Sunday, April 01, 2007

baon

Marami na akong life lessons na nakolekta sa buhay ko. Halimbawa, nung college ako at nagsimulang manood ng sine mag-isa, natutunan kong hindi lahat ng lalaking naka-baseball cap sa dilim eh cute. Naku neng, kung isa kang dalaginding na naghahanap ng hada, maging wise. Magdala ng flashlight sa sinehan. Kasi karamihan sa mga naka-cap na yan, bading at mas mataas pa ang hairline kay Bembol Roco.

Pero kung may isang life lesson akong hindi malilimutan, eto yung natutunan ko nung Grade 4 ako.

Nag-elementary ako sa isang school na walang canteen. Pag recess, lahat kami ng classmates ko, bitbit ang mga lunchbox namin, nagtatakbuhan papunta sa playground na walang laman kundi isang kinakalawang na swing.

Isa lang ang pwedeng umupo sa swing na ito. Si John-John. Ang may pinakamagarang Superfriends lunchbox sa buong school. Oras na umupo si John-John sa swing, lahat kami pupuwesto na sa paligid niya, naghihintay na buksan niya ang lunchbox.

Sa memory ko ngayon, slow-mo at may kasabay na drumroll ang pag-angat ng takip ng lunchbox ni John-John. Kulang na lang magpalakpakan kami, sobrang excited na malaman kung ano ang baon niya.

Pag bata ka, status symbol ang baon. Kung ang teenagers brand-conscious, ang mga bata baon-conscious. Sa lahat ng ayokong pinapabaon sa akin, yakult. Una, di ko gusto ang lasa. At pangalawa, walang pumapansin. Siyempre pag recess, gusto mo bida ka. Masaya ako pag me nakukubrang sustento ang mommy ko sa daddy ko, kasi ibig sabihin makakapag-baon uli ako ng Nuts n Pops (caramel popcorn with nuts) at Sunkist orange juice (yung triangle ang tetrapack at may papel na dapat i-peel off bago tusukan ng straw). Pag ito ang laman ng lunchbox ko, mayabang ako. Kasi ito yung klase ng baong gustong hingin sa yo ng classmates mo. Entonces, sikat ka.

Pero si John-John, ibang level. Kasi ang baon niya, imported. Minsan, Pringles. Hershey’s. At kung ano-anong PX goods na binibili daw ng Mommy niya sa kapitbahay nilang Muslim. Pag pasko, nagdadala din siya ng kastanyas, at di pa madaling bilhin ang kastanyas noon. Kaya kahit walang pinagkaiba ang lasa sa kamote, sarap na sarap kami pag binibigyan niya kami ng kastanyas. Siyempre tuwing class election, siya ang binoboto naming president. Vice president si Jocelyn Mata kasi madalas hamburger ang baon niya (pero tukso namin, gawa yun sa uod, di ko na maalala kung bakit). At yung classmate ko namang namimigay ng Horlicks chocolates pag recess, naging treasurer.

May classmate kaming sa sobrang hirap laging walang baon. Si Charles. Sa awa ng klase sa kanya, naboto siyang sergeant-at-arms (although pag elementary ka, alam mong walang kwentang posisyon ang sergeant at arms). Pag recess, andun lang siya sa desk niya, nagdodrowing.

Minsan, nagulat kami nung sumama siya sa aming mag-playground, bitbit ang isang supot. Ibig sabihin, may baon siya! Excited ang lahat kung ano ang dala niya. Inabangan namin kung ano ang laman ng supot: dalawang pirasong pandesal. Sa hierarchy ng mga baon, wala namang masama sa pandesal. Basta masarap ang palaman. Hotdog. O kaya peanut butter. Kaso yung kay Charles, sardinas. Nagtawanan kami (nung bata ako, sardinas ang pagkain ng mahirap, hindi instant mami). After that, hindi na uli nagpunta sa playground si Charles.

Isang beses nag-away ang mommy at daddy ko. Super duper late ang sustento. At dahil walang savings ang mommy ko, in less than a month, from upper middle class naging dukha kami. Dumating na ang araw na kinatatakutan ko. Wala akong baon! Eto na, nung hinahatid na ako ng yaya ko papuntang school (walang baon, pero may yaya, only in the Philippines di ba) masuka-suka ako sa sobrang anxiety. Dala ko pa rin ang mickey mouse lunchbox ko, pero walang laman. Ayoko talagang pumasok, pero ang promise ng mommy ko, bago mag-recess darating siya sa school, dadalhan niya ako ng Nuts n Pops at Sunkist.

