Thursday, December 27, 2007

mitch

Galing ito sa pinsan ko. Ang galing niya no? Grabe! Based siya sa US pero pinipilit ko siyang magpublish ng children’s book dito. Sobra akong natuwa nang matanggap ko to, nagdecide akong magblog na uli.


Thanks, Michelle! Click n'yo to para makita n'yo ibang works niya: Mitch. Onga pala, Merry Christmas!

Tuesday, December 11, 2007

1954-2007


Paalam, Rene.

Wednesday, December 05, 2007

rene

Titigil muna ako sa pagbablog. Isang linggo. Dalawang linggo. Bahala na. Patay na si Rene. At parang naubusan din ako ng sasabihin. Gusto kong kumatok sa mga bahay-bahay, kalampagin ang mga tao at sabihin sa kanila, patay na si Rene. Pero ano bang pakialam nila? Hindi naman artista ang namatay. Kanina sa meeting nang matanggap ko ang text, gusto kong sabihin, mag-uwian na tayo, patay na si Rene. Pero sino ba si Rene sa buhay nila? Kahit buuhin ko ang pangalan niya: Rene O. Villanueva. Ano naman sa kanila? Kahit sabihin kong maraming nakamit na karangalan si Rene sa maikli niyang buhay. TOYM Awardee. Palanca Hall of Fame. Awtor ng napakaraming libro. Ninong nga di mabilang na henerasyon ng mga manunulat. Naging instrumento sa pag-usbong ng children’s literature sa ating bansa. Kahit isa-isahin ko ito sa kanila, makikidalamhati ba sila? Kahit sabihin kong i-google nyo si Rene para makilala nyo siya, walang mag-aaksaya ng panahon. Kasi ano ba naman kung namatay si Rene eh mas masarap pag-usapan kung bakla nga ba o hindi sina Piolo at Sam. Kahit magmura ako putang ina at ipagsigawan kong patay na si Rene, ganun pa rin ang traffic sa Cubao, eere pa rin tuwing gabi ang Marimar. Pero ako, titigil ang mundo ko. Ngayong gabi. Bukas. Sa mga susunod na araw. Dahil patay na si Rene. Ang mentor ko mula nung high school ako. Ang nagturo sa akin ng lahat ng nalalaman ko sa pagsusulat. Si Rene O. Villanueva. Patay na siya.

tanong

Sa isang relasyon, minsan lalambingin ka ng jowa mo, at itatanong sa yo: mahal mo ba ako?

Ang karaniwang sagot: mahal na mahal.

Pero kung magsasabi ka lang ng totoo, marahil ang isasagot mo:

a) mahal kita basta mas mahal mo ako

O kaya

b) mahal kita hangga’t mahal mo ako

Dahil sa totoo lang, kahit ikaw, tinatanong mo ang sarili mo: Hanggang saan ang pagmamahalang ito?

Paano pag nagkasakit o naaksidente ang isa sa inyo, magagawa nyo ba talagang alagaan ang isa’t isa?

Uubusin mo ba ang ipon mo para gumaling siya?

Paano pag dumating ang araw na hindi na kayo nagsi-sex?

Lalo na ang araw pag sinabi niya sa yo

O sinabi mo sa kanyang

“OK lang kung gusto mong makipag-sex sa iba basta mag-iingat ka at sa akin ka pa rin uuwi”

Papayag ka ba sa ganoong klase ng pagsasama, parang mag-amiga?

Pero nakakasira ng moment isipin ang mga bagay na ito. Lalo na kung magkaholding hands kayo sa kama at nangangarap bumili ng una nyong aso (most probably toy dog, kasi cute at pwede nyong damitan).

Kaya pag nilambing ka niya at tinanong kung gaano mo siya kamahal, mas mabuting sabihin mo na lang na mahal mo siya.

Mahal na mahal.

Period.

Thursday, November 29, 2007

the one

Pwedeng dati mong nakarelasyon. O fling. Pwedeng naging kaklase mo nung high school. O kaya dating officemate. O kaya kapitbahay.

Siya yung taong ngayong mas mature na ang outlook mo sa buhay, ngayong kahit nasa relasyon ka na at maligaya ka, siya yung isang taong naaalala mo pa rin.

At higit sa lahat, pinanghihinayangan.

The one that got away, sabi nga sa blog ng isa kong kaibigan. Tungkol sa isang lalaking minahal niya pero dahil straight yung guy, ni minsan hindi siya nagkalakas-loob na sabihin dito ang nararamdaman niya.

Kahit daw nung time na super close na sila, at halos sa bahay na niya tumira yung lalaki dahil sa araw-araw nitong pagbisita, kahit noong magbitaw ito ng dialogue na “kung papatol lang ako sa bakla, sa yo na lang”, ni minsan hindi pa rin nakuhang magtapat ng friend ko dun sa lalaki.

Kaya akala nung straight guy, hindi siya interesado.

Hanggang magkahiwalay sila ng landas.

Ngayon pag naaalala niya yung straight guy, nanghihinayang talaga siya. Pwedeng wala rin namang pinuntahan ang relasyon kung sakaling naging sila, lalo na kung babae talaga ang hanap nung lalaki. Pero sana, sana daw nasabi man lang niya ditong “I love you.”

Palagay ko, karamihan sa atin, merong the-one-that-got-away sa buhay niya. At lahat tayo, gusto nating magkaroon ng second chance.

Yung second chance na masabi man lang yung matagal nating kinimkim sa dibdib natin.

Gaya ng friend ko: “I love you.”

Pwede rin namang kabaligtaran. “Hayup ka, demonyo, bottom!” Kasi hindi lahat ng the-one-that-got-away, matinong tao. O nagpaalam man lang ng maayos.

May ilan sa atin, raise your hands kung kayo nga ito: tayo yung the-one-that-got-away.

Tayo yung iniyakan.

Tayo yung pinanghinayangan.

Parang ang haba ng hair di ba?

Pero sa totoo lang, hindi dahil ikaw yung the-one-that-got-away ibig sabihin ikaw yung mas lamang.

Kasi nung lumayo ka, nasaktan ka rin naman di ba?

At minsan nga, mas malalim pa ang sugat mo kesa dun sa iniwan mo.

Minsan, ikaw pa yung may sugat na hanggang ngayon hindi naghihilom.

At sing dalas mo ring naiisip yung iniwan mo.

Gusto mo ring magkaroon ng second chance.

Para mag-“I love you.”

O mag-“hayup ka, demonyo, bottom!”

Dahil hindi naman lahat ng iniiwan, kawawa.

Ako siguro, at ito talaga ang matagal ko nang kinikimkim, gusto ko lang mag-‘thank you.”

Ewan ko ba. Bata pa ako eto na ata ang bagahe ko. Eh ang dali-dali namang mag thank you di ba?

Dalawang salita lang, kahit galing sa ilong, kahit ngongong "Wenk yu", sapat na yun.

Pero sa buhay na to, well so far sa buhay ko, ewan ko senyo, eto ang nadiskubre ko: Madalas, yung napakasimpleng bagay pa ang ipinagkakait natin sa mga taong mahal natin. Lalo na kung gusto natin silang saktan.

“Thank you” lang, at maisasara ko na nang buong-buo ang kabanatang yun sa buhay ko.

Kaya thank you.

Thank you.

Thank you.

Kung nababasa mo man ito.

Thank you.

Monday, November 26, 2007

asl please

Nung Nov 1, 2005 sinimulan kong isulat ang ASL PLEASE, isang blog novella sa friendster account ko nung cool pang mag-friendster. Plano ko, tapusin siya in 10 chapters. Siyempre hindi ko nagawa. Naka-5 chapters lang ako. Suspetsa ko magiging pelikula siya. Balang araw.

Post ko lang uli dito ang Chapter 1.

Warning: Wag nyo tong basahin kung pikon kayo. O religious. Intsik. Koreano. Thomasian. Atenean. Taga-UP. La Salle. Lalo na kung taga MTRCB kayo.

Hindi nga.

Pero siyempre lalo lang kayong magbabasa.

Walang sisihan.

click nyo dito kung sure na kayo

Wednesday, November 21, 2007

cover girl 2

Ang buong akala ni Rose nung una, dahil sa overfatigue kaya nag-collapse sa trabaho at na-confine ang boyfriend niyang si Bong. Kung papaniwalaan niya ang nanay ng lalaki, mula raw nang hindi makipagkita si Rose kay Bong, nawalan na ito ng ganang kumain, at hindi na makatulog.

Nag-volunteer si Rose na magbantay sa boyfriend ng gabing yun. Hindi para alagaan ito. Kundi para hintayin itong magising at kausapin nang masinsinan.

Pero nung magising si Bong, ang unang tinanong nito sa kanya: Dumaan na ba si Victor?

Nadurog ang puso ni Rose. Na-realize niyang kahit bakla ang boyfriend niya, mahal na niya ito.

At dahil sa pagmamahal na ito kaya siya mismo ang tumawag kay Victor para ipaalam dito ang nangyari kay Bong.

Nang gabi ring yun, dumating si Victor. Dalawa nilang binantayan si Bong habang natutulog ito.

At doon niya nalaman kay Victor ang lahat.

Varsity players noon ang dalawa sa college at kapwa may nobya nang magkaroon sila ng relasyon. Pero dahil lumaki sa isang pamilyang sagrado Katoliko, may guilt complex si Victor tuwing magsi-sex sila ni Bong. Sa halos sampung taon daw na tinagal ng relasyon, mabibilang lang talaga ang pagtatalik nila. Kung maituturing ngang pagtatalik ang ginagawa nila.

Nung ma-diagnose daw na may HIV si Bong, ang unang akala ni Victor ay sa kanya ito nahawa. Na-involve kasi siya dati sa isang car accident at nangailangan ng blood transfusion. Ito lang ang naiisip niyang pwedeng pag-ugatan ng sakit.

Pero nung lumabas na negative ang results ng HIV test kay Victor, saka lang daw umamin si Bong na kung sino-sinong lalaki na pala ang naka-one night stand nito. Tuwing tumatanggi raw makipagsex si Victor sa kanya, madalas dalawa o tatlong lalaki ang kapalit nun.

Mabilis na nasira ang relasyon nina Victor at Bong pagkatapos nun. At dahil sa pangyayari, lalong nakumbinse si Victor na walang mararating ang pakikipagrelasyon sa kapwa lalaki. Kaya pinilit niyang magmahal ng babae. Hanggang magkanobya siya’t makasal.

Ilang beses daw tinangka ni Bong na makipagbalikan sa kanya. Pero desidido na siyang magpakalalaki. Kaya’t paulit ulit niya ring kinumbinse si Bong na subukang magmahal ng babae.

Pero ayon na rin kay Victor, nang una niyang makitang kasama ni Bong si Rose sa Christian fellowship, nakaramdam siya ng matinding selos.

Doon niya na-realize na mali ang ginawa niyang pagpapakasal. Mali ang ginawa niyang pag-iwan kay Bong. Kaya’t siya naman ang naghabol dito.

