Monday, November 12, 2007

neozep

Dahil hirap sa buhay ang jowang si Arthur, laging si Joey ang gumagastos tuwing lumalabas sila. Kahit kelan hindi ito naging issue kay Joey pero minsan, nung isang beses na magkikita sila ni Arthur sa Makati para gumimik, sinisipon si Joey. Nagtext siya kay Arthur na dalhan siya ng neozep, kahit isang tablet lang. Nagreply si Arthur: sorry bebe, sakto lang sa pamasahe ang pera ko. Nagtext back si Joey: sige ok lang. Pero ang totoo, hindi ok. Dala siguro ng sipon at sakit ng ulo, nagsimulang maghimutok si Joey: magkano ba naman ang isang neozep? Tatlong piso? Limang piso? Kung me malasakit siya, kung mahal niya talaga ako, siguro naman makakagawa siya ng paraan para ibili ako? Habang hinihintay dumating ang jowa, nagdasal si Joey na sana lord, please naman lord, please please please, sana me dalang neozep ang bebe ko. Kahit half tablet na neozep, hindi lang para sa sakit ng ulo niya, kundi para na rin sa ikatatahimik ng relasyon nila. Pero nung dumating si Arthur, wala itong dala. Sorry nang sorry si Arthur, ngumiti lang si Joey: ano ka ba, ok lang sabi.

Pagkalipas ng maraming buwan, nagkaroon ng LQ sina Joey at Arthur. Nagkukuwentuhan sa phone ang mag-jowa nang mapansin ni Joey na parang wala na siyang kausap. Mayamaya me narinig na lang siyang humihilik. Yun pala nakaidlip si Arthur, pagod kasi sa trabaho. Siyempre nagtampo agad si Joey. Nagsorry si Arthur. Pero si Joey, hindi napigilang mag-moment ng bakla. Nag-speech: Bakit ganun, laging ako na lang ang nagbibigay. Laging ako na lang ang umuunawa. Ako, ako, ako. At bigla, naungkat ni Joey ang tungkol sa neozep.

Neozep? Anong neozep, tanong ni Arthur. Paano nga naman niya maaalala, ang tagal na nun. Eh di ipinaalala ni Joey. Sa halip na maunawaan ang side ni Joey, nagalit si Arthur. Siya naman ang nag-moment. (Ganun talaga pag dalawang bakla ang nag-away, talo mo pa nanonood ng showdown nina Jean Garcia at Eula Valdez sa soap, umaatikabong aktingan.) Pakiramdam daw ni Arthur, nasampal ang buong pagkatao niya. Issue pala kay Joey na siya ang gumagastos tuwing lumalabas sila, ba’t hindi siya agad nagsalita? Hindi yun ang point, sabi ni Joey, hindi ito tungkol sa pera. Ang hinihingi ko lang sa yo, magpakita ng konting effort.

Eto naman ang speech ni Arthur: Anong effort? Tuwing pinipilit mo akong gumimik kasama ang friends mo, tapos ikaw ang nagbabayad para sa akin, palagay mo ba hindi ako nahihiya? Palagay mo ba hindi ako nanliliit? Pero kinakapalan ko na lang ang mukha ko kasi yun ang gusto mo. Hindi pa ba effort sa yo yun? (O diba, ang sarap palakpakan ng mga bakla!)

Nauwi sa matinding sumbatan ang away, nagsigawan, nagtapunan ng gamit, at meron pang eksenang habulan sa gitna ng mall, the works! Ilang araw silang hindi nag-usap. Nagkabati rin naman, pero dahil me bitbit pa rin silang himutok, dumalas ang LQ ng dalawa, at may ilang beses, naungkat uli ang tungkol sa neozep.

Marami sa atin, bakla man o hindi, kinakarir maging magsasaka. Kasi ang hilig-hilig magtanim ng sama ng loob. Eh eto ang problema diyan: siyempre, ang itinanim mo, aanihin mo rin. Buti sana kung maganda ang ibubunga. Kaso madalas, yung napakaliit na bagay, nagiging dahilan lang para magkalamat ang relasyon. At yun nga ang nangyari kina Joey at Arthur. Dahil sa neozep, di nagtagal, naghiwalay sila.

11 comments:

charmed one said...

hi jun, super nakaka relate ako sa post mo. mahilig tayong magdrama, actually kasalanan ng mga teleserye yan eh. ano ba talaga? art imitates life? or life imitates art?

aimiff said...

this is so true. lahat na lang pinalalaki. mga bakla talaga, ayaw sa maliliit.

rex said...

hi jun, 4th visit ko to sa blog mo today.... tinatapos kong basahin ang ibang post mo... nakakaaliw... super relate din ako dito... ang galing!

Anonymous said...

Haaaaaay this brings back a lot of memories. Dati may ex ako nag-threaten mag-suicide sa harap ko, uminom ng isang banig ng biogesic! Nakakatawa pag naaalala ko pero that time pakiramdam ko ang bigat-bigat ng problema ko. Mabuti na lang hindi na ako luka-luka sa pag-ibig. Thanks for a great post! Keep em coming!

David said...

parang kuwento namin 'to ng ex ko ah.. have you been spying on us?? hehe..

pero hindi naman neozep.. hehe..

The Zen Bitch said...

hi jun,

it's my first time here in your blog. i like this story because it is so true. hindi lang sa mag-jowa; kahit friendships ng bading ay subject sa ganitong emote, i think. kaloka! it's a pleasure reading your blog. galing!

rAzAzO'o said...

nakakaaliw. itinatanim pa pala ang galit up to this hightechy times? dafat tayong mga bakla wa na ganung chienes. tayo dafat ang manguna para sa world peace. ang galit IDINIDIKIT NA SA PADER, nuncang itinatanim! chaka yong mga sumbatan moments, sobrang uber baduy! lol.

neil said...

luuuuve this post! you are like the margie holmes of pinoy gay men! you should hold a clinic. can i be your 1st patient? hahaha

Richard the Adventurer said...

Kakatuwa naman ang story....

Sobrang naka relate ako! Hehe :)

Goodluck sa Career! Hehe :)

JUN LANA said...

margie holmes ng mga bading? ang pangarap ko talaga nung bata pa ako maging henrik ibsen o tennessee williams ng pilipinas... pero sige, ok na rin ang maging margine holmes ng mga bading. lol. =D

Pinoy Gay Guy said...

Bravo! True na true ito! Halos lahat ng bayot nakaranas na siguro nito at isa na ako dyan. Isa yan sa mga 'spices' na tinatawag sa isang relasyon. Kalimitan nga lang ay nakakasira ito. Hay, sarap talaga maging bakla!!! Bravo!