Hintay ako ng hintay sa mommy ko. Hindi dumarating. Eh malapit nang mag-recess. Ano’ng gagawin ko? Ano pa, eh di magdrama. Kunwari biglang sumakit ang tiyan ko. Dinala ako sa clinic, may pinainom sa aking gamot, at nung mismong recess na, tumakbo ako sa CR, kunwari may LBM. Pero ang totoo, nakasilip lang ako sa bintana ng CR, kung saan tanaw ko ang classmates kong nagbibidahan ng baon nila. Siyempre nag-moment ako, umiyak. Mayamaya napansin ko, may nanonood sa akin. Si Charles. Eh di nainis ako. Anong tinitingin-tingin mo diyan? sabi ko. Pinapacheck daw ng teacher namin sa kanya kung OK ako, kanina pa kasi ako sa CR. Eh masakit nga ang tiyan ko eh! sagot ko. Tahimik na umalis si Charles.

Uwian na. Finally, nakahinga na rin ako nang maluwag, nalusutan ko ang recess. Pero dahil sa gutom at siguro epekto ng gamot na pinainom sa akin, sumasakit na talaga ang tiyan ko. May nagbebenta ng banana-q sa kanto kaso wala namang pera ang yaya ko kundi pamasahe namin pauwi.

Mayamaya, habang naghihintay kami ng jeep, tumindi lalo ang sakit ng tiyan ko. Umiiyak na ako sa yaya ko. Sabi niya, sige ibibili kita ng banana q pero maglalakad tayo pauwi. Pumayag ako. Palapit na kami sa tindahan ng banana q nang pansinin ng yaya ko ang mickey mouse lunchbox ko. Ano daw ang nilagay ko sa loob, ba’t may umaalog. Di binuksan namin. May supot sa loob.

At sa loob ng supot, may dalawang pirasong pandesal. Sardinas ang palaman.

In fairness, masarap pala. At di namin kailangang maglakad pauwi ng yaya ko. Pero the next day, ni hindi ako nag-thank you kay Charles. At ni hindi ko siya binigyan ng baon kong Nuts n Pops. Nung sumunod na taon, di na namin nakita si Charles. Ang balita, bumalik na daw sila sa probinsya dahil nagkasakit ang tatay niya.

Tuwing naiisip ko si Charles, lagi akong nagi-guilty. Wish ko na yung yung kabaitang ipinamalas niya sa akin, sana paulit-ulit niya ngayong tinatamasa sa buhay niya. At wish ko rin, wag nang maging madamot ang mga tao sa thank you. O I love you (pero sana di plastik!). Di naman kabawasan sa savings.

23 comments:

Jheck David said...

Saying "thank you" talaga ang moral ng story? Ndi 'yung hindi mahalaga kung ano ang baon? O matutong mag-share sa walang baon? O 'wag api-apihin ang sardinas? O 'wag ikahiya ang kahirapan sa buhay? Saying TY talaga? Hehehe...

Nice story po!

Bienvenido's Boss said...

Jun,

Kahit astig astigan ang effect ko ngayon.. a tear fell. I heart Charles.

- Nina

Mark said...

Ka-touch naman ito. Naalala ko tuloy nung grade 5 naman ako, pinagbaon ako ni nanay ng adobong pusit. masarap siya in fairness kaya lang andami talagang sabaw. Eh nag-chineese garter pa kami ng mga classmates ko after lunch so di nako nag mumog. ending, nangitim yung ngipin ko sa sabaw ng pusit. mula noon ang tawag nila sakin hanggang grade 6, tia pusit. bwisit diba?

jc.guiyab said...

nice story.

ang ganda ng moral lesson. parang sinasabi na it doesn't matter if you are rich or poor as long as you know how to share what you have to those who are in need.

and to pay back you should say thank you.

but if you cant say it to the person who did good to you, PAY IT FORWARD.

pat said...

shucks, i feel you, charles. i feel you.

im proud to say that as a kid growing up in an exclusive school, ive never been embarassed sa steady kong baon na 3 pandesal araw-araw. ni hindi rin ako nahiyang tumae sa boys' cr kahit na hangang grade 6 ko ginagawa.

anyway. si charles. sana malaya na syang nakakakain ng nuts n pops, pringles or hersheys kung sa'n man s'ya naroroon.