Ngayon, hihiwalayan na raw ni Victor ang asawa niya. At ang pakiusap nito kay Rose: pakawalan na rin si Bong.

Kung ibang babae siguro ang nasa posisyon ni Rose, madali niya itong nagawa. Ano bang pakialam niya sa dalawa, lalo na’t niloko siya ng mga ito.

Pero hindi nga ordinaryong babae si Rose.

Dahil kahit bakla, at kahit may HIV ang boyfriend, hindi ito mga sapat na dahilan para mabura ang pagmamahal niya sa boyfriend.

Nang mga sumunod na araw, ganito raw ang mga naging eksena sa ospital: dahil wala nang tinatago ang dalawa, minsan daratnan niyang magka-holding hands sina Bong at Victor, minsan magkukuwentuhan na parang wala siya doon, at minsan inutusan pa siyang magbalat ng suha habang magkayakap na nanonood ng TV ang dalawa.

At ngayong nakalabas na ng ospital si Bong, parang yayang bubuntot-buntot sa dalawa si Rose. Nakikisingit sa date. Nakikisawsaw sa kwentuhan. Kahit siya napapagod na sa ginagawa niya, pero hindi niya mautusan ang sariling iwanan si Bong. Humihingi siya ng tulong sa akin, paano daw siya matatauhan?

Pero hanggang ngayon wala akong maipayo. Kasi paano mo papayuhan ang isang taong nagpapakatanga sa pag-ibig?

Friday, November 16, 2007

gay lingo

Ano ang Vitamin A, choo-choo bells at Cookie Chua sa salitang bading? At sino sina Lucila Lalu, Bambi Arambulo, at Joanna Paras? Kung alam n'yo, Winnie Monsod kayo sa quiz na to. Kaya wag nang chumenelyn kimberly! Go!

1 Notabelles

a) tawag sa boy band na binuo ni Kuya Germs sa "Walang Tulugan"
b) pwedeng jutay, reggie curley o dakota harrison
c) mga baklang size queen

2 "Lyka ni lola magpabona." Kapareho nito ang

a) Wiz wa feel ni shofatidz magpajug.
b) Wichelles ko knowing itich ateng.
c) Uring na uring na si vaklush.

3 Pag ginawang swardspeak ang pangalang Melanie Marquez, ang ibig sabihin nito ay

a) mahogany
b) majoray
c) majubis

4 Pag tinawag kang Sheryl Cruz, ikaw ay

a) kontrabida
b) chinita
c) mapagbigay

5 Ilang bakla ang bumubuo sa isang vadingger z?

a) 5
b) 4
c) 3

6 "Mudra, ang bongzy-bongzy ng ohm!" Ibig sabihin ay

a) napakagwapo ng lalaki
b) ang bongga-bongga ng suot mo
c) type na type ka ng lalaki

7 Para maging fresh kapag pagod ikaw ay

a) rarampa
b) boborlog
c) eerna

8 Pag tinawag kang junjun, ka-level mo si

a) Rustom Padilla
b) Dagul
c) Aga Mulach

9 Pag wala kang karu, call ka ng

a) boksi
b) chorvacles
c) flying carpet

10 Nae-elya ka pero walang papa, wa choice ka kundi

a) mag-Oprah Winfrey
b) mag-Bionic Woman
c) mag-Indira Gandhi

andito ang sagot ate, click mo

Wednesday, November 14, 2007

set pics

Mamatay ka, Juday! Pero siyempre, dapat glamorosa pa rin ang lola n'yo. Day 5 ng "Kulam", produced by Regal Films. Ewan ko kung kelan matatapos ang pelikulang ito. Daming aberya. Di ako magugulat kung ma-shelve siya.

This is Geng. Juday's double in the movie. Kung ako ang tatanungin, siya talaga ang bida ng "Kulam" dahil sa dusang dinadanas niya sa set. Magaling na writer din yang si Geng. Btw, sa multiply site niya galing lahat ng pics ng "Kulam". Thanks, Geng.

2-3 hours ang pag-apply ng prosthetics kay Geng. Sisimulan sa kamay.

Sa braso.

Tulong-tulong kasi may 12 midnight na cutoff ang artista. 12 noon usually dumarating sa set. Kung galing sa taping, minsan 1 pm. Roll kami ng 3 pm. From 3-12 pm, 8-10 sequences ang hinahabol namin. Sa isang horror film na napakaraming effects, eto ang katumbas na trabaho nun sa totoong buhay: para kang pinagluto ng kare-kare in 15 minutes.

Pag nalagyan na ng prosthetics ang buong katawan si Geng, saka ilalabas ang mask. Nag-iisa lang yan kaya ingat na ingat kami.

dami pa, click nyo to

Tuesday, November 13, 2007

cover girl

Dati kong istudiyante si Rose. At dahil karamihan sa mga istudiyante ko noon naging kaibigan ko, hanggang ngayon nagti-text pa rin kami sa isa’t isa. May isa kayong dapat malaman kay Rose: lahat ng naging boyfriend niya, bading. Sabi ko nga minsan kay Rose, talo pa niya ang beauty queen. Kasi 3 consecutive years na siyang title holder: Mula 2003-2006 siya ang nag-iisa at bukod tanging Miss Cover Girl Philippines. At di biro yan ha. For every year, meron talaga siyang naging jowang closeta.

Nitong huli kaming magkita ni Rose sa isang restaurant sa Ortigas, sa kalagitnaan ng dinner, bigla siyang umiyak. Problema daw sa bago niyang boyfriend. Siyempre alam ko na. At di ko napagilan ang sarili ko: Don’t tell me… Ikaw na naman ang nagwagi bilang Miss Cover Girl Philippines 2007? Gusto ko pa sanang mag-joke na makakatanggap na siya ng certificate sa Guinness World Records pero may sinabi si Rose na bigla na lang akong natulala.

Minsan, iniisip ko, siguro kaya ako naging writer, kasi lagi akong napapaligiran ng mga taong makukulay ang buhay. Ni hindi ko na kailangang mag-imbento ng kwento.

Gaya ng kwento ni Rose.

Mag-iisang taon na dapat ngayong December sina Rose at ang boyfriend niya. Matagal na silang nagkakasabay sa isang aerobics class ng isang sikat na gym. Pero naging close lang talaga sila nang malaman nilang pareho sila ng pinupuntahang Christian fellowship.

Simula pa lang sumagi na agad sa isip ni Rose na baka bakla ang boyfriend niya. Kasi iisa lang naman ang hulma ng mga lalaking nagugustuhan niya: malinis sa katawan, witty, at sensitive. Eh di ba sa standards na yan, parang naghahanap ka talaga ng closeta sa buhay mo. Pero hindi takot tumaya sa pag-ibig si Rose. Kaya kahit paulit-ulit nang natisod, sige pa rin ang lola.

Sabi ni Rose, ngayon lang daw siya umibig ng todo. Kasi pakiramdam niya, hindi lang yung lalaki ang ka-relasyon niya, kundi pati nanay, tatay, at mga kapatid nito. Nung unang ipinakilala pa lang daw si Rose sa pamilya ng lalaki, kulang na lang eh magpatawag agad ito ng pari para makasal na sila. Siyempre me dahilan pala kung bakit.

Unang nagduda si Rose sa boyfriend niya nung minsang pilitin niya itong magmotel. Kahit anong pang-aakit daw ang gawin niya, ayaw siyang galawin ng lalaki. Kasi nirerespeto niya raw si Rose.

Bigla-bigla, tumunog ang closeta alarm ni Rose. Kasi ilang beses na niya itong narinig sa iba niyang boyfriends. Kaya nang mga sunod na linggo naging alerto siya.

At isang araw nga, habang nasa mall sila ng boyfriend at naghihintay ng schedule ng papanooring sine, nakatanggap bigla ng text ang lalaki. May emergency daw sa trabaho, at ganun lang, iniwan siya ng boyfriend niya. Sinundan ito ni Rose.

Sa isang coffee shop sa labas ng mall, nakita niyang nakipag-meet ang boyfriend niya sa isang lalaki. Bigyan natin ng pangalan ang lalaking ito. Tawagin natin siyang Victor. Minsan na siyang nakilala ni Rose sa Christian Fellowship na pinupuntahan nila ng boyfriend niya. Hi-hello lang. Ang alam niya may asawa na ito pero ni minsan hindi niya nakilala.

Mula sa restaurant, kinarir ni Rose na sundan pa rin ang boyfriend niya at si Victor. Halos himatayin siya nung ma-realize kung saan papunta ang dalawa. Sa motel. Sa mismong motel kung saan siya dati ayaw galawin ng boyfriend.

Pagkatapos nun, ilang araw na hindi nagpakita si Rose sa boyfriend niya. Galit na galit siya, hindi lang sa lalaki, kundi lalo na sa sarili niya. Ano bang magnet meron siya at lagi siyang natatanso? At bakit ang tanga-tanga niya?

Dahil sensitive ang boyfriend, nakatunog itong may problema, at ilang beses na pinuntahan si Rose sa bahay para kausapin pero hindi niya ito hinarap. Lahat ng tawag at text nito, hindi niya rin pinansin. Hanggang isang gabi, yung nanay ng lalaki ang biglang dumating sa bahay niya.

Sinugod daw sa ospital ang boyfriend ni Rose. Bigla na lang daw nag-collapse habang nasa trabaho. Sobrang guilty si Rose. Ang daming naglaro sa isip niya: Siguro dahil sa hindi niya pagpansin dito, hindi na kumakain ang boyfriend niya. Siguro gulong-gulo rin ang isip nito. Lahat ng siguro naisip niya. Pati: siguro, hindi naman siya bading.

Pero sa ospital, malalaman ni Rose kung bakit talaga nag-collapse ang boyfriend niya. May isa pa pala itong sekretong pinagkatago-tago sa kanya. Matagal na palang maysakit ang lalaki. At hindi basta simpleng sakit.

Anong sakit?

click nyo dito

Monday, November 12, 2007

neozep

Dahil hirap sa buhay ang jowang si Arthur, laging si Joey ang gumagastos tuwing lumalabas sila. Kahit kelan hindi ito naging issue kay Joey pero minsan, nung isang beses na magkikita sila ni Arthur sa Makati para gumimik, sinisipon si Joey. Nagtext siya kay Arthur na dalhan siya ng neozep, kahit isang tablet lang. Nagreply si Arthur: sorry bebe, sakto lang sa pamasahe ang pera ko. Nagtext back si Joey: sige ok lang. Pero ang totoo, hindi ok. Dala siguro ng sipon at sakit ng ulo, nagsimulang maghimutok si Joey: magkano ba naman ang isang neozep? Tatlong piso? Limang piso? Kung me malasakit siya, kung mahal niya talaga ako, siguro naman makakagawa siya ng paraan para ibili ako? Habang hinihintay dumating ang jowa, nagdasal si Joey na sana lord, please naman lord, please please please, sana me dalang neozep ang bebe ko. Kahit half tablet na neozep, hindi lang para sa sakit ng ulo niya, kundi para na rin sa ikatatahimik ng relasyon nila. Pero nung dumating si Arthur, wala itong dala. Sorry nang sorry si Arthur, ngumiti lang si Joey: ano ka ba, ok lang sabi.

