Thursday, November 01, 2007

for now

Marami kaming patay pero wala kaming binibisita pag Nov 1. Eh mabuti na rin siguro. Kasi ako ang taong hindi mahilig sa pamamaalam. Eto na lang ang lagi kong iniisip: Tao lang naman ang gumawa ng concept ng time. Tayo lang naman ang nag-imbento ng kalendaryo, ng orasan para bilangin ang paglipas ng mga araw. Kaya kahit maraming beses na akong pumunta sa lamay, naghatid sa libing ng mga kakilala, kaibigan, at kamag-anak, marami sa kanila, buhay na buhay pa rin sa isip ko.

Nakikita ko pa rin ang usok na galing sa kusina ng lola ko, nagluluto ng laing para sa pagbisita namin. O ang mga bulaklak sa buhok ng Tita Ason, habang inaayusan siya ng mommy ko at iba pang kapatid niya nung araw ng kasal niya. O ang tawa ng kaibigan kong si Charley habang binabasa niya ang unang play ko nung high school ako. Iba’t ibang piraso mula sa iba’t ibang panahon. Iba’t ibang kulay. Iba’t ibang mukha. Hanggang ngayon daladala ko silang lahat. At walang kalendaryong pwedeng magsabi sa aking wala na sila, dahil sa isipan ko, buong buo pa rin sila. At palagay ko lahat tayo, ganito lang kasimple ang gusto: Na balang araw may aalala din sa atin.

Pero sa ngayon, tayo muna ang aalala sa kanila.


1 comment:

Pinoy Gay Guy said...

Wala lang, nagustuhan ko lang yung sinulat mo! hehehe. Agree kasi ako dun sa mga sinabi mo. At dahil gusto ko rin yung soundtrack ng Avenue Q nyahahahahaha!