Bryan Anthony the First said...

ako din, na touch... bading kaya si charles? :-)
anyway,
mabuhay ang sardinas!

trinity said...

nakaka-touch naman. naiyak ako sa story mo. i'm sure very successful na ngayon si charles kasi bata pa siya marunong na siya mag-share ng blessings niya. pero napaka-powerful nga naman ng salitang "Thank You". feeling ko pag sinabihan ka ng thank u para ka na ring sinabihan ng i love u.

marijuana said...

ang ganda po nung story. medyo kaiyak pa nga...

lagi po akong nagbabasa ng blog nyo, kahit dati pa sa frinedster, pero ngayon lang ako naglakas-loob magcomment :D

acy ramos said...

sarap ng story.

thank you sa pagshare ng story na ito...

f i l l i b u s t e r o said...

wow shiyet, na-cry me a small estero ng very light.

whew!

*sigh*

cat said...

Reminds me also about my classmates during my elementary days. We would know the class status of my fellow classmates by its baon, well actually the food she/he bought/ If he/she bought Chippy, Mr. Chips and other too-much MSG chichiria with a coke in other hand, then she must be in the upper class. Funny coz I realized all they bought were junk foods and unhealthy soda. And we, in the middle class and lower class, ate healthy foods!

Anonymous said...

VEEEERY OT!

Jun? Kimi T here! Just came across your blog, haven't read but I can't wait to say, KUMUSTA???????????

Issy and I going for drinks tuesday in QC. Maybe Amy will join. Sama ka? Miss na kita! Ang tagal naaaaa!

Kimi

Anonymous said...

Kimi again. Ngek. ewan kung na-post yung comment ko. Anyway, issy and i meeting up on tues. amy might join, ikaw free? Miss na kita.

JUN LANA said...

HEY KIMI!!! Musta na! Sama ako! What time on Tues? Saan? Email me: octobertrain@yahoo.com. Ang saya! :c)

JUN LANA said...

Salamat po sa lahat ng natuwa sa entry na to. Sorry tagal na ako di makapag blog. Daming raket.

Jon Cabron said...

astig! ang galing..
san na nga kaya si charles ngayon..
baka ito yung charles dito samin ah' amoy sardinas to pag pinawisan eh.. seriously ganda talaga ng story mo' kwento ko sa anak ko pag uwi..

Storytellers said...

Jun!!! Nakaka-touch ang kuwentong ito...nakakatawa din yung man-crush. Si Gen, madaming man-crush...hehehe...si Ethel 'to--Bondoc po at hindi Booba. Thank you.

Anonymous said...

Jun!!! Nakaka-touch naman 'to. Nakakatawa din yung man-crush entry. Si Gen may dalawa 'atang man-crush. Hehehe. Saan ka ba nag-elementary at high school? Tiga- UST-Educ High ako, e.

Si Ethel nga pala ito--Bondoc, at hindi Booba.

Thank you. Bow.

Horny Peter said...

Hello po. First time ko magbasa ng blog niyo. The story touched me so much because it reminds me of my childhood. Ang bait ni Charles. Sana lahat ng bata katulad niya. This is the kinds of story na dapat kinikwento sa mga gradeschool pupils. Naiyak po talaga ako. A tear fell from left eye to my right cheek. The best baon story ever!

P.S.

Pwede ko po ba kayo i-link sa blog ko? tnx

meganhahaha said...

Waha, tatawa-tawa pa ako ng malakas tapos shet, nakakatouch naman ang dulo... Hay.

Korak, status symbol talaga ang baon, grabe. Hindi ko lang alam kung anong ibig sabihin nung sa kaso nung valedictorian namin... sya kasi araw-araw, corned beef na may patatas.. Hmmm..

Hay, nawa ay ayos na si Charles. :)

Shorty said...

mr lana, maaari ko po bang i-share ang entry na ito at iforward sa mga friends ko? ang ganda kasi eh, as in. sobrang ka-touch, ibang level ang kurot sa puso

JUN LANA said...

hi shorty. sure, no prob. salamat!

Anonymous said...

i hope charles is as successful as you are now.