Pagkalipas ng maraming buwan, nagkaroon ng LQ sina Joey at Arthur. Nagkukuwentuhan sa phone ang mag-jowa nang mapansin ni Joey na parang wala na siyang kausap. Mayamaya me narinig na lang siyang humihilik. Yun pala nakaidlip si Arthur, pagod kasi sa trabaho. Siyempre nagtampo agad si Joey. Nagsorry si Arthur. Pero si Joey, hindi napigilang mag-moment ng bakla. Nag-speech: Bakit ganun, laging ako na lang ang nagbibigay. Laging ako na lang ang umuunawa. Ako, ako, ako. At bigla, naungkat ni Joey ang tungkol sa neozep.

Neozep? Anong neozep, tanong ni Arthur. Paano nga naman niya maaalala, ang tagal na nun. Eh di ipinaalala ni Joey. Sa halip na maunawaan ang side ni Joey, nagalit si Arthur. Siya naman ang nag-moment. (Ganun talaga pag dalawang bakla ang nag-away, talo mo pa nanonood ng showdown nina Jean Garcia at Eula Valdez sa soap, umaatikabong aktingan.) Pakiramdam daw ni Arthur, nasampal ang buong pagkatao niya. Issue pala kay Joey na siya ang gumagastos tuwing lumalabas sila, ba’t hindi siya agad nagsalita? Hindi yun ang point, sabi ni Joey, hindi ito tungkol sa pera. Ang hinihingi ko lang sa yo, magpakita ng konting effort.

Eto naman ang speech ni Arthur: Anong effort? Tuwing pinipilit mo akong gumimik kasama ang friends mo, tapos ikaw ang nagbabayad para sa akin, palagay mo ba hindi ako nahihiya? Palagay mo ba hindi ako nanliliit? Pero kinakapalan ko na lang ang mukha ko kasi yun ang gusto mo. Hindi pa ba effort sa yo yun? (O diba, ang sarap palakpakan ng mga bakla!)

Nauwi sa matinding sumbatan ang away, nagsigawan, nagtapunan ng gamit, at meron pang eksenang habulan sa gitna ng mall, the works! Ilang araw silang hindi nag-usap. Nagkabati rin naman, pero dahil me bitbit pa rin silang himutok, dumalas ang LQ ng dalawa, at may ilang beses, naungkat uli ang tungkol sa neozep.

Marami sa atin, bakla man o hindi, kinakarir maging magsasaka. Kasi ang hilig-hilig magtanim ng sama ng loob. Eh eto ang problema diyan: siyempre, ang itinanim mo, aanihin mo rin. Buti sana kung maganda ang ibubunga. Kaso madalas, yung napakaliit na bagay, nagiging dahilan lang para magkalamat ang relasyon. At yun nga ang nangyari kina Joey at Arthur. Dahil sa neozep, di nagtagal, naghiwalay sila.

Friday, November 09, 2007

janvier

11:00 PM, November 7, 2007. Me natanggap akong text galing sa isang kaibigan sa press: Kapatid, 22o ba i2ng kumakalat na nude pic ni janvier? O gimik lang to ng pelikula nyo?

Uminit ang ulo ko dun sa huling tanong. Tinawagan ko agad si Janvier.

JD: Hello?

JL: Janvier, si Jun Lana.

JD: Hi, Direk.

JL: Hi ka diyan. Ikaw nga umamin ka, nagpakuha ka ba ng nude pic para pag-usapan ka?

JD: Ha? Hindi, direk!

JL: Eh kasi sa totoo lang, nung cast party pa lang ng Roxxxanne (Oct 10), nilapitan na ako ni Jay (Aquitania), at siya ang nagsabi sa akin na may kumakalat ka raw na nude pic. Hindi ko pinansin. Kasi pag pinatulan mo, lalong lalaki. Baka isipin ng mga tao gumagawa tayo ng gimik. Eh pinaghirapan natin ang pelikula tapos sa ganito lang tayo babagsak. Medyo cheap. Di naman natin kailangan

JD: Direk, I swear, hindi ko po alam kung kanino nanggaling yan. Nalaman ko rin yan nung premiere night mismo. Pinakita sa akin nung isang kaibigan ko. May nagforward daw sa kanya.

JL: Sino’ng nagforward, si Ihman (manager ni Janvier)?

JD: Direk, hindi! Wala po kaming alam diyan! Itataya ko po ang buhay ng mama ko!

JL: Sinali mo pa ang nanay mo.

JD: Nakita nyo na po ba yung nude pic, direk?

JL: Panong hindi ko makikita eh pinagkakaguluhan ng mga bakla sa GMA.

JD: Hindi naman nakakahiya di ba, direk? Tulog pa ako niyan ha.

JL: Gago. (Pero sa totoo lang lahat ng baklang nakakita, dalawa lang ang reaction: nagtititili na parang nasiraan ng bait, o natameme na parang na-shock) So sino ang kumuha ng nude pic mo, si Ethel?


JD: Naku hindi, Direk. Hindi yun gagawin ni Ethel sa akin. Mabait yun.

JL: Mabait. Eh ba’t ka nakipag-cool off?

(Walang sagot.)

JL: So kung hindi si Ethel, sino ang kumuha ng litrato mo?

JD: Dati kong housemate, direk. Bad trip nga eh.

JL: Kelan to?

JD: Last year pa, direk.

JL: Last year? Tapos lumabas kung kelan premiere night ng Roxxxanne? Eh di ba nangangamoy gimik nga?

JD: Hindi ko nga po maintindihan eh.

JL: So hindi talaga gimik?

JD: Hindi po.

JL: Eh matanong ko lang: ganun ka talaga matulog? Hubo’t hubad?

JD: Hindi po. Naka-shorts po ako niyan. Hinubaran ako ng housemate ko.

JL: Sa laki mong tao, Janvier, hindi ka madaling hubaran ng shorts, para namang imposibleng hindi ka nagising. Ni hindi mo naramdamang hinuhubaran ka? Bakit lasing ka?

JD: Hindi po.

JL: Alam mo parang ang hirap paniwalaan niyan.

JD: Hindi nga, direk. Parang mantika po ako matulog.

JL: Ewan ko sa yo. Basta pag me nagtanong din na press sa yo, pakilinaw lang: wala akong kinalaman sa gimik na yan.

JD: Hindi talaga gimik, direk. Pramis.

JL: OK sabi mo eh. Oy isusulat ko to sa blog ko ha.

JD: Sige, direk. Isama nyo pa yung nude pic ko eh.

JL: Tigilan mo nga ako. Good night.

JD: Sige, direk. God bless.

After 2 minutes. Nag-ring ang cellphone ko.

JL: O?

JD: Direk, ilalabas n’yo ba yung nude pic ko sa blog n’yo? Baka makita kasi ni mama.

JL: Eh sira ka pala. Ikaw kaya ang nag-offer. Wala akong plano no?

Thursday, November 08, 2007

contact lens

Midnight sale sa Megamall nung unang maisipan ng kaibigan kong si O na bumili ng cosmetic contact lens. Light brown. Hindi dahil sa kailangan niya talaga ang contact lens kundi dahil buy one take one. Eh mahilig sa sale ang bakla. Dahil sa sale kaya ang dami-dami niyang nakolektang payong sa Watson’s. Nagoyong bumili ng kung anong product (kahit hindi niya kailangan) para lang sa libreng payong.

May catch ang “buy one, take one” na contact lens. Kasi yung “take one” isa lang ang available na kulay: violet. Obviously, flop ang violet contact lens kaya pinamimigay na nung optical shop. Pero OK lang kay O. Feeling niya, nakatipid pa rin siya.

Siguro dahil may kaputian, bumagay ang light brown na contact lens kay O, kaya naman mabentang-mabenta ang bakla nung rumampa sa Malate. May nakilala siyang Afam, at duda niya medyo high kasi pinagtripan ang mga mata niya. Buong gabi nakatitig lang daw sa kanya, ang ganda-ganda raw ng mga mata niya. Parang diamonds. Nangungusap. They are like nothing I’ve ever seen before. It’s like God created a special color just for you. Siyempre hindi sinabi ng bakla na naka-contacts lang siya. Eh disposable yun. So nung sumunod na linggo, bago uli makipagkita kay Afam, bumalik sa Megamall si O para bumili ng isa pang pares ng light brown. Surprise! Out of stock. Pumunta siya sa ibang optical shop, merong light brown pero ibang shade, hindi cat’s eye. Saka dahil hindi sale, medyo mahal ang contact lens, at ayaw gumastos ni O. Pinag-isipan nya kung yung violet na lang ang susuutin. Pero alangan namang biglang nagbago ang kulay ng mga mata niya di ba? Panic si bakla. Tinawagan ako, ano raw ang gagawin niya? Siyempre dahil ako ang writer, ako ang nakaisip ng perfect alibi. Nung gabing makipagkita si O kay Afam, naka-oversized sunglasses ang bakla. Kunwari may sore eyes.

Nawili sa pagsuot ng contact lens si O. Kung walang contact lens, tinatiyaga niyang maglagay ng eyeliner. At flawless mag-eyeliner si O. Medyo singkit kasi kaya gusto niyang pinapalaki ang mga mata. Minsan tinanong ko siya: Eh ba’t mo ba kinakarir yan? Hindi ka ba napapagod? Ang sagot ni O, hindi raw. Lalo na ngayong na-realize na niya kung gaano ka-importante para sa isang bakla ang may kahali-halinang mga mata. Yun daw ang number 1 asset natin. Isang sulyap lang daw, isang tingin, kahit madilim (kadalasan nga sa dilim), nagkakaintindihan na tayo.

Sabagay, kung iisipin mo, totoo yun. Isang araw bumibili ka lang ng vitamins sa Mercury, o pasakay ng MRT, o pumipila sa mini-stop para mag-merienda ng siopao, and out of the blue biglang may lalaking magkaka-interes at mapapatingin sa yo, lalaking hindi mo sure kung bakla rin, kaya titingin ka pabalik (kung single ka, ehem), yung tingin na medyo guarded pero inviting at the same time, yung tingin na may konting landi pero nagpipigil, yung tingin na more than friendly pero hindi naman bastos… Titingin ka, maninimbang kung may pinapahiwatig siya. At siyempre yung tinitingnan mo, aarteng look-away, kasi biglang na-conscious (o maarte lang talaga). Pero kung interesado siya, pasimple siyang titingin uli sa yo. At ikaw naman ang titingin palayo. Parang ping-pong. Hanggang finally magtama ang mga tingin n’yo. This time yung tingin na meron nang malisya. Yung tingin na nagsasabing alam-mo-type-kita-pero- ikaw-kaya-ang-unang-lumapit-try-mo-lang-ate. At siyempre, lahat yan mangyayari in 15 seconds or less. Mas may impact nga naman kung naka-contact lens ka. At cat’s eye. Taray.

