong makipag-chummy-chummy sa mga kaibigan niya na hindi mo naman talaga feel, isang araw mararamdaman mo na lang sumisikip na ang mundo mo, at magagalit ka sa jowa mo, o sa sarili mo, o sa gobyerno, dahil paksyet wala ka nang space!

Kung di ka ba naman gaga.

5. SAFE SEX

Finally, single ka, lungkut-lungkutan, naghahanap ng jowa, kaya siyempre, lagi kang me dalang condom sa wallet. Kasi responsible ka. At oras na magka jowa ka, kayong dalawa, ke out man kayo o hindi, sino man ang bottom o top, , magpapa test kayo. Actually, ke single o commited, ke curious, bi, bi-curious, effem, barako, tripper, confused, married, just looking for adventure, tol, tsong, dude, pare, bro, kung mahal nyo ang sarili nyo, at kung mahal nyo ang isa’t isa, magpapatest kayo.

Hihi.