Maganda panoorin ang mga ganitong tinginan pag nasa loob ka ng isang bar. Siyempre lahat ng bakla diyan nagpaplantsa ng buhok, o kung semikal, siguradong naka-outfit para bumandera sa gitna. In short, lahat nagmamaganda, kaya lahat diva-divahan, walang nagpapansinan, kunwari bored, kunwari hindi tumitingin, pero matitindi ang peripheral vision ng mga yan, dun sila sa gilid na mga mata suma-sight kung may cute. Pero minsan mahuhuli mo pa rin silang tumitingin sa yo, split-second lang naman, pero huli mo pa rin, at pag nahuli mo bigla ka nilang iirapan, siyempre papayag ka ba namang irapan ka ate, so gaganti ka, iirap ka rin, yung mas pronounced na irap na may kasabay na taas ng kilay at thought-balloon na nagsasabing hoy-bakla-di-ka- kagandahan-eto-uminom-ka-ng-kape-para-matauhan-ka! Again, tama si O, di ba mas bongga kung naka-contacts ka habang nakikipag-irapan?

May magic moment sa loob ng isang bar, basta observant ka at wag kang kukurap: Ito yung moment na sabay-sabay nag-iirapan sa buong dance floor ang mga bakla. Pag na-sight mo ang moment na yan, para ka na ring nakakita ng shooting star, ate. Kasi minsan lang yan. Sobrang rare. Pwede kang mag-wish.

Monday, November 05, 2007

butch

May interesting article sa Genre magazine: “Should I butch it up to get a man?” Many years ago, may kakilala akong filmmaker na may na-meet na Australyano sa chat. In fairnez, kamukha ni Brad Pitt yung Australyano. At rica peralejo (read: rich, ate). Para mabingwit ang Australyano, nagpanggap na straightacting ang kakilala ko. Di nagtagal, pumunta dito ang Australyano. Nagmeet sila ng kakilala ko, nagsex, hanggang yung 2 weeks na bakasyon ng Australyano naging one month. Siyempre diring-diri ang kakilala ko sa pagpapanggap niya, pero mahal na niya yung Australyano. Afraid siyang iwan nito. Isa pa, nakakatulala talaga sa gwapo yung guy (kahit ako na taga-showbiz muntik na akong ma-comatose nung makita ko ang picture, at picture pa lang yun ha), at napaka-sweet, imagine ikinuha siya ng condo sa WackWack para maging love nest nila. Isang araw nagpropose yung Australyano na mag-move in na lang yung kakilala ko sa bahay ng Australyano… sa Australia! Kilig na kilig yung kakilala ko, pero naisip niya, panahon na para sabihin niya sa Australyano ang totoo. Panahon na para ipakita niya sa Australyano lahat ng sash at koronang napanalunan niya sa mga beaucon (hehe dagdag ko na lang ito, although beauconera talaga ang kakilala ko, at favorite niyang irepresent ang Puerto Rico). Saka tama naman ang katwiran ng kakilala ko: kung love talaga siya ng Australyano, dapat matangap nito ang totoo niyang pagkatao, di ba? Sadly, hindi lahat ng katwiran, kahit tama, nasusunod. Dahil nung bumalik sa Australia ang jowa niya, ni ha, ni ho, wala na siyang narinig dito.

Should I butch it up to get a man?
Ate, lahat gagawin ko!
Deadma sa love! I am what I am!
  
pollcode.com free polls

Sunday, November 04, 2007

sad?

Favorite TV show ng friend kong si Nadia sa U.K. Hilarious!

Thursday, November 01, 2007

for now

Marami kaming patay pero wala kaming binibisita pag Nov 1. Eh mabuti na rin siguro. Kasi ako ang taong hindi mahilig sa pamamaalam. Eto na lang ang lagi kong iniisip: Tao lang naman ang gumawa ng concept ng time. Tayo lang naman ang nag-imbento ng kalendaryo, ng orasan para bilangin ang paglipas ng mga araw. Kaya kahit maraming beses na akong pumunta sa lamay, naghatid sa libing ng mga kakilala, kaibigan, at kamag-anak, marami sa kanila, buhay na buhay pa rin sa isip ko.

Nakikita ko pa rin ang usok na galing sa kusina ng lola ko, nagluluto ng laing para sa pagbisita namin. O ang mga bulaklak sa buhok ng Tita Ason, habang inaayusan siya ng mommy ko at iba pang kapatid niya nung araw ng kasal niya. O ang tawa ng kaibigan kong si Charley habang binabasa niya ang unang play ko nung high school ako. Iba’t ibang piraso mula sa iba’t ibang panahon. Iba’t ibang kulay. Iba’t ibang mukha. Hanggang ngayon daladala ko silang lahat. At walang kalendaryong pwedeng magsabi sa aking wala na sila, dahil sa isipan ko, buong buo pa rin sila. At palagay ko lahat tayo, ganito lang kasimple ang gusto: Na balang araw may aalala din sa atin.

Pero sa ngayon, tayo muna ang aalala sa kanila.


Wednesday, October 31, 2007

gym

Sinamahan ko minsan mag-shopping ang isang friend ko. Eh magja-Japan na kasi ang jowa niya, at maiiwan siya. Although hindi naman sila hiwalay, feeling niya, dun rin papunta yun kaya nag-decide siyang magmaganda uli. In short, balik gym ang lola.

Ang una niyang concern: outfit.

AKO: Anong outfit? Bakit, balak mong mag-gown sa gym?

FRIEND: Hello! Siyempre hinde. Pero dapat may look.

AKO: Anong look?

FRIEND: Straightcurious.

AKO: Look ba yun?

FRIEND: Gaga, oo. Parang Piolo and Sam. Bago sila nakita ni Lolit sa Sofitel.

Heehee. So shopping kami ng outfit. Karir. Ang hirap pala i-achieve ng straightcurious look. Dahil pa-straight, di pwede ang color coordinated. Pero dahil curious, dapat may konting flair, so pwede ang accessory gaya ng cute na water jug. Pero wag masyadong cute gaya ng jug na may Astroboy design. O kaya hello, Hello Kitty.

Bumili rin ng bagong shoes ang lola. Dahil pa-straight we made sure na boring yung design ng shoes. Pero dahil curious, bumawi na lang kami sa medyas. Looney Tunes. Pastel.

At siyempre, naghanap kami ng disenteng underwear. Kasi siyempre pag naghubad siya sa locker room, underwear niya ang unang mapapansin ng mga tao. Eh may pagka sosyal ang friend ko, karamihan sa briefs niya Versace. Yung may belt buckle. Sino ba namang straight ang nagsusuot ng brief na may sariling sinturon? Para safe, bumili kami sa Bench. White. Tapos payo ko: Para lalo siyang magmukhang butch, bago mag-gym lumain niya sa kalalaba yung brief hanggang magmukhang bacon ang garter.

Finally, hindi kumpleto ang look nang walang tamang haircut. So fly kami sa favorite salon namin. Straightcurious ba kamo? Astig? Walang bahid? Eh di nagpa-semikal ang lola. Ewan ko ba kung bakit, pero ang daming bading na semikal.

FRIEND: Ano, how do I look?

AKO: In fairnez ate, mukha ka nang tambay diyan sa kanto.

Tapos biglang naiyak ang bakla.

FRIEND: Nag-gi-gym lang ako pag single ako. Ang lungkot lungkot mag-gym.

AKO: Bakla, wag kang mag-emote dito. Magpa-trim ka na lang ng kilay para madistract ka.

FRIEND: Straightcurious nga eh! Tapos magpapatrim ako ng kilay?

AKO: Kasi nga mukha kang tambay. Kailangang ma-soften ang features mo.

So nagpatrim ang bakla. Ending, mukha pa rin siyang tambay. Na nagpatrim ng kilay.

Pag may kaibigan akong nakikipag hiwalay, naiisip ko lagi, pwedeng sa akin nangyari yun. Pwedeng ako yun. Kasi sa totoo lang, wala namang sigurado sa pakikipagrelasyon hindi ba? At kung bakla ka, alam mong ang katumbas ng bawat taon na itinatagal ng relasyon mo eh parang buhay ng isang aso. Multiply by 7. Or 10. Or 20.

Minsan naiisip ko, hanggang kelan ganito ang cycle ng buhay ng isang bakla? Pag iniwan, maghahanap. Pwede mong pilitin ang sarili mong pumirmi sa isang lugar, hintaying ikaw ang hanapin ng pag-ibig (in the meantime, kung tumatanda ka na, pwede kang mag-ampon para may security blanket ka, gaya ng paniniwala ng ibang kakilala ko) pero dahil tao ka lang, maghahanap ka pa rin. At makikita mo uli ang sarili mong patalon-talon sa iba’t ibang relasyon. Minsan sa katatalon, may makaka-one night stand ka na naka-one night stand mo na pala at di mo maalala, kasi hindi mo napapansin, binabalikan mo na lang yung mga taong dapat matagal mo nang iniwan,.

Well, 2-3 weeks na ang lumipas mula nang sinamahan kong mag shopping ang friend ko. Ngayon araw-araw na siyang nag-gi-gym. Gusto atang lumevel kina Vina Morales at Jackie Lou Blanco.

Recently nag-text siya. May na-meet daw siya. At masaya na uli siya. Ang text back ko: Ate, wag kang tumigil sa pag-gi-gym.

Sunday, October 28, 2007

happy ending


This is the way you left me,
I’m not pretending,
No hope, no love, no glory,
No happy ending

I wake up in the morning,
Stumble on my life,
Can’t get no love without sacrifice,
If anything should happen,
I guess I'd wish you well,
Mmm a little bit of heaven,
But a little bit of hell.

This is the hardest story,
that I've ever told,
No hope, no love, no glory,
Happy endings gone forever more
I feel as if I’m wastin',
And I'm wastin' everyday

This is the way you left me,
I’m not pretending,
No hope, no love, no glory,
No happy ending

This is the way that we love,
Like its forever,
Then live the rest of our life,
But not together

Two O'clock in the morning,
Something's on my mind,
Can’t get no rest,
Keep walking around,
If I pretend that nothing ever went wrong,
I can get to my sleep I can think that we just carried on

This is the hardest story,
that I have ever told,
No hope, or love, or glory,
Happy endings gone forever more,
I feel as if I’m wastin',
And I'm wastin' everyday

Oh I feel as if I’m wastin',
And I'm wastin' every day

This is the way you left me,
I’m not pretending,
No hope, no love, no glory,
No happy ending

This is the way that we love,
Like its forever,
Then live the rest of our life,
But not together

Thursday, October 25, 2007

WTF?






Who says you can't get away with murder?

Wednesday, October 24, 2007

october 24

1. Birthday kahapon ng dad ko.

Kahapon ko pa siya naiisip. Wala naman akong mapagsabihan. Di ko naman ma-remind ang mommy ko, dahil baka biglang ma-depress.

Kung ako nga nalungkot.

Nakakalungkot kasi di ako sure kung tama pa rin ang memory ko ng mukha niya.

Anyway.

Happy birthday, Pa. Wherever you are. Sana OK ka.

2. Na-X ng MTRCB ang trailer ng Roxxxanne.

Kanina ko lang nalaman. Di ko pa sure kung ano ang mararamdaman ko.

3. May gumagamit daw ng name ko. At picture galing sa friendster.

Weird. Meron talagang nag-abala. Para saan? Panakot sa daga?

4. Finally nagdecide akong gamitin ang iphone ko, pero ayaw niyang mag send ng text. Pwede akong itext, di lang ako makaka-reply. Ewan ko.

5. Kanina pa umuulan.

It’s just not a good day today.

Thursday, October 11, 2007

thank you

Salamat sa lahat ng nanood sa special preview ng roxxxanne. Sa press, sa mga kaibigan ko, sa mga dumayo pa sa UP para lang manood, sa MGG, PCSO, at HBC. Dispensa po sa lahat ng nainip sa kahihintay, ang daming technical problems bago magsimula, buti naayos din.

Saka na ako magkukuwento, napagod ako sa premiere at sa cast party. Post ko na lang pics sa ibang araw. Salamat po uli.

Thursday, October 04, 2007

roxxxanne in malate



wehehehe mamimigay ng flyers ang cast sa malate ngayong sabado. hmmm. saka libreng tix na rin siguro.

Monday, October 01, 2007

ROXXXANNE TICKETS


TO RESERVE TICKETS TO THE SNEAK PREVIEW OF ROXXXANNE, PLS TEXT 09184076342. 100 pesos per tix. Text nyo lang name saka kung ilan ang kailangan nyo. Pakiclaim ang tickets bago mag 6:30 sa UP Film Center. Yung matitira, at hindi makiclaim by 6:30, yun na lang ang ibebenta namin sa araw ng premiere night. Pls reserve your tix early. Kalahati ng capacity ng UP Film Center committed na sa sponsors and guests, so di ganun karami ang available tix. Sorry.

Btw, first 20 to text 09184076342, libre ang tickets (pero siyempre dahil libre, 1 ticket per text lang po). =D

Sunday, September 30, 2007

Thursday, September 27, 2007

sheree


Trivia:

1. Launching movie dapat ni Sheree ang Scorpio Nights 3. Mas pinili niyang unahin ang Roxxxanne.

2. May sikat na kanta akong gustong gamiting theme song para sa pelikula. Kinausap ni Sheree ang composer at napapayag niya itong ibigay sa amin ng libre. Nung nag e edit na, biglang naghabol ang recording company. Nagpapabayad bigla ng 150,000 pesos. Nag-offer si Sheree na siya na lang ang magbabayad. Hindi ako pumayag. Sabi ko, tatayo naman ang pelikula kahit wala ang kanta. (150,000 pesos ang cost ng isang araw ng shoot ng Roxxxanne. Sa 150,000 pesos, mababayaran ko ang camera, locations, lighting, at ang tf ng halos isandaang katao—100!—na bahagi ng cast, catering, crew at production staff; ganun kalaki ang halaga ng 150,000 sa isang indie movie. Sa isang commercial movie, kalahati araw na tf lang siguro ni Sharon Cuneta ang 150,000 pesos).

Thanks, Sheree.

Tuesday, September 25, 2007

top/bottom

May fag hag friend ako na super close sa mommy ko. Kwento niya sa akin, minsan daw binisita niya ang mommy ko dahil gusto niyang magpaturo kung paano magluto ng kare-kare. Habang naghihiwa daw siya ng talong, bigla siyang tinanong ng mommy ko: Hija, paano ba magsex ang mga bakla?

Siyempre natigilan ang kaibigan ko. Dahil ba sa talong kaya naisip ng mommy ko ang tanong na yun (talong=tanong, in fairness may rhyme)? Kaya iniwan niya ang paghiwa ng talong at nagdikdik na lang ng mani, kunwari walang narinig. Pero ang kulit daw ng mommy ko. Napilitan tuloy ang kaibigan ko na iupo sa isang sulok ang mommy ko, at buong maghapon, walang takot niyang idinetalye lahat ng pwedeng gawin ng dalawang lalaki sa isa’t isa. Kaya nang araw na yun, sa edad na 54, namulat ang mommy ko sa konsepto ng top at bottom. Syempre, ang next question ng mommy ko: Eh si Jun kaya, top o bottom? Wahahaha.

Di ko maintindihan kung bakit, pero marami sa mga straightacting, isyu kung sino ang top at bottom. Eh kasi, tingin ng marami, pag bottom ka, pag ikaw ang tinitira, ibig sabihin, ikaw ang girl. At walang straightacting na gustong maging girl.

Kaya minsan, pag tinatanong kung top sila o bottom, ang sagot ng marami: Versa. Para kang si Maricel Soriano, ate. Pwede sa drama. Pwede sa comedy. Effortless. Kasi versatile. Safe answer di ba.

Ganyan yung isa kong kakilala. Tawagin natin siyang Toti. Botomesa pero mapagpanggap. Isang araw me nakilala siya sa chat. In fairnez, gwapo yung guy. Pero top ang hanap. Etong si Toti, dahil sabik sa guwapo, nagpanggap na top. Kinarir ng bakla yung ka-chat hanggang maging sila. Eto ngayon 1 year na sila pero miserable siya. Kasi tuwing magsi-sex sila, nagpapanggap siyang top. Tuloy, siya na ata ang bading na may pinakamalungkot sa pwet sa buong mundo. Heeheeheee.

Ewan ko ba naman kasi sa mga baklang ito, nagladlad na nga, nagpapanggap pa rin. Kaya ako pag tinatanong ako, without bashing an eyelash sabi nga ni Ms Melanie, iisa ang sagot ko: top po ako. Hindi nga. Pramis. Tanungin n’yo pa ang mommy ko.

Monday, September 24, 2007

Friday, September 21, 2007

october 10


Nung 2001, dahil sa sunud-sunod na text sa akin ng mga kaibigan ko, kahit di ako ang klase ng taong mahilig sa pulitika, pumunta ako sa Edsa at naki-rally sa libo-libong tao para hingin ang resignation ni Erap.

Nung isang taon, me kumalat na text tungkol sa prophecy ng isang madre na magkakaroon daw ng malakas na lindol sa Metro Manila. Kaya madalas wala ako sa condo namin. Hello, nasa 23rd floor kaya kami. Paano na lang kung lumindol nga.

Imagine: dahil sa isang text pwedeng magbago ang mood—o di kaya kapalaran ng isang tao. Nagtext ang jowa mo, pero walang smiley sa dulo, iisipin mo, baka nagtatampo. Sa text, lahat ng tao, magalang. Lahat nagpo-po. Lapit na po. D2 na po. Wer u na po? At aminin natin, dahil sa texting, wala tayong kandidatang umuuwing luhaan sa Ms Universe. Kasi basta Ms Philippines, sigurado nang me title: Ms Photogenic. Thank you sa text votes.

At ang bilis ngayong kumalat ng tsismis dahil sa text. Eh kung papaniwalaan mo lang ang text, dalawang beses nang namatay si Aga Mulach. At ilang beses nang nagka-coup sa bansa natin.

Nung October 10, 2004 sinimulan kong isulat ang script ng Roxxxane. Tungkol sa cellphone. Sa texting. At dahil bakla ako, tungkol din sa kabaklaan. Mahina ako sa date (anniv nga namin ng partner ko nakakalimutan ko), pero ito naaalala ko. Kasi mismong araw yun ng birthday ko. At yun ang gift ko sa sarili ko: isang script para sa directorial debut ko.


May 3-picture contract ako sa Regal Films kaya isa sila sa una kong nilapitan para ilako ang script ng Roxxxanne. Tamang-tama, naghahanap sila ng material noon para i-launch si Katrina Halili. Gay film ang Roxxxanne pero crucial sa kwento ang role ng babae, mysterious, sexy, perfect para kay Katrina. Pero di ako umasa. Kasi nga gay movie, at walang commercial appeal, parang imposibleng magustuhan ni Mother.

Aba, 3 days later tumawag ang Regal, nagustuhan daw nila ang script. Pwede nang mag-preproduction meeting para pag-usapan ang cast at locations. Eh di siyempre natuwa naman ako. Kasi gusto ko talaga yung material. Pero nung araw ng pre-production, umupo si Mother sa meeting at tinanong ako: Jun Lana, may eksena ba yan sa beach?

Beach?

Hindi raw kikita ang pelikula kung walang eksena si Katrina Halili sa beach. Ganun lang, na-shelve ang Roxxxanne. At para ma-please si Mother, gumawa kami ng pelikula para kay Katrina, at beach ang main location. 5 days ang binigay sa akin para tapusin lahat ng beach scenes sa Boracay. Sa limang araw na yun, walang araw na hindi bumabagyo. Naka-bikini nga si Katrina, pero halos panay interior ang eksena, kasi kulang na lang lamunin ng malalaking alon ang buong Boracay dahil sa bagyo. Sobrang akong depressed habang dinidirek ang ang pelikula. Eto yung naging “Gigil”. Na hindi na nga kagandahan, flop pa.

Kaya natuto ako. Kung susugal na rin lang ako, dun na sa gusto ko. Kaya binalikan ko ang script ng Roxxxanne. Nag-decide ako, ipo-produce ko siya. Bumuo ako ng team, tinawaran ko ang talent fees ng mga tao, pero 2 weeks bago mag-shoot, naospital ako. Ang laking gastos. Kaya na-shelve uli ang Roxxxanne. Nung nasa operating room ako, tinanong ako ng doktor kung anong preferred ko: gising o tulog habang inooperahan? Sabi ko gising, kasi iniisip ko pa rin kung paano pwede pang ibaba ang budget ng Roxxxanne.


Di ako tumigil sa paghahanap ng producer. Isang araw, ininterview ako sa isang TV show sa cable. Doon ko nabanggit ang tungkol sa dream project ko. A week later, pinatawag ako ng isang producer. Napanood niya raw ang interview sa akin. At dahil na-impress daw siya sa passion na ipinakita ko para sa project, tutulungan niya raw ako. Binigyan niya ako ng 1 million pesos para masimulan ang Roxxxanne.

Eh di happy. Binuo ko uli ang team, nag-recast ng mga artista. Pero ilang araw bago magsimula ang shoot, nasunog ang location namin. Muntik nang ma-shelve uli ang project. Pero buti na lang masipag ang AD ko, may nakuha agad na bagong location, at di hamak na mas swak sa script.

6 am hanggang 6 am ng sumunod na araw ang shoot. Sa normal na shooting, 6-8 sequences ang kinukunan kada araw. Kami, 25 sequences. Kaya planadong-planado bawat galaw namin. Pero siyempre, kahit anong plano, marami pa ring aberya sa set. Nung unang araw, me tatlong artista akong kailangang isugod sa ospital dahil nakatapak ng kinakalawang na pako. Nung sumunod na araw, meron namang matandang natalisod sa nakakalat na gamit ng crew, nabagok ang ulo, kailangan uling isugod sa ospital. Meron ding artistang nag-walk out dahil hindi gusto ang pagkain namin, kaya para amuin ibinili namin siya ng “special food”. At meron ding artistang halos araw-araw kong binabantaang sisipain dahil take 10 na, hindi pa rin niya madeliver nang maayos ang dialogue niya. (Pero in fairness, mukhang siya pa ang mapapansin sa pelikulang ito.)

Tapos na ang shooting, meron pa ring aberya. Nung padalhan ko ng rough cut ng pelikula ang musical scorer ko, bigla siyang nagback out. Dahil pornographic daw ang OBB (opening credits) o 1st two minutes ng pelikula. Ni hindi ako tinawagan para mag-resign. Tinext lang ako. Text! Eh di deadma ako. Ayaw niya, wag niya. Ang problema, may hinahabol kaming schedule the next day. Kaya alas dos na ng umaga, nasa Bang Coffee pa rin kami ng AD ko sa Tomas Morato, nagtatawag ng mga kakilala sa industriya, naghahanap ng pwedeng pumalit sa scorer ko.


Pagkatapos ng mahabang biyahe, sa October 10, yung mismong araw kung kelan ko sinimulan ang script, sa wakas, premiere night na rin ng Roxxxanne. Dapat para sa cast and crew lang ito. Pero dahil malaki ang venue sa UP, nag-decide akong i-open na rin siya sa public.

Honestly, di ko alam kung maipapalabas dito ang Roxxxanne. Eh OBB pa nga lang, may umatras na sa mismong staff ko. Provocative siguro. Senswal. Pero pornographic? 3 taon kong iginapang ang pelikulang ito… sasayangin ko ba lahat ng pagod ng mga tao para lang sa isang pelikulang bastos? Maraming pwedeng sabihin ang mga tao tungkol sa pelikulang ito. Kanya-kanyang opinyon naman yan e. Pero isa ang sigurado ko: Me bayag ang pelikulang ito. At dun pa lang, proud na ako.


Monday, September 17, 2007

roxxxanne premiere night


UP FILM CENTER. OCTOBER 10, 2007.

Up na rin ang website, pero under construction pa: www.octobertrainfilms.com. Will post soon kung saan makakabili ng tickets. Siyempre mamimigay din ako dito ng libre. =D

Thursday, August 23, 2007

palanca


Nagulat ako may dumating na invitation galing sa Palanca. Eh di naman ako sumali. Tapos naalala ko nag-hall of fame nga pala ako last year hehe. Wow, ibig sabihin ba nito di ko na kailangang mag-gate crash sa Palanca ever? Paksyet. Tuwing mananalo ako noon ng Palanca, ang lagi kong tanong eh kung magbabarong o hindi; kung magpapaka-cool o formal. Siyempre big deal, Palanca yan eh, pero ayaw mo namang magmukhang magre-reyna elena ka sa santa cruzan di ba, yung kulang na lang lagyan ka ng kapa. Me iba naman sobrang casual, kasi nga artist daw, kunwari they don't care, kaya astang parang manonood lang ng sine sa Star Mall, pero wag ka, secretly nagpa-pedicure pa sila bago pumunta sa Palanca. Well di naman talaga importante kung ano ang isusuot mo. Hello, nanalo ka na ng Palanca. Wala ka nang kailangan pang patunayan.Sa lahat ng winners this years, oy congrats mga ate!

Tuesday, August 14, 2007

heartbroken?

Pag direktor ka, iniisip ng mga tao sa production, me sagot ka sa lahat ng tanong nila. Iko-consult sa yo mula make-up ng artista hanggang sa kulay ng kurtina sa set hanggang sa kung anong oras mo gustong magpa-lunch at dinner break. Dati, nung nagsisimula ako, nagpapanic ako tuwing me lalapit sa akin at magtatanong. Kasi sa totoo lang, karamihan sa mga direktor, nagdudunung-dunungan din lang. Karamihan, insecure. At kasama na ako dun. Pero pagtagal-tagal, nasanay na rin ako. Dinadaan ko na lang sa attitude. Last week, may lumapit na PA (production assistant) sa akin sa shoot. As usual, me tanong. Paano daw ba mag-cope kapag heartbroken ang isang tao? Siyempre natigilan ako. Inisip ko muna kung sakop pa yun ng trabaho ko bilang direktor. Kung nagkataong mali ang gising ko, baka natarayan ko siya at inabutan ng blade. Eto ang sagot, maglaslas ka.

Pero dahil batang baklita ang PA ko, na-feel ko ang pain niya. Parang ako nung dalaginding ako. At sa experience ko, wala nang le-level pa sa kalbaryo ng isang baklang sawi sa pag-ibig.

Eto ang tandaan oras na ikaw ay nagdadalamhati: hindi masama ang umiyak. Siguraduhin lang na maganda ka pa rin. Asan na lang ang hustisya kung depressed ka na nga, mukha ka pang kasuklam-suklam. May isa akong kaibigan, nung maghiwalay sila ng partner niya, umiiyak lang siya kapag nasa harap ng salamin. That way, nababantayan niya raw ang hitsura niya. Sa kababantay niya, na-perfect niya ang art ng pag-iyak na isang luha lang ang pumapatak. In fairness talo pa niya si Claudine Baretto pag nagmo-moment. Me angking sweetness pa rin kahit bitter. Yun ang dapat nating i-aspire, mga kapatid.

Iwasang i-channel ang poot ni Celia Rodriguez tuwing maiisip ang ex. Wag nang sayangin ang oras sa paghahanap ng hitman. Remember, walang kontrabidang nagwawagi. Sa halip na maghiganti, maging graciosa. Kahit ikaw ang niloko, magpasalamat na lang na tapos na ang lahat. Pero wag ding tanga. Wag nang pangarapin na magiging friends kayo ever. Iwanan na sa kangkungan ang mga taong nanakit sa yo. Unless mahilig ka sa kangkong.

Pwedeng makipagdate. Pwedeng makipagsex. Malaking tulong yan sa self-esteem. Pero wag na wag nyong tutularan ang isang kakilala ko. Tuwing me matatapos na relasyon, naghahanap agad ng kapalit. Itago natin siya sa nick na Lookingforaseriousrelationship. In fact isa siyang alamat sa bi-manila sa dami ng nabibingwit niyang jowa sa pagchachat. Sa limang nakarelasyon niya, tatlo dun suicidal, yung isa muntik nang sinunog yung condo niya, at yung pinakahuli pinagdududahan niya hanggang ngayon na kinukulam siya dahil laging sira ang tiyan niya. Moral lesson: I-enjoy muna ang pagiging single. Siyempre hindi madali sa simula. Sa gabi, pag wala ka nang amigang makausap, mag-isa kang hihikbi–hikbi sa pillow. At kung gaya ka ng bestfriend ko, malungkot na nga makikinig pa ng Bluer than blue at Tears in heaven, at may-I-sing pa ang bakla habang nakatanaw sa window, tapos maaawa sa sarili. OK lang yan. Walang taong baduy sa nagdadalamhating puso. Siguraduhin mo lang na di ka napapanood ng kapitbahay mo dahil baka tuluyan kang maglaslas sa sobrang kahihiyan.

And finally, reinvent yourself. Parang si Madonna. O kung masyadong mataas para sa yo si Madonna, andiyan naman si Juday, in fairnez glamorosa na ang ate nyo. Salamat sa Fitrum. Pag-aralan kung paano nila nirepackage ang sarili. Baka pwede mong i-apply sa buhay mo? Hindi kailangan si Belo at Calayan. Walang masama sa pagpapalagay ng pwet at pagpapa-lipo pero mas maganda kung magpapaka-career woman ka muna. Kung wala kang career, pwes maghanap ka. Wala sa bokabularyo ng mga bakla ang katamaran. Magpakabusy sa work. Kahit di mo work, angkinin mo. Siguraduhin mo lang na wala kang maaapakan sa pangangarir mo ng trabaho ng iba. Maging competitive. Magkamal ng yaman. At pag nasa tugatog ka na ng tagumpay, darating ang araw at magkikita uli kayo ng ex mo. Sa araw na yun, matipid kang ngingiti (yung ngiting walang kurap para mas may impact), saka magbibitiw ng one liner: well, fancy meeting you here stranger (dapat ma-carry mo ang line na to bakla, walang buckle!) sabay flip ng hair at walk away. Yun ang best revenge, ate.

Sunday, July 29, 2007

Cinemalaya 2007



Di ako makapagblog lately sa dami ng ginagawa. Sa sobrang busy ko, yung boyfriend ko isang beses kinumusta ako sa email. Email ha. Eh magkasama kaya kami sa bahay.

Miss ko nang magbasa ng libro. Miss ko nang tumanga. At higit sa lahat, miss ko nang magblog. Kay eto... I'm baaack! Well, kunwari lang. Kapapadala lang sa akin ng email na to. Galing sa friend kong si Elmer Gatchalian. Si Elmer ay isang playwright, screenwriter, at youngest 1st prize winner sa history ng Palanca (nung 21 yo siya. Taraaay!) Pinanood niya lahat ng pelikula sa Cinemalaya, at gumawa siya ng review. Eh wala siyang blog, so kaming friends niya lang ang makakabasa nito. Sayang naman. Kaya eto. Mabuhay ang indie filmmakers!

EMAIL NI ELMER:

Kinarir ko ang panonood ng Cinemalaya ngayong taon sa CCP kaya kinarir ko na rin ang paggawa ng isang unsolicited movie review. Hehehe. Note: Because I was forewarned, hindi ko na pinanood ang "Ligaw Liham". So yun lang ang pelikulang na-miss ko sa pitong films in competition.

STILL LIFE
-OK na rin. may promise ang director. pero sa umpisa pa lang ng movie, alam ko na ang twist. that kinda ruined it for me. pero panoorin nyo pa rin. magaling si glaiza de castro. pero medyo OA si ron capinding. hindi pala medyo. OA SI RON CAPINDING. nung naimbento ang salitang OA, isa si ron capinding sa mga naisip ng nakaimbento ng salitang yan. "hmmm... OA... bagay na bagay ang salitang ito kay... ron capinding!" pero si glaiza, pwedeng manalo ng best actress. sensitive at intelligent ang portrayal ng bagets. may cameo performance si john lloyd cruz. which makes you think, bakit hindi na lang si john lloyd ang kinuhang bida? sorry sa mga fans ni ron capinding.

KADIN
-sa sobrang nipis ng kwento, pwedeng short film na lang sana ito. nilalamon ng setting ang napakanipis na kuwento. gustong ipahatid ng pelikula na ang bagal ng buhay sa batanes. at nakakapagod maglakad. at kailangan mong magtiyaga. pero medyo hindi raw culturally correct, ayon kay liza magtoto. kasi nga naman, zero crime rate sa batanes. so hindi uso ang nakawan. so dun palang, bagsak na ang premise. ang daming pwedeng title ng pelikulang ito: magtiyaga kadin. maghintay kadin. babalik kadin. pero ang pinakapanalo ay: matatapos kadin. dahil yun talaga ang iwiwish nyo habang nanonood kayo nito. ok lang na manood ng isang eksena kung saan pumapasok at lumalabas ang isang tauhan sa frame nang pagkahaba-haba at pagkalayu-layo ang pinagmumulan. pero ang mapanood ito ng ilang beses sa isang pelikula? medyo self-indulgent na yata. at may suspetsa ako na kaya maraming ganito ay para umabot sa time requirement para matawag na full-length feature ang pelikula. pwede rin palang part 2 nito ay: kadiyan. part 2 kadiyan.

GULONG
-balita ko taga-advertising ang nagdirek ng pelikula. at si lee meilly ang cinematographer. kaya ang buong pelikula ay isang malaking "commercial" para sa pinoy values. children's movie ito. may mga nagustuhan din naman akong children's movies. pero hindi ito. think magnifico, na kung saan ay mabait na bata ang pangunahing tauhan. pero this time, hindi namatay ang bida. at hindi gritty and rough ang pelikula kundi "sunny", "cheerful", "bright", at lahat na ng positive adjectives na maiisip nyo. sa madaling salita, hindi ko nga gusto. kasi gusto ko dark? oo. pero para ka lang nanood ng "hiraya manawari" na maganda ang cinematography. at maraming contrived sequences. hindi ko maiwasang ikumpara ito sa "magnifico" dahil ina-attempt din ng "gulong" na magpaka-poignant at heartwarming. ganun din ang premise: isang bata na may gustong makuha. sa magnifico, gusto niyang mabigyan ng magandang ataol ang lola niya. sa gulong, gusto niyang magkaroon ng bisikleta. sa magnifico, na-touch ang mga taong nasa paligid ng bata dahil sa kanyang kabutihan. ganun din ang "gulong". charming at funny ang performance ng mga bata. pero nakakasuya ang medyo pilit na pagbibigay ng "aral" ng pelikula.

TUKSO
directed by dennis marasigan. kung pamilyar kayo sa mga pelikula ni todd field (in the bedroom, little children), may ganitong dating ang pelikulang ito. intelihente ang script tungkol sa mala-rashomon na paghahanap ng katotohanan sa likod ng misteryosong pagkamatay ng isang dalaga. may kanya-kanyang version ang mga tauhan kung ano talaga ang nangyari. tungkol rin ito sa konsepto ng tukso--kung paano ito nagsisimula, kung sino nga ba ang nagsisimula (ang nanunukso o ang natutukso?), kung paano ito nilalabanan, at sa bandang huli, kung paano ito itinatakwil. mahusay ang buong cast na karamihan ay mga taga-tanghalang pilipino. pero pinaka-kapuri- puri si irma adlawan sa papel ng isang biyudang "natukso" kay ping medina. at sa kanyang kauna-unahang pelikula (i think), bagay na bagay kay diana malahay ang papel bilang dalaga na sa tingin ng lahat ay isang malaking "tukso". mahusay nga rin pala si sol cruz bilang ama na tila "natutukso" sa kanyang sariling anak. may mga pahiwatig na may incest na nagaganap pero hindi ito direktang ipinakita ng pelikula. na nagustuhan ko dahil nakakadagdag sa misteryo. mahusay rin ang pagkakalapat ng musika ni vince de jesus. enigmatic. yun sa tingin ko ang tamang paglalararawan sa pelikulang ito.

TRIBU
-gang war sa tondo. sex and violence. at gangsta rap pinoy style. winner ang texture at milieu ng pelikula. mala-dokyu ang approach. another subculture movie. lumelevel sa "city of god". it's a tight match between this film and endo for best picture. if you want heart, go for endo. if you want sex and violence, go for tribu. nakakadagdag sa tensyon ng pelikula ang malamang karamihan sa mga aktor na gumanap ay taga-tondo at ang iba ay miyembro talaga ng gang. (at ang iba sa kanila ay umattend sa screening. buti na lang walang rambol na naganap. hehe.) thugz angels, fight!

PISAY
-nostalgia trip sa 80s ang pelikulang ito. subculture movie na minsan ay nakaka-alienate (lalo na kung hindi ka taga-pisay). winner ang second story. yung first, medyo boring. yung 3rd and 4th, parang magkapareho. pero enjoyable pa rin. may igaganda pa sana ang script. pero very assured at confident ang direction ni aureaus. na nararapat lang naman dahil galing siya sa pisay. at magagaling ang mga batang bida. at si eugene domingo ay pwedeng ma-nominate for best supporting actress bilang ilonggong guro (sa kanyang "lumelevel kay meryl streep with an accent" performance) at "pasistang may puso" (ayon kay mike). go uge! pero maganda ang pagkakapili sa time at setting ng pelikula. mahusay ang pagkaka-juxtapose ng internal conflict ng mga estudyante sa loob ng pisay sa mas malawak na political conflict na pinagdadaanan ng bansa sa labas ng paaralan. at tila habang binubuo ng mga batang estudyante ang kanilang mga sarili sa loob ng paaralan, sa labas naman ay unti-unti ring nabubuo ang direksyon ng isang bayan. ang lalim 'no? kainis.

ENDO
-simple pero rock. hehe. may puso. at matutuwa ang lahat ng mga salespersons at service crew dahil love story nila ito at tribute sa kanilang pagpupunyagi. dapat gawin itong required viewing ng mga casual employee sa malls. siyangapala, endo stands for "end of contract". mahusay ang 2 leads. si ina feleo, natural na natural. si jason abalos, pwedeng maging best actor. on the surface, isa lang itong love story. pero kung susuriing mabuti, ipinapakita ng "endo" ang epekto ng contractual work sa buhay, damdamin at pag-iisip ng mga taong "nabibiktima" nito. ang pangunahing tauhan ay hindi marunong mangarap, walang gaanong ambisyon, at wala ring kapasidad na magkaroon ng matino at mahaba-habang relasyon dahil alam niyang pagkaraan ng lima o anim na buwan, matatapos ang kontrata. at kailangan na naman niyang maghanap ng panibagong trabaho at magkaroon ng koneksyon sa isang panibagong environment at grupo ng mga tao. ito marahil ang trahedya ng pagiging isang contractual worker: dahil paudlot-udlot ang trabaho, paudlot-udlot din ang pagkakaroon ng pangarap at pakikipagrelasyon. and there goes my attempt at psychosocial analysis.

o siya. ang haba na. yun lang. salamat!

elmer

--------

Dahil halos araw-araw akong nagti-taping at shooting, di ko nakarir ang Cinemalaya. Nangako ako kay Auraeus na papanoorin ko ang Pisay last Friday. Pero Friday 8 am din natapos ang shoot ko, at 10 am ang screening ng Pisay. Siyempre hindi na ako nakapanood, kailangan ko ring matulog paminsan-minsan. Nagising ako ng 12 noon, takbo agad ako sa CCP para habulin ang 12:45 screening ng Endo. In fairnez, sobra akong nag-enjoy. Considering puyat ako, di ako inantok sa pelikula. Aba eh kegaling talaga ni Michiko magsulat ng script. At very promising ang director. Winner talaga itong group ni Raymond Lee. Sana dumami pa sila. Pagkatapos ng screening, tumingin-tingin ako sa lobby. Napaka-festive ng mood ng festival. Ang daming istudiyante. Kakatuwa. Nakakapanghinayang talaga, hindi ko napanood yung iba. Pero may screenings din sa UP ngayong August. Try nating manood lahat.

Sunday, May 27, 2007

Friday, May 18, 2007

Monday, May 14, 2007

roxxxanne final cast

Eto na ang cast, nabuo rin sa wakas. Kahapon nag-nagtable reading kami, plano ko nung una mag-workshop, pero ayoko talagang aral na aral ang mga artista ko. Kaya pinag-usapan na lang namin ang script. Sa Wednesday ang 1st day ng shoot.

Sheree is Roxxxanne

Janvier Daily is Jonas

Jay Aquitania is Marlon

Pictorial namin today. Magpo post pa ako ng cast pics. Baka me gustong mag-sponsor ng mineral water o energy bars/chocolates sa shoot hehe, wag mahiya. OK din ang prayers para wala masyadong aberya sa shoot. Salamat!

Saturday, May 05, 2007

happiness

Wahahaha. Gusto kong ma-meet si Toshi.

Tuesday, May 01, 2007

para sa mga sumali sa palanca

Eto ang dahilan kung bakit matagal akong hindi nakapag-blog: May bago akong screenplay. Ang title: Kung Ako Si Kris Aquino. Hehehe. Ang saya. Ako siguro uli magpo-produce nito pagkatapos ng Roxxxanne. Etong period na to sa buhay ko, isa to sa pinakamasaya. Masaya ako. Bukas pwedeng magbago yan, pero ngayon at nitong mga nakalipas na buwan, masaya ako. Lalo na at nagsusulat uli ako para sa sarili ko. Parang nung college ako. Gusto ko nga sanang sumali uli sa Palanca ngayon pero nahihiya na ako. Tantanan na. Ibigay na sa iba ang pagkakataon.

2nd year high school ako nung una akong sumali sa Palanca. Siyempre talo. Ang unang Palancang napanalunan ko, 3rd year college ako. Pero di ako masaya. Kasi honorable mention lang. Ni hindi 3rd place. At tatlo kaming honorable mention. Di ko naisip na hindi na masamang achievement yun for a 17 yo.

Nung unang punta ko sa awards night ng Palanca, nagkaroon ako ng epiphany. Na-visualize kong mananalo ako ng 1st place, at sa mismong gabi ng awards night lalapitan ako ng isang producer, bibilhin niya ang sinulat ko, at yun ang magbibigay sa akin ng break na maging scriptwriter.

Di ko alam kung saan nanggaling ang ilusyong yun, pero pinaniwalaan ko siya. Kaya sali ako nang sali. Pero di ako nananalo ng 1st place. Panay 2nd or 3rd. Nakakasampung Palanca na ako, wala pa ring 1st place. Ako lang ata ang nananalo noon sa Palanca na hindi masaya. Kasi hindi yun ang na-imagine ko.

Finally, after 7 years, nanalo ako ng 1st place sa screenplay category. Si Armida Siguion-Reyna ang judge. Nung time na yun, active pa ang Reyna films sa paggawa ng mga pelikula. Siguradong-sigurado ako na lalapitan ako ni Armida sa gabi ng awards night at bibilhin niya ang screenplay ko.

Pero hindi dumating si Armida. Ang masaklap, nabalitaan kong ang binili niyang screenplay sa Palanca ay yung hindi pa nanalo.

Sobra akong disappointed. Sabi ko sa sarili ko, hindi na ako sasali sa Palanca. Pero dalawang linggo bago dumating uli ang deadline ng Palanca, nag-crash ang computer ko, at isa sa mga na-retrieve na files eh isang lumang outline para sa isang screenplay.

Nakalimutan ko na ang outline na yun, pero nung nabasa ko, na-excite uli akong magsulat, at hindi para sa Palanca, kundi para sa sarili ko.

Siyempre sinali ko uli siya. At nanalo siya ng 1st place. At nung gabi ng awards night, nilapitan ako ng chairman ng board of judges na si Marilou Diaz-Abaya at binili niya ang screenplay. At dahil doon, nagkaroon ako ng break sa industriya.

Kahapon, deadline uli ng Palanca. Sa lahat ng mga sumali, good luck. Maniwala kayo sa sarili ninyo. Kahit matalo kayo, maniwala pa rin kayo. Maniwala kayong nangyari na ang pangarap nyo at isang araw magugulat na lang kayo.

Monday, April 30, 2007

man crush

Kakasuklam. May nakasalamuha na naman akong closeta sa isang meeting. Kwento ng kwento tungkol sa “girlfriend” niya. Mesmerized akong nakinig for 2 reasons: 1) Ang nipis ng kilay niya, parang hipan mo lang malalagas na, kating-kati tuloy akong itanong kung bored ba siya sa buhay niya at pinagdidiskitahan niya ang kilay niya, dapat manood siya ng Oprah para malaman niya ang tamang paraan ng pagpluck 2) Parang bilib na bilib siya sa sinasabi niya, eh engot ba siya palagay niya may bumibiling straight siya? Kung negosyo ang pagiging straight, ay day matagal na siyang nalugi.

Sa totoo lang may simpatiya ako sa mga closeta. Galing na rin ako diyan once upon a time. Para kang rapunzel na nakakulong sa tore. Alam mong mahaba ang hair mo, pero alam mo ring walang darating na prince charming para i-save ka. Di ba ang sad? Kaya nirerespeto ko ang mga closeta. Para hindi ka magladlad, siguradong me malalim kang dahilan. Pero may ilang closetang gusto kong i-barbecue. Closeta na nga nanggogoyo pa ng mga babae. Kukuha ng cover girl, gagawing nobya, or worse, papakasalan! Buti sana kung kaya nilang panindigan. Dapat isama yan sa campaign mga tatatakbo ngayon sa senado. No to drugs. No to violence. No to tax hikes. At mas malaking NO sa mga closetang naninira ng buhay ng mga babae.

Nung college ako, hindi ako makapagladlad dahil lahat ng kaibigan ko straight. Natakot akong pag nagladlad ako, mawawalan ako ng kaibigan. At yun lang naman talaga yun di ba, takot. Meron diyan natatakot na itakwil ng pamilya. May iba naman natatakot ma-discriminate sa trabaho. Dahil sa takot, maraming tao ang hindi totoo sa sarili nila. Buti na lang sa panahong ito, di na ganun kahirap ang maging closeta. Kasi uso na ang mga metrosexual. OK na ang maging vain kung straight ka.

May theory ako na ang mga unang metrosexual sa Pilipinas ay mga OFW, lalo na yung mga nagsa-Saudi. Malalaman mo daw kung sino ang nag-Saudi di lang sa dami ng alahas na suot niya, kundi lalo na sa lagay ng mga kuko niya. Ewan kung anong meron sa Saudi, pero lahat na lang yata ng straight na nagtrabaho doon, biglang nawiwiling magpa-manicure at pedicure. Mukhang goons pero ang ang kikintab at pupula ng mga kuko. Winner!

At dati, kung lalaki ka at me crush kang kapwa lalaki, pagdududahan na agad kung straight ka talaga. Pero ngayon, walang kaso. Kasi uso na rin ang man crush. Straight to straight na paghanga. M2M pero walang malisya.

Dudepare, cute talaga niyang si Mike no?

Sa bading di totoo ang man crush. Kung crush mo ang isang lalaki at bakla ka, ate imposibleng kahit slight, wala kang pagnanasa sa tao. Gusto mo siyang maikama, mahalikan.O sige, granted na isa kang dalaginding, siguro kahit konting smack, na-imagine mo. Smack lang. Pero sa tongue.

O baka ako lang to. Baka naman posible ngang magka-man crush ang mga bading? As in non-sexual, platonic. Hmmm. Fun ba yun?

Sunday, April 01, 2007

baon

Marami na akong life lessons na nakolekta sa buhay ko. Halimbawa, nung college ako at nagsimulang manood ng sine mag-isa, natutunan kong hindi lahat ng lalaking naka-baseball cap sa dilim eh cute. Naku neng, kung isa kang dalaginding na naghahanap ng hada, maging wise. Magdala ng flashlight sa sinehan. Kasi karamihan sa mga naka-cap na yan, bading at mas mataas pa ang hairline kay Bembol Roco.

Pero kung may isang life lesson akong hindi malilimutan, eto yung natutunan ko nung Grade 4 ako.

Nag-elementary ako sa isang school na walang canteen. Pag recess, lahat kami ng classmates ko, bitbit ang mga lunchbox namin, nagtatakbuhan papunta sa playground na walang laman kundi isang kinakalawang na swing.

Isa lang ang pwedeng umupo sa swing na ito. Si John-John. Ang may pinakamagarang Superfriends lunchbox sa buong school. Oras na umupo si John-John sa swing, lahat kami pupuwesto na sa paligid niya, naghihintay na buksan niya ang lunchbox.

Sa memory ko ngayon, slow-mo at may kasabay na drumroll ang pag-angat ng takip ng lunchbox ni John-John. Kulang na lang magpalakpakan kami, sobrang excited na malaman kung ano ang baon niya.

Pag bata ka, status symbol ang baon. Kung ang teenagers brand-conscious, ang mga bata baon-conscious. Sa lahat ng ayokong pinapabaon sa akin, yakult. Una, di ko gusto ang lasa. At pangalawa, walang pumapansin. Siyempre pag recess, gusto mo bida ka. Masaya ako pag me nakukubrang sustento ang mommy ko sa daddy ko, kasi ibig sabihin makakapag-baon uli ako ng Nuts n Pops (caramel popcorn with nuts) at Sunkist orange juice (yung triangle ang tetrapack at may papel na dapat i-peel off bago tusukan ng straw). Pag ito ang laman ng lunchbox ko, mayabang ako. Kasi ito yung klase ng baong gustong hingin sa yo ng classmates mo. Entonces, sikat ka.

Pero si John-John, ibang level. Kasi ang baon niya, imported. Minsan, Pringles. Hershey’s. At kung ano-anong PX goods na binibili daw ng Mommy niya sa kapitbahay nilang Muslim. Pag pasko, nagdadala din siya ng kastanyas, at di pa madaling bilhin ang kastanyas noon. Kaya kahit walang pinagkaiba ang lasa sa kamote, sarap na sarap kami pag binibigyan niya kami ng kastanyas. Siyempre tuwing class election, siya ang binoboto naming president. Vice president si Jocelyn Mata kasi madalas hamburger ang baon niya (pero tukso namin, gawa yun sa uod, di ko na maalala kung bakit). At yung classmate ko namang namimigay ng Horlicks chocolates pag recess, naging treasurer.

May classmate kaming sa sobrang hirap laging walang baon. Si Charles. Sa awa ng klase sa kanya, naboto siyang sergeant-at-arms (although pag elementary ka, alam mong walang kwentang posisyon ang sergeant at arms). Pag recess, andun lang siya sa desk niya, nagdodrowing.

Minsan, nagulat kami nung sumama siya sa aming mag-playground, bitbit ang isang supot. Ibig sabihin, may baon siya! Excited ang lahat kung ano ang dala niya. Inabangan namin kung ano ang laman ng supot: dalawang pirasong pandesal. Sa hierarchy ng mga baon, wala namang masama sa pandesal. Basta masarap ang palaman. Hotdog. O kaya peanut butter. Kaso yung kay Charles, sardinas. Nagtawanan kami (nung bata ako, sardinas ang pagkain ng mahirap, hindi instant mami). After that, hindi na uli nagpunta sa playground si Charles.

Isang beses nag-away ang mommy at daddy ko. Super duper late ang sustento. At dahil walang savings ang mommy ko, in less than a month, from upper middle class naging dukha kami. Dumating na ang araw na kinatatakutan ko. Wala akong baon! Eto na, nung hinahatid na ako ng yaya ko papuntang school (walang baon, pero may yaya, only in the Philippines di ba) masuka-suka ako sa sobrang anxiety. Dala ko pa rin ang mickey mouse lunchbox ko, pero walang laman. Ayoko talagang pumasok, pero ang promise ng mommy ko, bago mag-recess darating siya sa school, dadalhan niya ako ng Nuts n Pops at Sunkist.

Hintay ako ng hintay sa mommy ko. Hindi dumarating. Eh malapit nang mag-recess. Ano’ng gagawin ko? Ano pa, eh di magdrama. Kunwari biglang sumakit ang tiyan ko. Dinala ako sa clinic, may pinainom sa aking gamot, at nung mismong recess na, tumakbo ako sa CR, kunwari may LBM. Pero ang totoo, nakasilip lang ako sa bintana ng CR, kung saan tanaw ko ang classmates kong nagbibidahan ng baon nila. Siyempre nag-moment ako, umiyak. Mayamaya napansin ko, may nanonood sa akin. Si Charles. Eh di nainis ako. Anong tinitingin-tingin mo diyan? sabi ko. Pinapacheck daw ng teacher namin sa kanya kung OK ako, kanina pa kasi ako sa CR. Eh masakit nga ang tiyan ko eh! sagot ko. Tahimik na umalis si Charles.

Uwian na. Finally, nakahinga na rin ako nang maluwag, nalusutan ko ang recess. Pero dahil sa gutom at siguro epekto ng gamot na pinainom sa akin, sumasakit na talaga ang tiyan ko. May nagbebenta ng banana-q sa kanto kaso wala namang pera ang yaya ko kundi pamasahe namin pauwi.

Mayamaya, habang naghihintay kami ng jeep, tumindi lalo ang sakit ng tiyan ko. Umiiyak na ako sa yaya ko. Sabi niya, sige ibibili kita ng banana q pero maglalakad tayo pauwi. Pumayag ako. Palapit na kami sa tindahan ng banana q nang pansinin ng yaya ko ang mickey mouse lunchbox ko. Ano daw ang nilagay ko sa loob, ba’t may umaalog. Di binuksan namin. May supot sa loob.

At sa loob ng supot, may dalawang pirasong pandesal. Sardinas ang palaman.

In fairness, masarap pala. At di namin kailangang maglakad pauwi ng yaya ko. Pero the next day, ni hindi ako nag-thank you kay Charles. At ni hindi ko siya binigyan ng baon kong Nuts n Pops. Nung sumunod na taon, di na namin nakita si Charles. Ang balita, bumalik na daw sila sa probinsya dahil nagkasakit ang tatay niya.

Tuwing naiisip ko si Charles, lagi akong nagi-guilty. Wish ko na yung yung kabaitang ipinamalas niya sa akin, sana paulit-ulit niya ngayong tinatamasa sa buhay niya. At wish ko rin, wag nang maging madamot ang mga tao sa thank you. O I love you (pero sana di plastik!). Di naman kabawasan sa savings.